Thursday, March 8, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (12)

PART TWELVE (12)

Hangin at Alon

Siguro namomroblema lang talaga ako ng husto ng mga panahong iyon at dahil na rin sa sobrang kaiisip ng solusyon kaya naisipan kong magrelax na muna pansamantala para maisaayos ko ang lahat.

Halatado na marahil sa mukha at itsura ko kasi tumitingin sa akin ang mga taong nasasalubong ko.

Pumasok ako sa SM at naupo na muna sa food court.  Umorder ako ng halo-halo at nakitabi sa isang matanda na may bakante pang espasyo dahil puno na sa iba mga lamesa.

Habang nag-iisip ako at nakatingin sa malayo ay kinausap ako ng matanda: "Nakapamasyal ka na ba sa tabing dagat?"

Nagtaka ako sa kanyang katanungan kaya sumagot ako: "hindi pa po."

Nais ko sanang lumipat na ng upuan para hindi na ako gambalain pa ngunit wala akong makitang bakante.  Maabala pa kasi niya ako sa mga hakbang na gagawin ko para mahanap si kuya, mailigtas si Shirley at makapagsalita ng maayos sa pagtawag ng mga sindikato ng ala una ng hapon.

Ngumiti siya at muling nagsalita: "Napakalakas ng hangin dun kaya maraming alon ang humahampas sa dalampasigan."

Hindi ako sumagot o kumibo lamang para hindi na niya ako kausapin pa.

"Alam mo bang may kanser ako at may taning na ang buhay ko.  Sa ikatlong araw mula ngayon mawawala na ako at iiwan ko na mga mahal ko sa buhay."  Pagpapatuloy ng matanda sa pagsasalita.

Nagkaroon bigla ako ng interes na bigyan siya ng konting panahon para kausapin nang malaman kong malapit na siyang mamatay.

"Bakit po wala kayong kasama kahit isa sa mga kamag-anak ninyo o kaibigan?  Nasaan po asawa ninyo at mga anak?"

"Pinababayaan na nila ako.  Iniiwan nga nila akong mag-isa sa bahay.  Nasa piknikan sila ngayon.  Hindi ko kasi pinaalam sa kanila ang sinabi sa akin ng aming family doctor.  Akala nila okay lang ako."  sabi sa akin ng matanda.

Nakita ko siyang dahan-dahan kung kumain ng spaghetti at sinasabayan na inuman ng pineapple juice.

"Dapat po kasi sinabi ninyo sa kanila ang totoo para mapaghandaan nila ang paglisan ninyo." sabi ko sa kanya

"Kung gagawin ko yun ay hindi ko malalaman kung sino talaga ang nagmamahal sa akin ng walang kapalit."

Sa tingin ko mukhang mayaman ang matanda kaya tinanong ko ang kanyang pangalan: "Sino nga po pala sila?"

"Ako si Mario Bergman." sagot niya sa akin

Nagtaka ako sa kanya dahil pinoy naman mukha niya pero pangforeigner apilyedo niya.  Sa tingin ko prominenteng tao siya.

"Alam mo ba na ang buhay natin ay katulad ng mga alon sa dalampasigan?"

"Ano po ibig ninyong sabihin?"

"Kung titingnan mo ang dagat ay napakalaki, nakakatakot, at napakaraming sikretong tinatago.  Ganyan ang buhay.  Akala mo malayang malaya ka ngunit hindi pala.  Pagmasdan mo ang mga alon sa dagat.  Walang makahula kung kailan iyon mabubuo, ano ang magiging laki, taas, lakas ng hampas, eksaktong hugis, at iba pa.  Akala mo walang limitasyon ngunit malinaw na hindi ito lumalampas sa boundary ng kabuuhan ng karagatan.  Hindi tinatakpan ang buong lupa.  Maliban lamang kung magkaroon ng karagdagang puwersa o magkaroon ng trahedya kaya nagkakaroon ng tidal wave o tsunami.


Akala nating mga tao ay nagiging malaya tayo kung walang pinagbabawal, batas o kautusan.  Hindi totoo yan.  Ang kalayaan ng mga alon sa dagat ay naaayon lamang sa pangkalahatang batas ng kalikasan.  Hindi maaring lumampas dun sapagkat masama ang nagiging epekto kung masusuway ang natural na batas katulad ng pinsala, kapahamakan, sakit, at kamatayan. 

Nagkakaroon ng tidal wave at tsunami kung nagkakaroon ng panibagong puwersa bukod sa regular na puwersang gumagabay sa mga alon katulad ng hangin at gravity.  Isa na dito ang pagsabog ng bulkan sa ilalim ng dagat. 

Hindi mo ba alam na may mga trahedya na gawa din ng tao?  Nais nilang pakialaman ang natural na pag-inog ng mundo.  Binabago nila ang klima at panahon.  Walang naidudulot na kabutihan ang ganung tahasang pagsansala ng mga tao.”

Napakalalim mag-isip ng matanda.  Siguro naging iba pananaw niya sa buhay dahil sa nalalapit na niyang kamatayan. 

Life is short.  Don’t waste it.

Nalibang ako ng husto sa pakikinig sa mga paliwanag niya sa riyalidad ng ating buhay.  Para siyang isang henyo, isang philosopher.  Napakarami pa siyang ipinaliwanag sa akin na hindi ko na matandaan pa pero ito ang hindi ko makakalimutan sa mga sinabi niya:

“Kahit na sa pang araw-araw nating buhay, isipin mo na lang ang maaaring mangyari kung walang batas o kautusan na umiiral sa ating lipunan.  Kunyari ay wala ng constitution, ordinances, laws, at rules. Wala ng nagpapatupad pa ng batas.  Wala na ding mga sundalo at pulis.  Wala ng moral at ethical rules. 

