Thursday, March 1, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (10)

PART TEN (10)

Graniso Esteban 

“’Kaya pala nagagalit sa akin si Graniso dahil magkasing-ugali kami ni Diego.  Ano na nga po pala nangyari sa kanya?  Bakit wala siya dito sa inyong tahanan?’ang patuloy kong pag-uusisa kay tatay Isko.

‘Matapos pagdusahan ni Graniso lahat ng kaparusahan na para kay Diego ay hindi pa rin siya nagbago.  Sa halip na sumunod na siya sa amin, sinuway niya kami ng magdesisyon siyang pumunta sa bundok ng kawalan upang sundan ang kanyang kasintahan na si Crisel.  Nangyari yun nang ikaw ay nakakulong pa sa hukay.’  Pagpapaliwang sa akin ni tatay Isko.

‘Siya nga po pala may nakita ako ditong magandang babae nang ako ay mahuli ng mga kawal ng tribu ninyo.  Maputi siya at medyo singkit ang mga mata.  Kilala ninyo po ba siya?’  pagtatanong ko muli.

‘May dalawang malaking hikaw ba siyang ginto sa mga tainga niya?” tanong sa akin ni tatay Isko.

‘Opo at marami siyang pulseras na gawa sa mga ngipin ng hayup dahil matatalim ito.’ Ang magalang kong sagot.

‘Siya mismo si Crisel!’ ang daglian niyang sagot.

Laking gulat ko nang malaman kong kasintahan pala yun ni Diego at naging biktima sila parehas ng mga halimaw sa bundok ng kawalan.

‘Si Graniso ay ang pinakamagaling na mandirigma ng aming tribu.  Marami siyang napatay na mga halimaw na sumasalakay sa aming tribu.  Kinukuha naman ni Diego lahat ng mga pangil ng halimaw at ginagawa niyang pulseras upang iregalo sa mga kasintahan niya dito sa tribu.  

Pero si Crisel ang mahal na mahal niya kaya nang dagitin iyon ng halimaw ay sinisi niya si Graniso dahil abalang abala siya sa pakikipaglaban at hindi niya napansin na pinaglalaban na ni Diego ang pamilya ni Crisel na nilusob ng mga halimaw.  Humihingi ito ng saklolo kay Graniso ngunit hindi niya ito narinig dahil sa napakaraming halimaw ang sumalakay ng gabing iyon.  

Walang kasalanan si Graniso ngunit siya ang palaging sinisisi at inaaway ni Diego.  Hanggang isang araw, nagdesisyon si Diego na pumunta sa bundok ng kawalan.  Kahit anong pagbabawal namin sa kanya ay hindi siya nakinig sa amin.  Hindi na siya nakabalik pang muli sa aming pamilya.’  Patuloy na pagkukuwento ni tatay Isko na parang nagsisikip na naman ang paghinga.

Nanghina tuloy ako nang malaman ko na yung babaeng nagpatibok ng aking puso ay kasintahan na pala ni Diego at ngayon ay halimaw na rin kasama niya.  Nakakalungkot talaga.

Ngunit ngayon ko naunawaan ang pag-uugali ni Graniso.  Lumapit ako sa kanya at nagsabing: 'Puwede ba kitang tawaging kuya Graniso?'

Nakita kong nagningning ang kanyang mga mata at ngumiti siya na nagsasabing: 'Oo naman, bakit hindi, naikuwento na ba sa iyo ni tatay ang patungkol kay Diego?  May pagkakahawig ka kasi sa kanya.  Sana lang nga huwag kang matigas ang ulo.  Sundin mo mga bilin sa iyo ni tatay upang kahit paano ay hindi siya masaktan muli katulad ng dinanas niya kay Diego mula ng mawala ito.'

Kinagabihan ay nagdesisyon na ako na huwag pumunta sa dulang na inihanda ni Haring Turkido. Tuwang tuwa si tatay Isko, kuya Graniso at ang iba pang miyembro ng pamilya ng malaman nilang hindi na ako pupunta sa bundok ng kawalan.  Niyaya nila ako na pumunta sa isa nilang kamaganakan ngunit pagod akong masyado at nagpapagaling pa ako sa mga tama ng pana at sibat sa aking katawan kaya hindi ako sumama.  

Natutulog na ako nang makarinig ako ng malalakas na katok sa pintuan.  Hindi ko akalain na susunduin ako ng mga alagad at kawal ni Haring Turkido ng gabing iyon.  

Binuksan ko ang bintana at sinabing: 'Bakit?  Anong kailangan ninyo?  Wala dito ang pamilyang Esteban.'  

'Ikaw ang kailangan namin.  Pinasusundo ka ng mahal na Hari.' ang sagot ng mga kawal.

'Ayokong sumama.  Nagdesisyon na ako na hindi na ako lulusob sa bundok ng kawalan.  Ayoko pang magpakamatay.'  ang paliwanag ko.

'Ipapapatay ka ni Haring Turkido ngayon mismo kung hindi ka sasama sa amin.  Ipinaghanda ka na niya ng malaking dulang sa kanyang palasyo.' ang sabay-sabay na sabi ng mga kawal.

Winasak nila ang pintuan at isinakay ako sa isang sasakyan na pinatatakbo ng anim na kabayong itim.

Namangha ako sa aking nakita.  Napalaki pala ng palasyo ni Haring Turkido.  Masmalaki kaysa sa templo niya.  May mga ilawang apoy ang aming dinadaanan at pagdating sa gate ay napakaraming tao na mga alagad ni Haring Turkido.

