Wednesday, February 1, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (1)

PART ONE (1)

Panimula

“Alas otso medya ng gabi nang tumakbo kami patungo sa masalimuot na kagubatan.  Mahigpit ang pagkakahahawak ng aking kanang kamay kay Roxenia at ang aking kaliwang kamay naman ay hawak ang nagliliwanag na puting rosas na nagsisilbing ilaw namin sa pagtakbo.  Hinahabol kami ng mga lumilipad na halimaw.  Nakakapanghilakbot ang mga pangyayari na tila isang bangungot para sa akin.

Nang malapit na kami sa yungib, napansin kong naging makaliskis ang kamay ni Roxenia, nang siya’y pagmasdan ko, nagbalatkayo lang pala si Haring Turkido, hindi talaga si Roxenia ang naisama ko, ang kanyang itsura ay isa ng nakakatakot na diyablo.  Nadaya ako.  Nagbabagang mga mata, makaliskis na katawan, may pakpak na katulad ng paniki, at mga sungay ng kalabaw.  Napahinto ako, hindi ko na alam ang aking gagawin, biglang kinalmot ako sa mukha ng kanyang matatalim na mga kuko kaya nawalan ako ng malay.”

Ito ay isa lamang sa sipi ng mga pahina na aking binabasa mula sa napakalumang diary ni Lolo Tacio.  Ang kwentong aking ibabahagi sa inyo ay maaaring masabi na base sa totoong buhay. Ngunit marami ang mag-iisip na ang mga kwentong katulad nito ay mga kathang isip lamang na kailanman ay hindi maaaring mangyari sa totoong buhay, mga kwentong tanging sa mga pantaserye at nobela lamang matutunghayan.  

Kaya nasa sa inyo na ang desisyon kung ito ay inyong paniniwalaan ngunit nais kong malaman ninyo na ang lahat ng nasa kwentong ito ay tunay na nakapagtataka, kagilagilalas at nakakamangha sapagkat ako mismo ay naging bahagi ng kakaibang kuwentong ito.
Malalaman ninyo ang dahilan kung papaano napunta sa akin ang diary ni Lolo Tacio, ano ang tunay na nangyari sa kanya sa loob ng anim na taon nang siya’y mawala, at kung paano ako nakabalik mula sa yungib ng kamatayan na siya ring pinanggalingan niya.

Sa inyong pagbabasa ng kuwentong ito ay makakakita din kayo ng mga salitang may hyperlink.  Puwede ninyo iyon iclick para sa karagdagang impormasyon.  Sa katapusan ng bawat bahagi ng blog na ito ay may hyperlink din para sa susunod na serye ng kuwento.

Handa ka na ba?

         Periander A. Esplana
http://www.internetsecretbook.com

Ang Biyahe 

Dalawampu't limang taon na ang nakalipas ng magsimula ang adventure ng aking buhay.  Maaga akong gumising ng araw na iyon sapagkat pupunta kami ng aking tiyahin sa probinsya. Noong nakaraang araw ko pa inimpake ang aking gamit sapagkat ako ay nananabik pumunta sa probinsya kung saan narororoon ang iba ko pang pinsan at ang aking lolo.

Bukod pa roon ay ito ang unang pagkakataon na makakarating ako sa probinsya at higit sa lahat gusto ko din malanghap ang sariwang hangin na sa probinsya ko lang malalasap, sapagkat dito sa Maynila ay walang sariwang hangin puro polusyon na parang wala ng solusyon katulad ng mababahong usok na nagmumula sa tambutso ng sasakyan, maruming usok na lumalabas mula sa mga pabrika at iba pa.

“Lito asan ka na?” tawag nang aking tiyahin na kasalukuyang inihahanda ang aming almusal.

“Bakit po tita?” ang aking dagliang sagot habang inaayos ko ang iba ko pang mga kagamitan tulad ng flashlight, lighter at lubid.

“Nakahanda na ang almusalan, bumaba ka na dito at kailangang maaga tayo makaalis baka tayo’y gabihin sa byahe.”

“Ah, sige po!” sambit ko kaya minadali kong ipinasok ang mga gamit sa aking bag pack at ako’y bumaba na rin agad.  Sabay kami kumain ng aking tiyahin.