Kung ganun ang mangyayari, mauubos ang lahat ng tao at mapupugnaw ang mundo dahil wala ng kokontrol at pupuksa sa kasamaan.  Yan ang nangyari sa mga sinaunang sibilisasyon ng mga pagano. 

Nararapat lamang na sa buhay na ito ay may perpektong basehan at pundasyon tayo ng ating mga batas at kautusan na magsasaad ng napakalinaw kung ano talaga ang tama at alin ang mali.  Dahil ang tunay na kalayaan ay umiiral lamang sa loob ng katotohanan. 

Kung alam mo ng mali huwag mo ng gawin pa at kung ano ang tama yun lang ang gawin mo para hindi ka magsisi sa bandang huli.”

“Opo.”  Ito na lamang ang naisagot ko sa mga napakaganda niyang kapaliwanagan. Tagos sa puso. 

Meron ka bang panyo diyan?  Nose bleed na kasi ako dito kanina pa.  Siguro kayong mga nagbabasa ngayon ay nose bleed na rin.  Okay lang yan, wala namang mali sa mga pinagsasabi ng matanda at malaki ang naitulong niya na tingnan natin ang buhay sa ibang pananaw.  Napakapalad ko at nakausap ko siya ng araw na yun.

“Puwede mo bang kuhaan ako ng tubig.  Nauuhaw na kasi ako.” Ang marahan na sabi sa akin ng matanda.

“Opo, sige po, kukuha po ako ng tubig.”  Bumili ako ng mineral water ngunit pagbalik ko ay wala na siya.   
Siguro naiinip kaya umuwi na. Pumila pa kasi ako. Dapat yung regular drinking water na lang kinuha ko para nakausap ko pa siya dahil marami ako sa kanyang itatanong.  Baka pumunta lang sa rest room o marahil sinundo na ng mga kamag-anak niya.  Hindi ko alam.

Hinanap ko siya pero hindi ko na siya natagpuan pa.  Ininom ko na lamang ang mineral water.  Nang tingnan ko relos ko 11:35 AM na pala.  Isang oras na lang magtutuos na kami ng mga sindikato.

Bumalik ako sa lamesa na kung saan dun kami nag-usap ng matanda.  May nakita akong isang piraso ng papel na nakalagay dun.  May nakasulat sa gitna nito na dalawang letra: “P.E.”

Ano kaya ibig sabihin nyun?  Kung yung matanda ang nakaiwan ng papel na yun, imposible naman na ang ibig sabihin nyun ay “pure energy,” hindi niya naman siguro tinutukoy dun si Gary Valenciano kahit na sikat na sikat si Mr.Pure Energy.

Kung ang ibig sabihin naman nyun ay “potential energy,” ano naman kaya nais niyang ipahiwatig?  Malabo. 
Baka ang ibig sabihin nyun ay “primordial entity.”   Imposible rin.  “Portal exosphere,” “primary exit,” “primal earth,” “philippine exhibit,” “principal entrepreneur,” “pristine emblem,” “polymath emporium,” “philosophical enigma,” “political exploration,” “pinhole entropy,” ano kaya? 

Siguro “password entry.”  Baka ito ang keywords para sa pamamanahan niya ng kayamanan.  Nakakalito.

Nilagay ko na lamang sa wallet ko ang papel.

Napansin kong may palapit sa aking dalawang mga nakajacket na itim.  Gusto ko sanang umalis na sa food court pero huli na ang lahat.

Umupo sila sa harapan at kinausap ako.

“Ako si agent Rover at siya naman si agent Rickwood.”  Pagpapakilala sa akin ng dalawa habang ipinapakita sa akin ang kanilang mga I.D. sa wallet nila.

“Kilala ka namin at matagal ng sinusubaybayan.  Nais naming tulungan ka sa pakikipag-usap mo sa mga sindikato para mailigtas natin ang girlfriend mo at para mailagay din natin sa ligtas na lugar ang kuya mo.”

Hindi sila makatingin sa akin ng tuwid at yung isa parang nanginginig pa ang mga kamay.  Kaya nagduda ako na matinong alagad sila ng batas.  Nakakapagtaka na alam nila ang lahat.

“Alam mo ba kung nasaan nakatago ang secret file?”

Lalo akong nagduda sa kanila ng tanungin sa akin ang secret file.

“Hindi ko po alam kung nasaan ang secret file.” Ang sagot ko.

Marami pa silang itinanong sa akin patungkol sa aking kapatid ngunit sinabi ko lang ang totoo na wala na akong impormasyon na nalalaman pa kay kuya mula nang siya ay lumisan.

“Ito calling card namin, kung kailangan mo ng tulong tawagan mo lang kami.”

“Sige po, salamat.”

Umalis na ang dalawa.  Lumipat lang ng upuan at nakatanaw pa rin sa akin.  Lalong bumigat ang aking problema. 

Isa isahin natin ang ilan lamang sa mga problema ko sa kasalukuyan:
  1. Kailangang matapos ko ang diary ni lolo Tacio para mapasok ko na ang yungib ng kamatayan at matuklasan ng personal mga lihim at hiwaga sa lugar ng kababalaghan
  2. Kailangang malaman ko kung buhay pa talaga si kuya Kirk o hindi.  Kung buhay siya at hinahabol pa rin ng mga sindikato kailangang matulungan ko siya.
  3. Kailangang mailigtas ko sa kamatayan si Shirley na hawak ng mga sindikato.
  4. Kailangang matigil na ang pagsusubaybay sa akin ng mga corrupt na alagad ng batas kung sino man sila.
  5. Kailangang mapanatili kong nakatago ang secret file ni kuya Kirk para hindi mapasakamay ng mga masasama
Lumiliwanag pa sa aking isip na parang bumbilya at araw ang sinabi ng matanda: “… ang tunay na kalayaan ay umiiral lamang sa loob ng katotohanan.  Kung alam mo ng mali huwag mo ng gawin pa at kung ano ang tama yun lang ang gawin mo para hindi ka magsisi sa bandang huli.”

