Sunday, February 5, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (3)

PART THREE (3)

Ang Huling Hininga

Nagkagulo ang mga tao dahil sa sigaw ni Bruno.  Lahat sila ay kumuha ng mga ilaw at sulo upang hanapin ang taong kumuha ng itim na baul ni lolo Tacio.  Ako yun, walang iba.  

Habang palabas ang mga tao sa may bahay na may mga dalang itak at ilaw, apat na bagay ang pumasok sa aking isip kung ano ang dapat kong gawin:
a. Manatili ako sa aking kinaroroonan, ang magtago sa may sagingan.
b. Kumuha ng sulo at itak, sumama sa mga tao, magkunyaring naghahanap din.
c. Iwanan ang baul sa may sagingan at tumakbo ng napakatulin para hindi nila ako maabutan.
d. Sumuko sa mga tao at isauli ang baul.

Sa apat na pamimilian ay wala akong napili.  Mabuti na lamang at maraming pulang langgam sa aking pinagtataguan, pinagkakagat ang aking mga paa, kaya isang ideya ang pumasok sa aking isipan: ang piliting tumakbo ng buong lakas hangga’t makakaya ko na dala-dala ang baul ni lolo Tacio.

Tumayo ako ng maingat kahit nangangati na ang aking mga paa.  Binuhat ko ang baul at unti-unti akong tumakbo.  May nakakita sa aking paglisan dahil kabilugan nyun ng buwan.

“Ayun may taong tumatakbo!  Habulin natin siya.  Ipahabol din natin siya sa aso, dali, pakawalan mo na yung aso.”

Narinig ko ang mga sigaw ng mga tao.

Hindi ako lumingon.  Lalo kong binilisan ang aking pagtakbo kahit nahihirapan ako dahil sa dala-dala kong baul.

Naramdaman ko din na maabutan na ako ng aso.  Humihingal ito at tumatahol habang hinahabol ako.  Nang tingnan ko ay pinipilit nitong abutin ang aking binti upang kagatin.  Binilisan ko pa ang pagtakbo. 

Dumating sa punto na hindi ko na kaya pang tumakbo kaya naibagsak ko ang baul at nabagsakan ang aso.  Nasaktan ito at tumakbo papalayo. 

Nawasak ang baul, natanggal ang kadena, at nakita ko na ang laman ng baul ay isang tela na may nababalutang tila libro.  Tumakbo ulit ako kahit hindi ko na kaya.  Inilagay ko ang nababalot na libro sa aking likuran.  Ilang kilometro pa ang aking natakbo.

Ngunit sinagian ako ng labis na takot nang makita ko na makakasalubong ko ang mga taong may dalang ilawan at sulo.  Alam kong hindi ako nagkamali ng aking tinatahak.  Nagtaka ako ng husto bakit nagkaganun.   
Napakabilis ng mga pangyayari.  Nanghina ako sa mga pagkakataong iyon.  At ako’y hinimatay.

Nagkamalay ako sa aking pagkakahiga.

“Lito, lito, ano nangyari sa iyo?  Kanina ka pa namin hinahanap.”  Sila pala ay aking mga kamag-anak. 

Bumangon ako at natanaw ko na papalapit na ang mga taong humahabol sa akin.

Niyaya ko na silang lahat ay umuwi upang hindi na nila ito makita pa.

“Uwi na po tayong lahat, ok lang ako, duon ko na lang po sa bahay ipapaliwanag.”

Sabay-sabay naming nilisan ang lugar na iyon.  Pagdating ng aming bahay at tinadtad ako ng sari-saring mga katanungan.

Sa pagkakataong iyon ay ayaw ko ng magsinungaling at magkasala pa.  Magiging matapat na ako sa kanila at sasabihin ko na ang totoo kahit na pagalitan pa nila ako.

“Galing po ako sa bahay ni lolo Tacio.  Akala ko po kasi ay buhay pa siya, yun pala ay kamamatay niya palang.”