Nang natapos na kami sa pagkain, umalis kaagad kami pagkaligpit ng pinagkainan. Nagtungo kami sa terminal nang bus. Noong araw ding iyon ay kakaunti lamang ang mga pasahero kaya hindi kami nahirapang sumakay. 

Habang nasa byahe ay naglalaro ang aking isipan sa kung anung una kong gagawin pagdating sa probinsya, hindi lahat nang pinsan ko ay kaedad ko kaya hindi lahat yun ay makikipaglaro sa akin maliban sa paglalaro ay may naisip akong isang bagay at yun ay gusto kong magkaroon ng kakaibang karanasan pagdating dun. Isang karanasan na kailanman ay hindi ko mararanasan sa lugar na aking pinanggalingan: ang paglalakbay sa masukal na kagubatan.

Masyadong matagal ang byahe kaya ako’y nainip. Sa aking pagkainip hindi ko namalayang ako’y nakatulog na. Maya-maya ay naramdaman ko na kinakalabit ako ng aking tiyahin.

Nagising ako at naalimpungatan kaya ako nagtanong: “Bakit po tita?”

“Ikaw ba ay hindi nagugutom? May dala ako ditong pagkain.”  Ang pangiting sagot ng aking tiyahin.

At inilabas nang aking tiyahin ang dala nitong pagkain. Ito’y nakabalot sa plastic at ang iba ay nakalagay sa tupperware.  Bopis at karneng baboy na prito ang aming mga ulam.

Habang nasa byahe ay kumain muli kami ng aking tiyahin.  Tinanaw ko ang napakagagandang mga puno at mga bundok.


May nakita akong isang matanda na namamalimos sa tabing kalsada.  Siya ay walang saplot, namumula ang kanyang katawan dahil sa dugo at mga sugat.  May hawak siyang lumang lata na ginagamit niya sa panglilimos.  Naawa ako sa kanya ng labis.  Nais ko sanang bigyan ng pagkain ngunit hindi tumigil ang bus.  Tinitingnan ko ang matanda na waring nakikiusap sa paghingi hanggang mawala na ito sa aking pananaw.  

Mga ilang kilometro lang ang layo ay natanaw ko naman ang napakalaking taniman ng rosas na namumutiktik sa kapulahan sa mga bulaklak nito.  Nasiyahan ako sa ganda ng tanawin.  Naalala ko ang matanda at kinumpara ko ang mga rosas.  Magkakulay ngunit magkaibang kalagayan sa buhay ang aking mga nakita.

Lumipas pa ang mga oras at sari-saring mga pangyayari sa kalsada ang aking mga nasaksihan.  Merong nagkabanggaan na bus at truck.  Naisipan ko biglang manalangin sa Diyos na huwag kami maaksidente sa biyahe.

Nang dumidilim na at may nakita akong dalawang grupo ng mga kabataan na nag-aaway.  At sa bandang unahan lang ay mga lalaki’t mga babae na nagyayakapan at kung anu-ano pa ang mga ginagawa.  Tinakpan ng aking tiya ang aking mga mata.  Pilit ko itong sinisilip ang mga ito bunga ng aking kapilyuhan.  

Siguro lahat sila ay lango sa alak, marahil durugista sila o baka sila ang mga kaawa-awang mga mga kabataan na hindi nagagabayan ng kanilang mga magulang.  Hindi na siguro sila nag-aaral pa o nagsisimba man lang.

“Tita malapit na po ba tayo?” ang pag-uusisa ko.

“Oo malapit na tayo, wala ng kalahating oras andun na tayo.” Sagot naman ng aking tiyahin.

Ang Probinsya

Eksaktong alas syete na ng hapon nang makarating kami sa aming patutunguhan.  Halos labing dalawang oras kami nagbiyahe. Tinulungan ko ang aking tiyahin na buhatin ang kanyang mga dala, medyo may karamihan at kabigatan ang mga dala niya sapagkat ang karamihan sa mga dala niya ay pasalubong para sa aking mga pinsan at sa aking lolo.

Nagpasya ang aking tiya na umarkila ng tricycle na siyang maghahatid sa amin sa bahay ng aking lolo. 

Pagdating namin dun ay sinalubong agad kami nang aking mga pinsan at ni lolo. Masayang masaya ang lahat nung gabing yun. Maaga akong nakaramdam ng antok dala na rin siguro ng pagod sa biyahe kaya maaga akong nagpaalam sa aking kamag-anakan na ako’y matutulog na.

