Monday, February 20, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (6)

PART SIX (6)

Habang pinagmamasdan ko sa lamesa ang bulaklak ay natabig kong bigla ang kuwadro ng picture namin ni Kuya Kirk, ang aking kapatid na sumakabilang buhay na, kasama ng aming mga magulang na hanggang ngayon ay naninirahan sa abroad mula pa nang aming pagkabata.  Nalungkot ako nang makita yun.  Pinulot ko ang picture namin na lumabas mula sa basag na kuwadro at iniipit ko sa diary ni lolo Tacio para madala ko saan man ako magpunta.

Muli kong pinagmasdan ang bulaklak. Ang kulay ng tuyong bulaklak ay parang kalawang.  Lahat naman siguro ng natutuyong bulaklak ay ganun, minsan pa nga ay kulay itim na o kaya naman ay dark brown.
May mga tinik ang bulaklak kaya iyon ay isang rosas.  Imposible naman na iyon ay bulaklak ng kalamansi, dalanghita, cactus, bungabilya, guyabano, at iba pa.  Napakalinaw na bulaklak iyon ng rosas.

Marahil ay kulay pula ang rosas nang iyon ay sariwa pa.  Napakarami kasi akong nakitang pulang rosas na pananim sa tabing daan patungo duon sa aming probinsya.  Naaalala ninyo pa ba sa pinakasimula ng kuwento ko? 

Alam ko sasabihin ninyong mga nagbabasa ng sulat-pelikulang ito na kulay puti ang rosas.  Tama!  Syempre, obvious na nasa pamagat, ang hiwaga ng “puting” rosas.  Hindi kayo nagkakamali.

Muling ipinagpatuloy ko ang aking pagbabasa ng napakahiwagang diary ni lolo Tacio:

Sa ilang araw, buwan or marahil taon na pagkakakulong ko sa hukay ay nagdesisyon ang mga pinuno ng tribung iyon na ako ay bigyan na ng kalayaan.  Ngunit tumutol si Haring Turkido.  Ilang kabilugan ng buwan ang lumipas at hindi nangyari sa akin ang hinihintay nila.  Bagkus nanatili akong nakakulong sa may hukay habang tinitingnan nila sa kabilang kuwarto na may pagitan ng mga bakal, tanso at salamin.  Nakakarinig ako ng iyakan, hiyawan, digmaan, sigawan, atungal ng mga halimaw, at iba pa tuwing kabilugan ng buwan.

Sa aking pagbabasa ng kanyang kasaysayan parang lumalabas na hindi siya pinagkakatiwalaan ng mga tao at pinagbibintangan siyang hindi tao mismo.

Nakumpirma ang aking palagay nang mabasa ko pa ang mga sumunod na mga pahina.

Laking pasasalamat ko na isang araw ay pinalaya na rin ako ng mga pinuno ng tribu kahit pa tutol si Haring Turkido.  Pagkalabas ko ay isang pamilya ang aking nakilala at nag-aruga sa akin. Ako ay kanilang kinaawaan dahil sa kalunos lunos kong kalagayan. Sila ang nagpaliwanag sa akin kung ano ang tunay na nangyari sa tribu nila.  Iyon ay ang pamilyang Esteban.  Naging malapit sa akin ang labing-isang miyembro ng pamilya maliban kay Graniso na patuloy pa ring nagdududa sa aking pagkatao.

Napansin kong halos lahat ng tao ay gumagalang kay tatay Isko.  Tatay din ang tawag nila sa kanya.  Siya ang nagtuturo sa kanila sa tamang pamumuhay at hanap-buhay at tinutulungan niya ang mga taong naghihirap duon katulad ko.

‘Tacio, noon ay napakaraming tao dito sa aming tribu ngunit mahigit kalahati na ang nawawala at napupunta duon sa kabilang bundok ng kawalan.  Tuwing kabilugan ng buwan ay sabay-sabay silang umaatake dito sa aming tribu at nangunguha na panibago nilang biktima.  Nagiging katulad nila lahat ng taong kanilang dinadala sa bundok ng kawalan.’  Ito ang paliwanag sa akin ni Tatay Isko ang ama ng pamilyang Esteban.