“Ano!?  Pumunta ka sa matandang baliw na iyon?” Pagalit na sigaw ng aking lolo.

“Di ba kabilinbilinan namin sa iyo na huwag kang pupunta dun?” Sambit naman ng aking mga pinsan.

“Sorry po, hindi ko na po uulitin.”

“Hindi mo na talaga mauulit yan dahil bukas na bukas rin ay uuwi ka na sa Maynila!”  Sigaw ng aking lolo.

Biglang gumuho ang aking mga pangarap ng marinig ko ang mga katagang iyon.

Dun ko napagtanto na hindi ko na mapapasok pa ang yungib ng kamatayan. 

Nang gabing iyon ay palihim kong binuksan ang tela at nakita ko na binabalutan nito ay isang notebook.  Nang aking buksan ang mga pahina, ito ay napakaluma na, diary pala ito ni lolo Tacio.  May nakaipit na tuyong bulaklak sa may kalagitnaan ng diary.  Hindi ko ito pinansin.  Itinago ko ang diary sa aking bag.

Ang Nakalipas at ang Hinaharap

Kinaumagahan ay pinauwi na rin ako kasama ng aking tiyahin.  Umiyak ang ilan kong mga pinsan habang nagpapaalam ako.  Napakalungkot ng mga sandaling iyon.  Pagdating ko sa bahay ay itinago ko sa aking cabinet ang diary ni lolo Tacio.

Madaling lumipas ang mga panahon at nakalimutan ko na ang nangyari sa akin sa probinsya ganun din ang diary ni lolo Tacio.

Nakapagtapos ako ng elementarya at high school.  Consistent valedictorian.

Ang kinuha ko namang kurso sa kolehiyo ay computer engineering.  Nakilala ko si Mitch at siya ay aking naging kasintahan.  Napakarami rin ang aking naging kaibigan. 

Madalas nauubos ang aking mga oras sa pag-gamit ng aking mga gadget, iphone, ipad, internet tv, satellite watch, hologram laptop, virtual reality eyeglass, at iba pa.

Mahilig akong mag-imbento ng mga bagay-bagay sa mga panahong iyon.  Ang ilan ay patented samantalang ang iba kong imbensyon ay ipinagagamit ko para sa aming bayan.  Nagpatuloy rin ako sa pananaliksik sa agham, pilosopiya at relihiyon. 

Dahil sa aking kaabalahan sa mga bagay na ito ay naging madalas ang hindi namin pagkakaunawaan ni Mitch hanggang mauwi ito sa hiwalayan bago pa matapos ang aming kolehiyo.

Nang ako ay makatapos ng kolehiyo, naisipan kong mag-apply ng trabaho para sa ibang bansa.  Inihahanda ko na ang aking mga papeles ganun din ang aking mga kagamitan sa bahay. 

Sa aking pag-aayos ng aking mga gamit, nakita ko muli sa ilalim ng cabinet ang diary ni lolo Tacio.  Hindi ko alam na dito magbabago ang aking buhay.  Napansin kong may pigtas ng dalawang pahina sa pinakaunahan nito.  Tila sinadyang pinunit ang mga ito sapagkat may mga ilang labi pang natira.  Hinanap ko kung ito ay nalaglag lang sa cabinet ngunit wala akong nakita.  At nakita kong muli ang tuyong bulaklak na nakaipit sa gitnang bahagi ng diary ni lolo Tacio.

Sinimulan kong buksan at basahin ang ikatlong pahina.

Sa aking paglilibot sa kagubatang iyon ay napansin kong kakaiba ang mga halaman at ganun din ang mga insekto na naroon.  Ilang gabi din akong hindi makatulog dahil sa madalas na paghiyaw at pag-atungal na sa una kong palagay ay pawang mga dambuhalang hayup lamang ngunit nagkakamali pala ako.

Ito ay ikatlong pahina na, ibig sabihin si lolo Tacio ay nakapasok na loob ng yungib at may kagubatan pala dun, kamangha-mangha.