Mabilis na lumipas ang oras at hindi ko namalayang umaga na. Naramdaman ko na lamang na niyuyugyug ako nang aking pinsan na si Marah.

“Lito gising ka na at tayo’y mag-aalmusal na para ikaw ay maipasyal namin dito” sabi ni Marah.

“Ah, sige at susunod na ako” akin namang sagot.

Kaagad din akong sumunod at sa aking pagbaba ay naabutan ko ang lahat ng aking pinsan, kasama si lolo, at si tiya na nakaupo na upang mag-umagahan, ako na lang pala ang hinihintay.

“Upo ka na pinsan at tayo’y kakain na,”sambit ni kuya Sammy.

Ako ay umupo at sabay-sabay kaming kumain nang almusalan. Habang kami ay kumakain, kami ay  nagkukwentuhan. Ibinilin ng aking lolo sa aking mga pinsan na gabayan ako sa aking pananatili doon. Lahat naman ay sumang-ayon lalo na ang mga kapinsanan kong mga kababaihan. Matapos naming mag-umagahan ay tulong-tulong naming iniligpit ang pinagkainan at matapos nito ay nagpasya ang aking mga pinsan na ipasyal ako.

Kung saan-saan kami namasyal, marami akong magandang tanawin na natanaw na kailanman ay hindi ko nakikita sa kamaynilaan. Napakasarap ng simoy ng hangin sapagkat ito’y napakasariwa. Habang namamasyal kami ay nagbibiruan kaming lahat at nagkukuwentuhan.

Sa gitna ng aming paglalakad ay may nakita akong yungib, doon ay niyaya ko ang aking mga pinsan na pumasok pero lahat sila ay nagtinginan sa isa’t isa at sabay-sabay na tumanggi sapagkat ayon sa kanila ang lahat daw nang pumapasok doon ay hindi na nakakalabas pa, sa madaling salita delikado sa lugar na yun.  Nagtaka ako sa mga sinabi nila patungkol sa yungib na yun. 

Sa patuloy naming pamamasyal ay may napansin akong isang kubo na may kalayuan mula sa nayon. Hindi ko naiwasan ang magtanong patungkol sa naturang kubo.

“Ah yun ba? Kubo yun ng isang matanda na kung tawagin dito sa aming baryo ay 'lolo Tacio,'” sagot ng pinsan kong si Donito.

“Bakit malayo sa nayon? Bakit dito siya nakatira sa gitna ng kagubatan?” Muli’y aking tanong.

“Dito siya pinatira ng kanyang mga apo kasi baliw daw yung matanda.” ang mabilis na sagot ni Donito.

“Baliw!?” Pagulat na aking tanong.

“Oo baliw daw yun sapagkat kung anu ano ang ikinukwento nya.”

“Kwento? kwento tungkol saan?”

“Naaalala mo ba yung yungib na gusto mong pasukin natin kanina?” kanyang tanong.

“Oo naaalala ko,” aking sagot.

“Ang kwento-kwento daw kasi ay nakapasok na daw si lolo Tacio sa yungib na yun at ayon mismo sa matandang yan ay maraming kababalaghan sa loob.  Pero walang naniniwala sa kanya sapagkat sa pagkakaalam ng lahat ay walang nakakalabas ng buhay sa yungib na iyon,”  kwento ng aking pinsan.

Nabuhay ang aking kuryusidad sa tunay na dahilan kung bakit nabaliw si lolo Tacio at kung anong hiwaga mayroon sa loob ng nasabing yungib na iyon kung bakit walang nakakalabas ng buhay. May nakaligtas nga pero ang kwento ay nabaliw daw. Kailangang madiskubre ko yun. Kailangan kong mag-imbestiga. Kailangang alamin ko ang misteryong bumabalot sa yungib na iyon.

Kailangang mapuntahan ko si lolo Tacio dahil kailangang makausap ko siya mismo. Gusto ko malaman ang mga bagay na natuklasan niya sa pagpasok sa yungib na iyon. Marami akong katanungan na naghahanap ng mga kasagutan. Kailangang hindi masayang ang pagpunta ko sa aming probinsya.

 >>> PART TWO (2)

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>
 

No comments:

Post a Comment