Nakasalubong ko ang tatlong mga babaeng artista na sikat sa buong bansa habang naglalakad ako.  Nginitian ko sila at ngumiti rin sila sa akin. Alam ko na ang aking gagawin.  Bumili ako ng dalawang ballpen, kulay blue at kulay red, at tsaka isang maliit na notebook. 

Sinusundan ako ng dalawang lalaki na nagsasabing alagad sila ng batas ngunit madali akong nakaiwas sa kanila.  Inikutan ko sila at narinig ko ang usapan nila na makuha lang nila sa akin ang secret file ay papatayin rin nila ako.  Dun ko napagtanto na sila ang mga corrupt na secret agents.  Nagpakalayo layo ako sa kinaroroonan nila.  

12:10 AM.  Nag-internet muna ako sa Netopia at pagkatapos ay lumabas agad ako ng mall.  Sinimulan ko ng magdrawing at magsulat sa maliit na notebook.  Pinipigtas ko ang mga pahina sa mga natatapos kong isulat.   

Binilisan ko ang lahat ng aking ginagawa.  Halos takbo-lakad ang ginagawa kong paglilibot sa may Cubao.   

Inilalagay ko ang mga pinigtas na papel sa piling mga lugar dun.

Eksaktong 1:00 PM ng matapos ko mga ginawa kong pagsusulat at pagtago ng mga tiniklop na papel sa iba’t ibang lugar sa may Cubao.  Binuksan ko na cellphone ko. Hindi pa rin tumatawag ang mga sindikato.  Medyo kinabahan ako dahil parang mabibigo ang aking plano. 

Lumipas pa ang ilang minuto.  1:15 PM nag-ring na ang cellphone ko.  May tumatawag, nakita ko number ni Shirley.

Paglipad

“Lito, ikinulong ako ng mga sindikato sa isang kuwarto.  Palihim lang akong tumatawag.”

“Saan ka nila dinala Shirley?”

“Hindi ko alam kasi nakapiring mga mata ko ng kuhain ako ng mga sindikato.  Babalikan daw agad nila ako dito dahil nagmemeeting sila sa kabilang kuwarto.  Marami sila.”

Narinig kong nanginginig ang boses ni Shirley.  Kawawa naman siya.  Nadamay pa siya sa problema ko.

“Sinaktan ka ba nila?”

“Hindi naman, pero galit na galit sila sa iyo Lito.”

“Huwag kang mag-alala gumawa na ako ng paraan para mailigtas kita sa mga sindikato.”

“Pasensya ka na Lito sa akin kasi pati ako nakadagdag pa sa problema mo.  Hindi ko naman alam na matagal ka na palang sinusundan ng mga sindikato kaya kilala din nila ako dahil sa iyo. Makinig kang mabuti, ngayon ko lang ito sasabihin sa iyo, kahit anong mangyari mahal na mahal kita.” Pabulong niyang sinabi sa akin sa cellphone.

Hindi ko alam kung ano itsura ni Shirley nang time na yun pero isa ang sigurado, hirap na hirap siya sa pagsasalita, parang may sumasakal sa kanya o parang nakabigti siya.

Bago pa ako nakapagsalita ay may narinig akong sumampal sa kanya, naputol bigla tawagan namin.

Nag-ring muli cellphone ko.

“Matapang ka Lito, lakas ng loob mo na patayan kami ng cellphone kanina, pasalamat ka at inutusan kami ng bossing namin na huwag patayin ang girlfriend mo.  Ngayon sabihin mo sa amin kung nasaan ang kapatid mo at ibibigay namin ng buhay ang napakaganda mong girlfriend.”

“Mga abnormal kayo! Ang sabi ko huwag na huwag ninyong sasaktan si Shirley.  Hindi ko alam kung nasaan si kuya Kirk pero may alam akong impormasyon na may kaugnayan sa sinasabi ninyong ninyong secret file.   

Yun ang ibibigay ko sa inyo sa isang kundisyon.”

“Huwag na tayong magpaligoy ligoy pa.  Palitan ang gusto namin.  Ibibigay namin sa iyo girlfriend mo at ibibigay mo sa amin ang secret file.  Ikaw ang papupuntahin namin sa isang bodega at huwag kang magtatangkang magsuplong sa pulis”

“Kayo ang makinig sa akin.  Isang kundisyon.”  Biglang pinatayan ko sila ng cellphone. 

Binuksan ko muli makalipas ng ilang minuto.  Tumawag muli sila.

“Ginagalit mo talaga kami.  Anong kundisyon ba tinutukoy mo?  Sige magsalita ka.”

“Dalhin ninyo si Shirley sa may Cubao at itetext ko sa inyo mamya kung nasaan nakatago ang papel na dun nakasulat ang instruction patungkol sa impormasyon na may kaugnayan sa secret file.  Dapat makita ko siyang nakatayo na maayos dun sa lugar na sasabihin ko sa inyo mamya.”

Pagkatapos kong makipag-usap sa mga sindikato ay nagtext ako sa dalawang “secret agents.”