Ngunit maraming katanungan ang pumasok sa aking isipan bago ko ipinagpatuloy ang pagbabasa ng diary.
  1. Papaano siya nakapasok dun at nakalabas ng buhay sa yungib ng kamatayan?
  2. Anu-ano ang kanyang mga dinala na pagkain at sandata?
  3. Ano ang nangyari sa kanya duon sa loob ng anim na taon?
  4. Bakit paglabas niya sa yungib na yaon ay may diary siya na may nakaipit na tuyong bulaklak?
  5. Bakit niya ibinalot ito sa tela at itinago ang mga ito sa isang itim na baul na nakakadena?
  6. Ano ang tunay dahilan at tinawag siyang baliw ng kanyang mga kamag-anak at kapamilya?
Napakaraming katanungan ngunit isang tanong ang umuulit ulit sa aking isipan:  Kaya ko bang gawin ang nagawa ni lolo Tacio?

Alam kong lahat ng aking mga katanungan ay may kasagutan kung babasahin ko lamang ang diary ni lolo Tacio at patuloy akong magsasaliksik.

Nang babasahin ko na muli ang diary ay biglang may kumatok sa aking pintuan ng napakalakas.

Nagmamadali kong itinago muli ang diary at ako ay bumaba mula sa ikalawang palapag upang buksan ang pinto.

Laking gulat ko ng buksan ko ang pinto sapagkat apat na mga lalaking hindi ko naman mga kilala ang aking nakita ng may mga dala dalang mga bagahe at isang baul.

“Ikaw ba si Lito?” ang biglang tanong nila sa akin.

Hindi pa man lang ako nakakasagot ay nagpakilala na ang isa sa kanila.

“Ako nga pala si Bruno.” Nakangiting salita ng isa na inaabot ang kanyang kamay.

Hawak ko ang pinto habang sila ay nasa labas nang ako ay makipag-usap. Napagtanto ko na sila ang mga apo ni lolo Tacio.  Tila pakiramdam ko ay mayroong masamang mangyayari sa mga pagkakataong iyon.  Kaya inihanda ko na ang aking sarili sa anumang maling hakbang na gagawin nila.

“Ako nga si Lito at kayo siguro ang mga apo ni lolo Tacio.   Bakit? May kailangan ba kayo sa akin?” 

Lahat sila ay nakatitig sa akin.

Ang Pagbabalik

Napagwari ko na ako ang pinagbibintangan nila na kumuha ng baul ilang taon na ang nakalipas.  Ngunit bakit kaya ngayon lang sila pumunta dito kung ako ang iniisip nilang kumuha ng baul?

“Nandito kami upang humingi ng sorry dun sa ginawa namin sa iyo nung tayo ay mga bata pa kasi bago mamatay si lolo ay may naiwan siyang sulat.  Napakaraming magagandang sinabi siya patungkol sa iyo.  Nung nakaraang buwan lang namin nakuha at nabasa.  Nakatago sa mga naiwan niyang mga kagamitan. Ikaw ang pinili niyang pamanahan ng dalawa niya baul niya.  Ang problema yung isang baul ay nawawala.  Isa lang ang maibibigay namin sa iyo.”  Paliwanag ni Bruno.

“Maraming salamat” ang biglang tugon ko.

Pinatuloy ko sila sa bahay at pinaupo.  Kinuhaan ko din sila ng iced tea mula sa aking refrigerator.

“Huwag ka ng mag-abala.  Ito lang sadya namin kasi nakukusensya kami na pinagbintangan namin siyang baliw ngunit malinaw sa mga ilan niyang sulat na naiwan na hindi pala siya baliw.  Ikaw ang dahilan kung bakit muling nagsulat siya bago siya mamatay.” Ang paliwanag naman ni Goryo.