May mga manunugtog ang palasyo at mga kawal na magkakaharap na sumasaludo sa pagpasok ko.

Pagbukas ng ikalawang gate ay sinalubong agad ako ni Haring Turkido at dun sa pinakaunahang lamesa ako pinaupo na katabi ng kanilang princesa.  Tila isang magandang panaginip na sinundan ng bangungot.

Minsan ang isang problema ay natatakpan ng pagpapala sapagkat ako ay lubusang namangha nang makita ko ang mga katulong o alipin na nagsisilbi sa palasyo ni Haring Turkido.  Lahat sila ay magaganda at tunay na kaakit akit.  Masmaganda pa sila kay Crisel.  Yun pala ang tinatagong lihim ng palasyo.  Wala akong itulak at kabigin. 

Lahat sila ay nakangiti na nagsisilbi sa akin.  Ngunit may nagbigay sa akin ng alak na ubas sa aking saro at siya ay simple lang.  Hindi siya nakangiti.  Seryoso yata siya sa buhay.  Problemado sa tingin ko.  Tinanong ko agad ang kanyang pangalan. Hindi niya sinagot ang aking tanong bagkus binigyan niya agad ng alak ang kanilang princesa na katabi ko.

Nakita ko siyang bumalik sa isang pintuan na kung saan nangagagaling lahat ng handa sa dulang. Nais ko sana siyang sundan nang biglang magsalita si Haring Turkido: 'Magandang gabi sa inyong lahat!  Ngayon ay isang bayani na naman ang magpapakita ng kanyang tapang sa ating harapan.  Siya ang lulusob sa mga halimaw dun sa bundok ng kawalan.  Katulad ng ating tradisyon at kinagawian, magpapakitang gilas na muna siya sa atin sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa apat na ating mandirigma.'

Akala ko ay makakatagpo ko na ang bago kong binibini ngunit tabak at kamatayan pala ang haharapin ko sa dulang na ito.

Nagsilabasan na ang apat nilang mandirigma at paikot ikot sa may gitna na may tigdadalawang nangingintab na tabak.

Nagsitayuan ang lahat at nagpalakpakan.  Sinesenyasan na ako ni haring Turkido na pumunta sa gitna.  Hindi ako tumayo.  Ayoko pang mamatay.  Bata pa ako.  Marami pa akong pangarap sa buhay. Makakabalik pa ako sa aking mundo. Magkakaroon pa ako ng masayang pamilya.  

Hanggang isip lang mga iniisip ko sapagkat kinarga na ako ng dambuhalang princesa at inilagay sa may gitna.

Lalong nagsigawan at nagpalakpakan ang mga tao.  Pinaligiran na ako ng apat na mandirigma na may mga tabak.   Ako ay walang sandata.  Paikot ikot din ako at humahanap ng tiyempo para makalusot, makatakbo at makatakas.

Sabay-sabay na akmang  tatagain nila ako ng todo.  Nakita kong papatayin talaga nila ako kaya yumuko ako at lumusot sa pagitan ng mga mandirigma.  Mabilis akong gumapang palayo sa kanila ngunit hinuli at ibinalik ako ng mga kawal na nakapaligid sa amin.

Pinaikutan muli ako ng mga mandirigma at sabay-sabay na namang tatagain ako kaya umupo na lamang ako, ang aking mga kamay sa ibabaw ng aking ulo, pumikit at nanalangin ng taimtim sa Diyos na sana ay mapunta ako sa langit ng mga langit pagkatapos ng aking tiyak na kapahamakan at kamatayan.

Nagsigawan lahat ng mga tao sa tuwa.  Hinihintay kong may lumapat na mga tabak sa aking katawan ngunit ilang minuto na ang lumilipas ay wala pa rin.  Nang unti-unti kong iminulat ang aking mga mata nakita kong nakabulagta na ang apat na mandirigma.  Nakatayo na katabi ko si kuya Graniso.

'Ako ang labanan ninyo at hindi ang bunso kong kapatid na si Tacio.' ang sigaw ni kuya Graniso.

'Graniso, huwag kang makialam dito, kung gusto mong lumusob sa bundok ng kawalan, sabihin mo at ipaghahanda kita ng dulang, ngunit hindi para sa iyo ang gabing ito.'  ang pagalit na sigaw ni haring Turkido.

'Nagsabi na sa amin si Tacio na hindi na siya pupunta sa bundok ng kawalan kaya pinasusundo na siya ni tatay Isko.  Huwag ninyo siyang pilitin.'  ang sagot ni kuya Graniso.

Itinayo niya ako ngunit pinaligiran na kami ng mga alagad at kawal ni haring Turkido.  Naghihintay na lamang sila ng hudyat upang patayin kaming dalawa.'

'Huwag kang matakot Tacio, ipagtatanggol kita at ipaglalaban kita ng patayan.'  ang bilin sa akin ni kuya Graniso.

Biglang sumigaw ng napakalakas si haring Turkido: 'Kung kamatayan ang gusto mo ngayong gabi Graniso Esteban, ibibigay ko yan sa iyo, pinasok mo ang aking palasyo, isinama mo pa sa kamatayan ang ampon ninyong si Tacio.  Hahahaha!!!! Mga minamahal kong alagad at mga magigiting kong mga kawal, huwag hayaang makatakas ang mga taong yan, patayin sila!!!!'"

>>> PART ELEVEN (11)

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 1011 | >>>

No comments:

Post a Comment