Tumawag muli sa akin ang sindikato at sinabing nandun na sila sa Cubao sa sinabi kong lugar.

Nakatanaw ako sa malayo gamit ang aking maliit na teleskopyo.

“Ibigay ninyo kay Shirley ang cellphone niya.” 

Nakita kong ibinigay ang cellphone kay Shirley.

Teka lang at kakausapin ko lang si Shirley.  Tinawagan ko ang number niya.

“Mamya pagpinakawalan ka ng sindikato, tumakbo ka agad papuntang kanan at sumakay ng taxi papuntang Luneta.  Text na lang kita kung saan dun tayo magtatagpo.”

Tumawag muli ako sa sindikato.

“Iipunin ninyo lahat ang sampung piraso ng papel na may nakasulat na kulay blue para mabuo ninyo ang mapa kung saan nakatago ang impormasyon na my kaugnayan sa secret file.   May number yun na sunod-sunod para mapagsama sama ninyo.  Palaging dalawang papel ang magkasama sa isang lugar na pinaglalagyan ng clue.  Ang pulang sulat ang magsasabi ng susunod na lugar samantalang ang blue na nakasulat ang may numero at pirapirasong nakadrawing na mapa.”

“Pinaglalaruan mo ba kami Lito?”

“Kung ayaw ninyo sige bahala kayo sa buhay ninyo at hindi ko na sasabihin kung nasaan nakatago ang unang pair ng papel.  Sasabihin ko lamang iyon sa inyo kung pakakawalan ninyo si Shirley ngayon din.”

Nag-usap usap ang mga sindikato.  Tumango ang pinakapinuno nila na nasa loob ng nakabukas na van.

Pinakawalan agad nila si Shirley at nakita kong sumakay na siya ng taxi.  Tumawag ang mga sindikato sa akin.

“Nasaan na?”

“Sa ilalim ng paso ng halaman na nasa inyong harapan.”

Nakita kong binabasa nila ang mga nakasulat sa papel at nagsitakbuhan na sila para sa susunod na lugar.

Paikot ikot ang mga sindikato para maipon ang number 1 to number 8 paper clues.

Abala naman ang dalawang “secret agents” sa magkahiwalay na lugar na tinext ko upang kuhain ang number 9 at number 10 paper clues na kung saan ay parehas may nakalagay na instruction na maghihintay sila parehas ng magkatabi sa isang park dahil may lalapit sa kanila dun na may hawak ng number 1 to number 8 paper clues para mabuo ang mapa.

Matapos makuha ng mga sindikato ang number 8 paper clue nakasulat dun na pupunta sila sa park at makikita nila ang dalawang lalaki na parehas may hawak na piraso ng papel.  Yun ang number 9 at number 10 paper clue na kailangan nila.

Pinanood ko mula sa malayo ang mangyayari sa park.  Nagkaenkwentro ang dalawang grupo sa park sapagkat ang bilang ng mga sindikato ay tinapatan din ng mga kasamahan ng dalawang “secret agents” na nakapaligid sa park.

2:20 PM.  Nagkatutukan sila ng mga baril.  Walang makakibo.  Walang makakilos.  Lahat ay pinagpapawisan sa init ng araw.  Nangawit ang isa at naiputok niya ang baril hanggang magkabarilan ang lahat.

Talo ang mga sindikato.  Umatras ang mga van nila at umalis ng park.  Samantalang kinuha ng mga “secret agents” ang walong piraso ng papel na nasa kamay ng patay na sindikato.

Binuo nila ang mapa at nakaturo yun sa park mismo na nakabaon sa lupa ang isang piraso ng papel na kung saan nakasulat ang URL o webpage link.  May dapat silang idownload na zip file na may pamagat na “info4u.”

Alam kong dinownload nila ang file dahil binuksan nila ang kanilang mga laptop at ipad.  Galit na galit sila sa natuklasan nila.

Ang nakacompress sa zip file ay isang picture at text file.  Ang nakasulat sa textfile ay “Congratulations!  At last you’ve found it! Eureka!”  Ang graphic file naman ay animated picture ni Einstein na padila dila.  Isang pang-iinsulto ang nakuha nila.  Yun lang.

Siguradong lulusobin na nila ako kaya umuwi na agad ako ng bahay para maghakot ng mga gamit ngunit pagdating ko sa bahay ay napakagulo na nito.  Wasak wasak ang aking mga cabinet.  Wala na rin ang diary ni lolo Tacio.

Tinawagan ko agad si Shirley at narinig kong umiiyak siya: “Nadakip na naman ako ng mga sindikato.   

Tulungan mo ako Lito…”

Dun ko narealize na sayang lang lahat ng pinagpaguran ko.  Nadagdagan pa ng panibagong problema dahil pati ang diary ni lolo Tacio ay nakuha na rin nila.  Hopeless case.  Wala na yata akong pag-asa.

Ngunit hindi ko alam na sa ganung napakasalimuot at komplikadong sitwasyon ay mapipilitang lumabas ang aking kapatid na si kuya Kirk.

Nagmamadali akong kumuha ng bag at inilagay ko ang ilang mga damit ko.   Kinuha ko rin ang external hard disk ni kuya na nakatago sa ilalim ng aking lagayan ng mga sapatos.

3:00 PM.  Paglabas na paglabas ko ay sumabog ang aking bahay.  May time bomb pala.  Mabuti na lang at nakaalis na ako.

Nagulat ako sa aking nakita. Napakarami ng sindikato ang nakaabang sa akin sa labas ng aking bahay.

Pinaligiran na ako ng mga sindikato.  Hinawakan ko ang aking bag ng mahigpit at naghahanap ng matatakbuhan ngunit napakarami talaga nila.