“May ibibigay nga pala ako sa iyo na dalawang pahina ng pinunit ko noon sa notebook ni lolo kaya ako napalo at napagalitan niya noong kami’y mga bata pa.  Nagsinungaling kasi ako noon nang biglang paluin ako ni lolo.  Sabi ko sa aking mga magulang wala naman akong ginagawang masama kaya sabi nila baliw na si lolo dahil sa walang dahilan na galit at pagpalo sa akin.”  Ang marahan na pananalita ni Bruno.

“Para talaga ito sa iyo kasi ang notebook na pinanggalingan nito ay nasa isang baul na ipinamamana sa iyo ni lolo.”

“Aalis na rin kami.  Hindi na namin ikaw tatanungin kung nasa iyo o wala ang itim na baul ni lolo.  Hindi namin alam at wala na rin kaming pakialam pa duon.  Kalimutan na natin ang ating mga nakaraan.  Ang mahalaga humingi na kami ng tawad sa aming mga kasalanan.  Maraming salamat Lito.”

Nais ko sana silang pigilan upang sabihin sa kanila na nasa akin ang baul ngunit tila nagmamadali sila sa pag-alis at hindi na nila nainom at nakain pa ang aking inihanda para sa kanila.

Lalong dumami ang aking mga katanungan ng mga sandalling iyon ngunit nabawasan bigla ito nang basahin ko ang dalawang pahina na ibinigay sa akin ni Bruno.

Nakakapanggilalas, nakakagulat, nakakamangha, hindi masayod ng isipan… hindi ko na kaya pang sabihin ang aking nadarama nang mabasa ko ang dalawang punit na mga pahinang iyon.

Sa mga pahinang iyon isinaad ni lolo Tacio ang lihim na lagusan at daanan ng yungib kung saan puwedeng balikan muli ito.  Sinadya ni lolo Tacio na gumawa ng diary para sa pagbabalik sa yungib na iyon. 

Eksaktong mga sukat ang nakasulat dito at may mga ilustrasyon pa.  Sa ilalim ng tinatawag na pulang ilog ang sikretong lagusan ng yungib sa batong krus na daan.

Detalyado din ang nakasulat kung ano ang dapat ihanda at dalhin sa pagpasok sa yungib.

Sa pinakasimula ng unang pahina ay nakasulat ang mga katagang ito…

Babalikan kita Roxenia ang nag-iisang babae na minahal ng puso ko ng wagas na pag-ibig...  Ito ay para sa iyo.  Mananariwa muli ang puting rosas na minsan ay nagsilbing liwanag sa ating kaharian.

Hindi na ako nagdalawang isip pa.  Tatapusin kong basahin ang diary ni lolo Tacio sa buong isang linggong ito at ako ay magdedesisyon kung ito ay isang katotohanan o isang kabaliwan lamang.

Ipinagpatuloy kong basahin ang ikatlong pahina.

Sa aking paglalakbay sa kagubatan ay napansin kong napapalibutan ito ng mga salamin.  May ilang daanan ng liwanag na nanggagaling sa may itaas at ikinakalat ito ng mga nakaikot ng mga salamin sa buong kagubatan.

Anim na kabundukan ang aking nilakbay at sa wakas ay nakakita ako ng grupo ng mga tao.  Tila isang tribu ang kanilang mga pananamit.  Sila ay mga nakabahag lamang. Nagtaka ako sapagkat wala silang mga sandata.  Naisipan kong mababait lahat ng mga tao duon. 

Isang babaeng ubod ng ganda ang aking natanaw.  Siguro siya ang princesa ng tribu dahil sa kanyang kagandahan kahit na karaniwan lang ang kanyang pananamit.

Tinatanaw ko siya mula sa isang kabundukan, nakadapa ako para hindi nila ako makita, ngunit may naramdaman akong tumatadyak sa aking likuran.  Nang lumingon ako ay napapalibutan na pala ako ng ilang mga taga-tribu na siyang may mga dalang pana, sibat at iba pang mga sandata.

>>> PART FOUR (4)

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>

No comments:

Post a Comment