‘Mga karaniwang tao sila sa umaga’t hapon ngunit pagdating ng alas-otso sa kabilugan ng buwan, lahat sila ay nagbabago, nagiging mga halimaw dahil inaalihan at sinasapian sila ng mga demonyo.  At muling bumabalik sa kanilang pagkatao sa pagbubukang-liwayway.’ Ang patuloy na pagpapaliwanag ni Tatay Isko.

Habang binabasa ko ang mga kuwento ni lolo Tacio, napakaraming tanong ang pumasok sa isip ko.  Hindi ko malubos maisip kung paano nagkaroon ng buwan sa loob ng yungib ng iyon.  Ang liwanag buhat sa itaas na ginagamit nila tuwing umaga at hapon ay malinaw na nagbubuhat lamang sa mga salamin na nakapaligid sa kanilang kagubatan.  Ngunit ang buwan, papaano nagkaroon ng buwan sila at alam din nila na nagkakaroon ng panahon ng kabilugan ng buwan.  

Bakit nagiging halimaw ang mga tao?  Anong meron dun sa bundok ng kawalan?  May solusyon ba at lunas sa mga nagiging biktima ng mga demonyo? Bakit hindi pa rin nakikita ni lolo Tacio si Roxenia?  Sino ba talaga si Roxenia?

Dalawa

Ipinaliwanag din ni Tatay Isko na ang pinakaunang kalagayan ng mga tribu ay tunay na napakaganda. 

Ang kagubatan ay isang napakalaking hardin.  Maliban sa nakakatakot na bundok ng kawalan. Napakagandang paraiso ang buhay duon noon ng mga taga-tribu. 

Nagbago lahat ito ng umakyat ang unang hari ng tribu na si Dagon sa bundok ng kawalan.  Siya ay nawala duon at hindi na nakabalik pa.  Mula noon ay nagsarili na at nagkanya kanya na ang mga tao sa tribu.

Dumami ng dumami ang mga tao.  Nagkagulo.  Kung anu-anong kasalanan ang mga ginawa.  Nagpapatayan.  Nagnanakawan.  Nagbubuntisan.  Nagtayo ng kanya kanyang paniniwala at relihiyon. 

Isang gabi, kabilugan ng buwan, umatake ang isang halimaw at kinuha ang isang pamilya.  Sunod na kabilugan ng buwan, umatake ang isang grupo ng mga halimaw at kumuha ng limangpung mga tao.   
Hanggang dumami ng dumami ang mga halimaw.

Sa aking pagkakaunawa sa diary ni lolo Tacio, naghihintay lahat ng mga taga-tribu ng isang tao na tatalo at uubos sa mga halimaw ngunit walang karapatdapat para sa ganung pakikidigma.  Lahat sila ay pinaghaharian ng takot.  Ang gatimpalang ibibigay daw sa taong makakagapi sa mga halimaw ay ipapaasawa sa pinakamagandang babae sa tribu.  Nang malaman ito ni lolo Tacio, hindi na siya nagdalawang-isip pa at siya ay nagsabi na kaya niyang lusobin ang bundok ng kawalan at patayin lahat ng halimaw duon.

Pinagtawanan siya ng mga taga-tribu ngunit nag-alala para sa kanya ang pamilyang Esteban sapagkat itinuring na siya nitong kapamilya.

Kinausap agad ako ng pamilyang Esteban: ‘Tacio, huwag mong gawin yan, ipapahamak mo lang ang sarili mo kung aakyat ka sa bundok ng kawalan.  Marami nang gumawa niyan ngunit lahat sila ay nabigo.  Lahat sila ay naging mga halimaw din.’ 

Nagulumihanan ako sa sinabi nila ngunit nanghihinayang naman ako sa pagkakataon na masilayan muli ang babaeng nagpatibok ng puso ko at kung magtagumpay ako ay siguradong mapapangasawa ko siya.

Hindi pa tapos magsalita si tatay Isko ay biglang sumagot si Graniso: ‘Hayaan nga ninyo yan si Tacio at gusto na yatang magpakamatay!  Bahala na siya sa buhay niyang patapon!’

Nainis ako sa pang-iinsulto na sinabi ni Graniso at hindi niya man lang ginalang ang pagsasalita ni Tatay Isko.  Nagpaalam muna ako kay tatay Isko at nagsabi na pag-iisipan ko mga sinabi niya sa akin sa isang kabundukan.  Nakita kong malungkot si tatay Isko habang ako’y nagpapaalam.  Siguro inaakala niyang pupunta na ako sa bundok ng kawalan.