Biglang dumating ang aking kapatid na nakamotor at inabangan agad siya ng mga sindikato.  Pinagbabaril siya kaya lumipad ang kanyang motor at bumagsak siyang gumugulong sa tabi ko. 

Hindi pa pala siya patay.  Siguro nagtago lang dahil sa mga sindikato para hindi na kami madamay pa.  Kaso walang lihim na hindi nabubunyag kaya natuklasan din ng mga sindikato na buhay pa siya.

Itinayo ko siya at nakita ko siyang duguan.  Hawak niya ang kanyang braso na may tama ng bala.  Sugatan din ang kanyang mukha.

Unti-unting lumapit sa amin ang mga sindikato. 

Tumingin sa akin ang aking kuya habang sinasabing “Pagtulungan nating labanan sila Lito.  Kaya natin sila.   

Tsaka ko na lang ipaliliwanag sa iyo ang lahat.” 

Fast forward muna.  Matapos ang trahedyang ito, nabanggit sa akin ni Shirley na sa kanya daw ibinigay ng sindikato ang diary ni lolo Tacio sa pag-aakalang walang halaga ito.

Binasa niya daw ang bahaging may bookmark: ang pakikipaglaban ni lolo Tacio at Graniso laban sa mga alagad ni haring Turkido.  Eksakto sa nangyari sa akin ng time na yun.

Rewind ulit.   Pagsamahin na natin ang dalawang kuwento at pagkumparahin natin para mas-exciting basahin.

(Itutuloy…)

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 1011 | >>> 

Saturday, March 3, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (11)

PART ELEVEN (11)

Kirk Xpyder

Sabik na sabik na akong malaman kung ano nangyari pagkatapos na utusan ni haring Turkido mga alagad niya na ipapatay sila lolo Tacio at Graniso kaso may tumawag bigla sa cellphone ko at nang tingnan ko kung sinong tumatawag, si Shirley:

“Hello!  Bakit napatawag ka Shirley?”

“Lito, may nakakita sa kapatid mong si Kirk sa may Cubao, tumatakbo siya na duguan daw sabi ng aming kapit-bahay.  Nasa bandang farmer’s plaza nakita siyang patawid ng araneta.”

“Sigurado ka bang si kuya Kirk ang nakita ng kapit-bahay ninyo Shirley?”

“Oo Lito, kasi kabarkada ng kuya mo si Topek at classmate pa nung college.  Hindi pa pala patay kapatid mo.  Buhay siya pero nasa peligro na din dahil may mga humahabol daw na mga nakaitim na jacket.”

“Ok, kung si kuya talaga iyon alam ko na kung saan siya pupunta.”

“Saan Lito?  Sasama ako sa iyo.  Tutulungan kita.”

“Ayokong madamay ka pa sa gulong ito Shirley.  Ngayon na ang tamang pagkakataon para tulungan ko si kuya Kirk.”

“Makakatulong ako sa iyo Lito.  Nurse ako.  Kailangang gamutin natin siya.  Naikuwento sa akin ni Topek na sumabog bahay ninyo kasama ng mga sindikato na gustong pumatay sa inyo kaya napagkamalan na patay na rin kapatid mo at ikaw lang nakatakas.  Hindi mo siya puwedeng dalhin sa ospital.  Madali siyang masundan dun ng mga sindikato.  Di ba sabi ko sa iyo kahit anong tulong ay ibibigay ko sa iyo bastat tawagan mo lang ako.  Ngunit hindi ka man lang tumawag kahit isang beses.   Naghihintay ako sa call mo araw-araw.  Ngayon ako na mismo ang tumawag sa iyo dahil siguradong kailangan mo tulong ko.”

“Sige, hintayin mo ako Shirley sa may Ali Mall.  Pupunta na ako dun ngayon.”

“Ok.  Salamat Lito sa pagtitiwala mo sa akin.”

Nakalimutan kong itago ang diary ni lolo Tacio sa aking pagmamadali.  Nasa ibabaw lang ito ng lamesa na nakabukas sa pahina na kung saan makikipaglaban na sila lolo Tacio at Graniso sa lahat ng alagad at kawal ni haring Turkido sa loob ng palasyo.

Tumakbo ako palabas ng bahay at sumakay ng taxi.  Alam kong may isa pang apartment si kuya sa may Cubao.  Siguro dun siya pupunta.

Napatingin ako sa National Bookstore dahil parang may kahawig si kuya Kirk na naglalakad sa tapat nyun ngunit hindi pala siya.  Napagkamalan ko lang. 
 Bumaba na ako ng Ali Mall at nakita kong maraming mga pulis ang nanduon na may hinahanap kaya tinext ko agad si Shirley:

“Nasaan ka na Shirley?  Nandito na ako sa labas ng Ali Mall.”

Hindi siya nagrereply.  Tinatawagan ko siya ngunit naka-off na cellphone niya.  Lalo akong nag-alala sapagkat nadamay pa siya sa kaguluhan at problema ng buhay ko.

Pumasok ako ng mall upang hanapin siya.  Ilang minuto ang lumipas ngunit hindi ko pa rin siya makita.   

Nag-ring muli ang aking cellphone at nakita kong ibang number ang tumatawag sa akin.

“Ikaw ba si Lito? Kapatid ni Kirk?”

“Bakit po?”

“Hawak namin ang girlfriend mong si Shirley.  Papatayin namin siya kung hindi mo ituturo sa amin pinagtataguan ng kuya mo!”

Bago ako sumagot ay pinag-isipan ko na munang mabuti kung ano ang nararapat kong gawin. Isang napakalaking problema ngayon ang sinusuong ko.  I’m now on the horns of a dilemma.  Naiipit ako ng dalawang malaking pader.  Ano ang gagawin ko?  Apat na options ang pumasok agad sa isip ko:

  1.  Ituro ang dating apartment ng kuya ko sa Cubao.  Hindi ko naman sure kung nandun talaga siya para mailigtas ko sa kapahamakan si Shirley.  Makikipagkita ako sa kanila sa lugar na iyon para makuha si Shirley.  Kahit hindi ko siya girlfriend, puwede na rin, alam kong mahal niya ako at matututunan ko naman siya sigurong mahalin din.
  2. Ang pagpilitang sabihin sa kanila na hindi ko talaga alam kung nasaan si kuya Kirk. Ang problema papatayin na nila si Shirley.  Baka abusohin muna nila si Shirley bago patayin.  Hindi maaaring mangyari yun.  Naiimagine kong umiiyak siyang nakayuko habang nakatutok sa kanya ang mga baril ng sindikato at tatadtarin siya ng mga bala. 
  3. Ang umuwi na lang sa bahay at i-off ko na lang cellphone ko.  Magrelax.  Magbasa ng diary ni lolo Tacio kasi nakalimutan kong nasa ibabaw ng lamesa ko.  Kumain, matulog at magbasa hanggang matapos ang diary ni lolo Tacio.   Siguro patay na talaga si kuya Kirk at kasabwat lang si Shirley ng mga sindikato para alamin lang sa akin ang secret file sa mga taguan ni kuya Kirk.
  4. Ang isuplong sa pulis ang panibagong problema na kinakaharap ko para sila na lang gumawa ng paraan na ma-solve ang trahedyang ito.  Ngunit baka may mga ilang pulis na kasabwat ng sindikato dahil huli na silang dumating noong humingi sa kanila ng tulong si kuya Kirk.  Hindi na rin sila nagpatuloy sa pa-iimbestiga mula ng mailibing ang sinasabing mga labi ng aking kapatid. 
Alam ba ninyo kung ano ang napili ko sa apat na yan?  Ano?  A, B, C, or D?  Tama kayo.  Wala.  Ito ang sagot ko sa mga sindikato:

“10:00 AM palang ngayon.  Tawagan ninyo muli ako ng 1:00 PM at sasabihin ko sa inyo ang sagot ko bastat ipangako ninyo na hindi ninyo sasaktan si Shirley.” Pagkatapos kong sabihin iyon ay pinatayan ko na sila ng cellphone.

Pinuntahan ko na agad yung dating apartment ng kapatid ko kung nanduon talaga siya.  Magpapatulong ako sa kanya para mailigtas si Shirley.  Kung wala siya dun ay magsosolo ako na gumawa ng paraan para mailigtas si Shirley sa mga kamay ng sindikato.

Matapos mapagkamalan naming patay na si kuya ay nakuha ko yung hard disk ni kuya na itinago niya sa ilalim ng floor ng aming kusina.   Wala akong balak na ibigay iyon sa mga sindikato.  Hindi ko pa nga nakikita ang loob ng mga files ng external hard disk niya.

Siguro may kinalaman yun sa universal access code para mapasok lahat ng online accounts sa Internet dahil dun interesado lahat ng hackers at crackers sa buong mundo. 

Ngunit malaki din ang sapantaha ko na ang secret file ay may kaugnayan sa isang research ng nominee ng Nobel Prize.  Ginamit niya lang siguro ang universal access code para makuha niya ang mga ninanakaw na files sa Internet ng mga sindikato.

Naaalala ko nung nagkukuwentuhan kami nang sinabi niya na: “The research is related to quantum DNA recombination between aquatic/aerial/terrestrial bioluminescence and post-modern floral envelope technology.” 

Hindi ko maintindihan ang mga sinabi niyang yun pero bandang huli ay natuklasan ko na ang mga nireresearch ng mga makabagong scientists ay matatagpuan ko lang pala sa pagbabasa ng diary ni lolo Tacio.   Kahit nga ang mga pag-aaral ng matataas na pilosopiya at relihiyon ay nandun na rin.

Nabanggit minsan sa akin ni kuya na may nakuha siyang treasure sa Internet pero hindi ko alam kung saang file niya naitago dun sa external hard disk niya. 

Madalas kong mapansin noon sa mga filenames niya na may “kx” na mga letra.  Marahil tumutukoy yun sa pinagsamang initials ng pangalan at alyas niya na “Kirk” at “Xpyder.”  May posibilidad din na ang basa dun sa “kx” ay “kicks” dahil black belter si kuya Kirk ng Jeet Kune Do.

Ang pamamaraan niya ng pagtago ang alam ko at iyon ay ang steganography.  Ang tanong: “What is the specific file of the external hard disk in which the secret file was steganographically hidden?” 

Kibo-kibo baka tayo ma-stroke!   Let’s get it on!

Mabilis akong tumakbo papuntang apartment ni kuya Kirk.  Bigo na naman ako.  Wala dun si kuya Kirk ng kumatok ako.  Sinilip ko ang bintana.  Walang mga gamit kahit isa.  Ilang taon na kasi ang nakakalipas kaya imposible ngang buhay pa siya at dun lang tumitira sa apartment na iyon na hindi na nagparamdam kahit isang beses sa aming pamilya.

Ngayon mag-isa ko ng haharapin ang mga sindikato upang mailigtas ko si Shirley.

Tinignan ko ang aking relos na bigay ni Mitch, 10:15 AM.  Ala una ko pa naman pinapatawag ang mga sindikato para sa aming deal.  Kayang kaya pa para makapagplano ng maingat.