Sa halip na pumunta ako sa kabundukan ay pumunta ako sa templo ni Haring Turkido upang kausapin patungkol sa gatimpalang ibibigay ng tribu sa pagpatay sa mga halimaw.  Sa totoo lang, gusto ko lang masigurado kung yung babaeng nakita kong napakaganda ang tinutukoy nilang babaeng pinakamaganda sa kanilang tribu.  Nagkamali ako.

Sumigaw si Haring Turkido nang makita ako: ‘Papano ka nakatakas sa kulungan mo?! Sino ang nagpalaya sa iyo?!!!  Mga alagad hulihin siya!!!’

Hindi ko na alam kung anong gagawin ko nang sigawan ako ni Haring Turkido upang ipahuli at ipakulong na naman.

Nilusob ako ng mga kawal ni Haring Turkido.  Pinagsisibat agad nila ako at ang iba naman ay pinapana ako.  Tinangka kong ilagan ang mga ito ngunit tinamaan ako sa may likuran bandang balikat.  Bumagsak ako.  Pinilit kong putulin ang pana na nakabaon sa likuran ko.  Napakasakit.

Tumayo muli ako at nakita kong may lambat silang dala upang hulihin ako.  Tumakbo ako papalayo ngunit pinana muli nila ako at tinamaan naman ang aking kaliwang hita.  Hindi ko na kaya pang tumakbo.  Hinihila ko ang aking kaliwang paa sa paglalakad.  Nagtatawanan ang mga kawal na papalapit sa akin.

Tinapunan nila ako ng napakalaki at nakabigat na lambat.  Bumagsak ulit ako.  Nagpupumiglas ako.  Nasa loob na ako ng lambat.  Hinila nila ito.  Dinala nila ako sa ilalim ng altar.  May hagdanan ito pababa.  Nakita kong maraming kalansay at bungo ng mga tao duon.

Natitiyak ko na pumapatay sila ng tao at inaalay sa kanilang diyos-diyosang baka at iyon ang gagawin nila sa akin.

Biglang dumating ang mga pinuno ng tribu at inutusan ang mga kawal na pakawalan ako.  Hindi sumunod ang mga kawal.  Natanaw ko si tatay Isko at kinakausap ang mga pinuno.  Dalawamput apat na mga matatanda ang ginagalang na mga pinuno o senado ng tribu.  Dumating si Haring Turkido.

‘Anong kaguluhan meron dito?!’ ang pagtatanong ni Turkido.

“Mahal na hari, inuutusan po kami ng mga pinuno ng tribu na pakawalan ang pusakal na ito.’ Ang sagot ng isang kawal.

‘Haring Turkido, napag-usapan na ng mga pinuno at nagkaisa kaming lahat na palayain na siya.’ Nakita ko na ang nagsasalita ay si tatay Isko.  Ginagalang pala siya ng mga pinuno duon.

 ‘Isko, Isko, noon ginagalang kita dahil hari ka pero ngayon ako na ang hari kaya igalang ninyo ang desisyon ko.  Hindi dalawa ang hari ng tribu natin.  Isa lang.’ ang sagot ni haring Turkido.

“Kailanman ay hindi pa nagkakamali sa pagdedesisyon si Isko,’ ang sagot naman ng isa sa mga pinuno ng tribu, ‘kahit hindi na siya hari ay tama pa rin naman mga desisyon niya.  Ikaw lang naman ang nagsasabing bagong hari ka ng tribu natin, ikaw ang nang-agaw ng pagiging hari, ngunit hindi kami naghalal sa iyo sa puwestong iyan.’

‘Isang tanong, isang sagot.  Sino ang susundin ninyo mga kawal?  Ako na hari ninyo o itong si Isko na umalis na sa kanyang pagiging hari ngunit naghahariharian pa rin?’  Ito ang mga katanungan na binitiwan ni haring Turkido sa mga kawal.  Lahat ng kawal ay nakatingin sa akin na tila nagpupuyos sa galit.  Kinuyom ng mga matatanda ang kanilang mga kamay at akmang lalabanan ang mga alagad ni haring Turkido na may mga sandata at kahit na masmarami sa kanila.