Isang ideya ang pumasok sa isip ko.  Mga initial na galing sa initials ni Shirley – S at Mitch – M.  Tama!  Pupunta na muna ako sa SM at dun muna ako magpapalamig para makapag-isip ng maayos.

>>> PART TWELVE (12) 

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 >>>

Thursday, March 1, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (10)

PART TEN (10)

Graniso Esteban 

“’Kaya pala nagagalit sa akin si Graniso dahil magkasing-ugali kami ni Diego.  Ano na nga po pala nangyari sa kanya?  Bakit wala siya dito sa inyong tahanan?’ang patuloy kong pag-uusisa kay tatay Isko.

‘Matapos pagdusahan ni Graniso lahat ng kaparusahan na para kay Diego ay hindi pa rin siya nagbago.  Sa halip na sumunod na siya sa amin, sinuway niya kami ng magdesisyon siyang pumunta sa bundok ng kawalan upang sundan ang kanyang kasintahan na si Crisel.  Nangyari yun nang ikaw ay nakakulong pa sa hukay.’  Pagpapaliwang sa akin ni tatay Isko.

‘Siya nga po pala may nakita ako ditong magandang babae nang ako ay mahuli ng mga kawal ng tribu ninyo.  Maputi siya at medyo singkit ang mga mata.  Kilala ninyo po ba siya?’  pagtatanong ko muli.

‘May dalawang malaking hikaw ba siyang ginto sa mga tainga niya?” tanong sa akin ni tatay Isko.

‘Opo at marami siyang pulseras na gawa sa mga ngipin ng hayup dahil matatalim ito.’ Ang magalang kong sagot.

‘Siya mismo si Crisel!’ ang daglian niyang sagot.

Laking gulat ko nang malaman kong kasintahan pala yun ni Diego at naging biktima sila parehas ng mga halimaw sa bundok ng kawalan.

‘Si Graniso ay ang pinakamagaling na mandirigma ng aming tribu.  Marami siyang napatay na mga halimaw na sumasalakay sa aming tribu.  Kinukuha naman ni Diego lahat ng mga pangil ng halimaw at ginagawa niyang pulseras upang iregalo sa mga kasintahan niya dito sa tribu.  

Pero si Crisel ang mahal na mahal niya kaya nang dagitin iyon ng halimaw ay sinisi niya si Graniso dahil abalang abala siya sa pakikipaglaban at hindi niya napansin na pinaglalaban na ni Diego ang pamilya ni Crisel na nilusob ng mga halimaw.  Humihingi ito ng saklolo kay Graniso ngunit hindi niya ito narinig dahil sa napakaraming halimaw ang sumalakay ng gabing iyon.  

Walang kasalanan si Graniso ngunit siya ang palaging sinisisi at inaaway ni Diego.  Hanggang isang araw, nagdesisyon si Diego na pumunta sa bundok ng kawalan.  Kahit anong pagbabawal namin sa kanya ay hindi siya nakinig sa amin.  Hindi na siya nakabalik pang muli sa aming pamilya.’  Patuloy na pagkukuwento ni tatay Isko na parang nagsisikip na naman ang paghinga.

Nanghina tuloy ako nang malaman ko na yung babaeng nagpatibok ng aking puso ay kasintahan na pala ni Diego at ngayon ay halimaw na rin kasama niya.  Nakakalungkot talaga.

Ngunit ngayon ko naunawaan ang pag-uugali ni Graniso.  Lumapit ako sa kanya at nagsabing: 'Puwede ba kitang tawaging kuya Graniso?'

Nakita kong nagningning ang kanyang mga mata at ngumiti siya na nagsasabing: 'Oo naman, bakit hindi, naikuwento na ba sa iyo ni tatay ang patungkol kay Diego?  May pagkakahawig ka kasi sa kanya.  Sana lang nga huwag kang matigas ang ulo.  Sundin mo mga bilin sa iyo ni tatay upang kahit paano ay hindi siya masaktan muli katulad ng dinanas niya kay Diego mula ng mawala ito.'

Kinagabihan ay nagdesisyon na ako na huwag pumunta sa dulang na inihanda ni Haring Turkido. Tuwang tuwa si tatay Isko, kuya Graniso at ang iba pang miyembro ng pamilya ng malaman nilang hindi na ako pupunta sa bundok ng kawalan.  Niyaya nila ako na pumunta sa isa nilang kamaganakan ngunit pagod akong masyado at nagpapagaling pa ako sa mga tama ng pana at sibat sa aking katawan kaya hindi ako sumama.  

Natutulog na ako nang makarinig ako ng malalakas na katok sa pintuan.  Hindi ko akalain na susunduin ako ng mga alagad at kawal ni Haring Turkido ng gabing iyon.  

Binuksan ko ang bintana at sinabing: 'Bakit?  Anong kailangan ninyo?  Wala dito ang pamilyang Esteban.'  

'Ikaw ang kailangan namin.  Pinasusundo ka ng mahal na Hari.' ang sagot ng mga kawal.

'Ayokong sumama.  Nagdesisyon na ako na hindi na ako lulusob sa bundok ng kawalan.  Ayoko pang magpakamatay.'  ang paliwanag ko.

'Ipapapatay ka ni Haring Turkido ngayon mismo kung hindi ka sasama sa amin.  Ipinaghanda ka na niya ng malaking dulang sa kanyang palasyo.' ang sabay-sabay na sabi ng mga kawal.

Winasak nila ang pintuan at isinakay ako sa isang sasakyan na pinatatakbo ng anim na kabayong itim.

Namangha ako sa aking nakita.  Napalaki pala ng palasyo ni Haring Turkido.  Masmalaki kaysa sa templo niya.  May mga ilawang apoy ang aming dinadaanan at pagdating sa gate ay napakaraming tao na mga alagad ni Haring Turkido.

May mga manunugtog ang palasyo at mga kawal na magkakaharap na sumasaludo sa pagpasok ko.

Pagbukas ng ikalawang gate ay sinalubong agad ako ni Haring Turkido at dun sa pinakaunahang lamesa ako pinaupo na katabi ng kanilang princesa.  Tila isang magandang panaginip na sinundan ng bangungot.

Minsan ang isang problema ay natatakpan ng pagpapala sapagkat ako ay lubusang namangha nang makita ko ang mga katulong o alipin na nagsisilbi sa palasyo ni Haring Turkido.  Lahat sila ay magaganda at tunay na kaakit akit.  Masmaganda pa sila kay Crisel.  Yun pala ang tinatagong lihim ng palasyo.  Wala akong itulak at kabigin. 

Lahat sila ay nakangiti na nagsisilbi sa akin.  Ngunit may nagbigay sa akin ng alak na ubas sa aking saro at siya ay simple lang.  Hindi siya nakangiti.  Seryoso yata siya sa buhay.  Problemado sa tingin ko.  Tinanong ko agad ang kanyang pangalan. Hindi niya sinagot ang aking tanong bagkus binigyan niya agad ng alak ang kanilang princesa na katabi ko.

Nakita ko siyang bumalik sa isang pintuan na kung saan nangagagaling lahat ng handa sa dulang. Nais ko sana siyang sundan nang biglang magsalita si Haring Turkido: 'Magandang gabi sa inyong lahat!  Ngayon ay isang bayani na naman ang magpapakita ng kanyang tapang sa ating harapan.  Siya ang lulusob sa mga halimaw dun sa bundok ng kawalan.  Katulad ng ating tradisyon at kinagawian, magpapakitang gilas na muna siya sa atin sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa apat na ating mandirigma.'

Akala ko ay makakatagpo ko na ang bago kong binibini ngunit tabak at kamatayan pala ang haharapin ko sa dulang na ito.

Nagsilabasan na ang apat nilang mandirigma at paikot ikot sa may gitna na may tigdadalawang nangingintab na tabak.

Nagsitayuan ang lahat at nagpalakpakan.  Sinesenyasan na ako ni haring Turkido na pumunta sa gitna.  Hindi ako tumayo.  Ayoko pang mamatay.  Bata pa ako.  Marami pa akong pangarap sa buhay. Makakabalik pa ako sa aking mundo. Magkakaroon pa ako ng masayang pamilya.  

Hanggang isip lang mga iniisip ko sapagkat kinarga na ako ng dambuhalang princesa at inilagay sa may gitna.

Lalong nagsigawan at nagpalakpakan ang mga tao.  Pinaligiran na ako ng apat na mandirigma na may mga tabak.   Ako ay walang sandata.  Paikot ikot din ako at humahanap ng tiyempo para makalusot, makatakbo at makatakas.

Sabay-sabay na akmang  tatagain nila ako ng todo.  Nakita kong papatayin talaga nila ako kaya yumuko ako at lumusot sa pagitan ng mga mandirigma.  Mabilis akong gumapang palayo sa kanila ngunit hinuli at ibinalik ako ng mga kawal na nakapaligid sa amin.

Pinaikutan muli ako ng mga mandirigma at sabay-sabay na namang tatagain ako kaya umupo na lamang ako, ang aking mga kamay sa ibabaw ng aking ulo, pumikit at nanalangin ng taimtim sa Diyos na sana ay mapunta ako sa langit ng mga langit pagkatapos ng aking tiyak na kapahamakan at kamatayan.

Nagsigawan lahat ng mga tao sa tuwa.  Hinihintay kong may lumapat na mga tabak sa aking katawan ngunit ilang minuto na ang lumilipas ay wala pa rin.  Nang unti-unti kong iminulat ang aking mga mata nakita kong nakabulagta na ang apat na mandirigma.  Nakatayo na katabi ko si kuya Graniso.

'Ako ang labanan ninyo at hindi ang bunso kong kapatid na si Tacio.' ang sigaw ni kuya Graniso.

'Graniso, huwag kang makialam dito, kung gusto mong lumusob sa bundok ng kawalan, sabihin mo at ipaghahanda kita ng dulang, ngunit hindi para sa iyo ang gabing ito.'  ang pagalit na sigaw ni haring Turkido.

'Nagsabi na sa amin si Tacio na hindi na siya pupunta sa bundok ng kawalan kaya pinasusundo na siya ni tatay Isko.  Huwag ninyo siyang pilitin.'  ang sagot ni kuya Graniso.

Itinayo niya ako ngunit pinaligiran na kami ng mga alagad at kawal ni haring Turkido.  Naghihintay na lamang sila ng hudyat upang patayin kaming dalawa.'

'Huwag kang matakot Tacio, ipagtatanggol kita at ipaglalaban kita ng patayan.'  ang bilin sa akin ni kuya Graniso.

Biglang sumigaw ng napakalakas si haring Turkido: 'Kung kamatayan ang gusto mo ngayong gabi Graniso Esteban, ibibigay ko yan sa iyo, pinasok mo ang aking palasyo, isinama mo pa sa kamatayan ang ampon ninyong si Tacio.  Hahahaha!!!! Mga minamahal kong alagad at mga magigiting kong mga kawal, huwag hayaang makatakas ang mga taong yan, patayin sila!!!!'"

>>> PART ELEVEN (11)

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 1011 | >>>