Ganun na lamang ang pagtataka ko.  Sa kanilang mga salita, napag-alaman kong dati palang hari duon si tatay Isko ngunit hindi niya kinaya ang kakaibang paniniwala duon ng mga lider ng templo na pinangungunahan ni Turkido, pinuno ng mga pagano, kaya nagkusang umalis si tatay Isko sa pagtira sa palasyo at templo bago pa mag-aklas at ipapatay siya. Sinamantala ni Turkido ang pagkakataon nang siya ang pumalit na “hari” ng tribu.  Ang mga alagad o tagasunod niya ang nagsilbing mga kawal ng kanyang kaharian.

Gantimpala

Isang alagad ni haring Turkido ang tumatakbong papalapit at sinabi na maraming tao ang naghihintay sa labas kay tatay Isko.  Nagkakagulo silang lahat sa labas ng templo.  Siguro nalaman nilang may pag-aaway na namang nagaganap sa pagitan ni haring Turkido at tatay Isko.  Nandun din daw ang mga kawal ng mga pinuno ng tribu sa may labas at gustong pumasok sa loob ng templo.

‘Sige, huwag na tayong mag-away dito.’ Nagbago bigla ang desisyon ni haring Turkido, ‘Ano ba pakay mo at pumunta ka dito sa templo?’ ang pagtatanong niya sa akin.

Sumagot ako: ‘Nais ko pong tumulong sa tribu.  Gusto kong patayin lahat ng halimaw sa bundok ng kawalan.’

Nang tingnan ko si tatay Isko ay umiiling ito.  Nagpapakita na tutol siya sa mga sinabi ko.

Napangiti naman si haring Turkido: ‘Magaling kung ganun.  Ipapakita na namin sa iyo ngayon palang ang iyong magiging gantimpala sakaling magtagumpay ka.’

Napuno ng kagalakan ang puso ko nang mabanggit ang gantimpala.  Sabik na sabik kong tinatanaw kung nasaan ang gantimpala ang sinasabi nilang pinakamagandang babae sa tribu.’

‘Mga alagad, ilabas ang princesa!!!’ Pautos na sigaw ni haring Turkido.

Lalong natuwa ako ng marinig ko na ang ilalabas na gantimpala ay ang princesa.  Mabilis na naglaro ang aking isip mula sa paglalambingan hanggang sa kasalan ay naimagine ko lahat iyon sa isang iglap lamang.

Ngunit nang makita ko ang princesa, sa isang kisap-mata lang, parang bula at parang hamog, naglaho agad mga pangarap ko sa buhay.

Tila nawalan ng saysay ang aking buhay sa pagkakataong iyon.  Nawala na din ako ng layuning mabuhay pa na kasama ang mga tao sa tribung iyon.

Sapagkat isang kalbo, walang kilay, at ubod ng taba ang princesa pala ng tribung iyon.  Nalito agad ako kung babae ba talaga o baka lalaki talaga iyon.  Wala ng pagkakaiba.  Wala ng saysay pang pagdebatehan ito. Siya ang gantimpala na sinasabing pinakamagandang babae sa tribung iyon.  Iba pala ang pananaw nila sa magandang babae. 

Habang papalapit ng papalapit siya sa akin ay papaatras ng papaatras naman ako.  Hanggang sa inihinto ako ng mga kawal sa pag-atras ko.  Lalong lumapit sa akin ang princesa at nang halos magdidikit na ang aming mga mukha ay ngumiti siya. 

Nakita kong wala siyang mga ngipin at sumulasok agad sa mga butas ng aking ilong ang malansang amoy.  Halos himatayin ako sa sobrang baho.  Umikot ikot ang aking mga mata.  Nahilo talaga ako sa nasaksihan kong hubad na katotohanan. 

Naibulong ko tuloy sa aking sarili ang mga katagang: ‘Sana panaginip lang ito.  Sana may gumising sa akin sa mahimbing kong pagkakatulog.  Sana may kumagat sa aking mga lamok para maalimpungatan ako sa bangungot na ito.’  Ngunit kahit ipikit pikit ko ang aking mga mata ay walang pagbabago.  Nandun silang lahat na naghihintay ng aking reaksyon at kasagutan habang nasa harapan ko ang princesang gantimpala.”



PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>

No comments:

Post a Comment