PART FIVE (5)
Salamin
Habang pumapatak ang napakalakas na ulan ay napayuko ako at nakita ko ang aking mukha sa reflection ng tubig na nasa ibaba na sa bawat patak ng ulan ay salitang nasisira, nabubuo muli at nawawala. Pumapatak din dun ang aking mga luha.
Naaninag ko na may papalapit sa akin kahit nakayuko ako. May dalang payong na itim. Pinayungan ako. Nang aking tingnan, nakita ko ang isang dalaga, hindi ko siya kilala.
Tumayo ako sa aking pagkahiya.
"Miss, maraming salamat..." Tinitingnan ko siya ng may pagtataka.
"Hindi mo ba ako natatandaan?" tanong niya sa akin.
"Sorry hindi ko maalala. Isa ka ba sa mga classmates ko?" ang daglian kong sagot.
Napatawa siya.
"Ano ka ba Lito, si Shirley ako, friend mo ako nung high school."
"Friend ko nung high school?"
Marahil kaya hindi ko siya makilala dahil siya ay dalaga na ngunit bakit naman niya ako kilala?
Siguro hindi ko gaanong mapagmasdan ang kanyang mukha dulot ng mga luhang pumapatak sa aking mga mata.
"Sinusundan ko lahat Lito ang mga online accounts mo katulad ng facebook, blog at twitter kaya alam ko mga updates patungkol sa iyo."
Kumuha ako ng panyo at ipinahid ko sa aking mga mata. Pinagmasdan ko siyang mabuti. Hindi ko pa rin siya maalala at makilala.
Ngunit nang makita ko ang peklat na nakaukit sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha dulot ng sunog ay biglang bumalik sa aking ala-ala ang nangyari sa akin nung high school.
Sa isang birthday party ng aming ka-batch ay pumunta kami. Kapatid si Shirley ng birthday celebrant. Dahil sa mga palaro at katuwaan ay hindi namalayan ng lahat na nasusunog na pala ang kusina malapit sa lutuan.
Ako naman ay nakaupo sa may sala kaya nang makita namin na umuusok ng malakas na hindi karaniwan ay may sumilip ng kusina at sumigaw na may nasusunog.
Nagsitakbuhan ang lahat ngunit yung birthday celebrant pala ay nasa may comfort room at nasuffocate na kaya hindi nakalabas. Halos buong bahay na ang nasusunog nang maalala ng isang babae na nanduon sa loob ng CR yung birthday celebrant.
Walang maglakas loob na bumalik sa bahay patungong kusina sa may CR.
Si Shirley ang pumasok at tumakbo ng napakabilis. Ngunit ilang minuto na nakakalipas ay hindi rin siya nakalabas.
Kaya napilitan na akong pasukin ang bahay. Humingi ako ng kumot sa kapit-bahay, binasa ko ito ng husto ng tubig at itinalukbong sa aking buong katawan mula ulo. Pumasok ako sa nasusunog na bahay.
Nakita ko ang dalawa parehas nakabulagta sa loob ng CR. Binuksan ko ang shower upang mabasa sila parehas at magkamalay. Natauhan sila at kasamang kong lumabas na nakatalukbong ng basang kumot.
Pagkatapos ng trahedyang iyon ay naging magkaibigan kami ni Shirley. May peklat siya sa mukha dulot ng bumagsak na nasusunog na kahoy.
Pagkatapos namin ng high school ay hindi ko na rin siya nakita at wala na akong impormasyon na nalaman patungkol sa kanya maliban sa kasalukuyang pagkakataon na dalaga na siya at pinapayungan niya ako.
"Lahat ng kabutihan na ginawa natin ay may kabutihan ding kapalit at gantimpala." Narinig kong muli na nagsasalita si Shirley.
"Noon tinulungan mo akong iligtas sa apoy, ngayon naman tutulungan kitang maligtas sa tubig, sa baha." Pabiro niyang sambit na nakangiti habang nakatingin sa akin.
"Pasensya ka na sa akin Shirley at hindi agad kita nakilala."
"Wala yun. Bakit nagpapaulan ka Lito at parang napakalungkot mo ngayon? Ano nangyari sa iyo?"
"Okey lang ako. Halika sama ka na muna sa hauz ko para makapagkape tayo at makapagkuwentuhan." Niyaya ko si Shirley.
Binigyan ko siya ng pampalit na damit dahil nabasa siya ng ulan. Umakyat ako sa aking kuwarto at nagpalit muna ng tuyong kasuotan.
Matagal kaming nagkuwentuhan ni Shirley habang umiinom ng kapeng bigas. Pagkatigil ng ulan ay nagpaalam na rin siya at ibinigay niya sa akin ang cellphone number niya.
"Kung may problema ka, kahit ano pa yan, tawagan mo lang ako, tutulungan kita sa maaabot ng aking makakaya." Ito ang mga huling salita na binitiwan niya bago siya tuluyang lumisan.
Bukang-liwayway
Nakatulog ako ng maaga at mahimbing ng gabing iyon. Na-realize ko na may nagawa rin pala akong mabuti kahit paano nung high school pa ako.
Napag-isipan kong huwag ituon ang aking isip at puso sa mga problema at alalahanin ng buhay bagkus ibaling ko ang aking sarili sa pagpapasalamat sa mga kabutihan na aking natatanggap at tinatamasa.
Sa dulo ng dilim ay palaging may liwanag.
Anumang problema ang ating hinaharap, anumang trahedya ang ating naranasan, anumang dagok ng buhay ang ating pinagdadaanan, atin din itong malalampasan kung meron lamang tayong pananalig sa Diyos na makapangyarihan sa lahat.
Nagising ako ng madaling-araw at muling kinuha ko ang diary ni lolo Tacio upang basahin.
Tiningnan ko ang pinakahuling pahina kung ano ang katapusang mga pananalita sa diary.
"Isinulat ko ang aklat na ito upang maging gabay ko muli sa pagbabalik sa yungib. Kung hindi ako palarin sa pansamantalang buhay kong taglay, hahanap ako ng nararapat na papalit sa akin upang matapos ang nabigo kong misyon na baguhin ang kabilang mundo."
Napakalalim ng mga katagang iniwan ni lolo Tacio.
Ibig sabihin lang nito na ako talaga ang dapat magpatuloy ng kanyang napasimulan. Nagulat sa pinakahuling linya na nakasulat sa ibabang bahagi ng balot ng kanyang diary.
"Ang napakahalagang bahagi ng aklat na ito ay ang tuyong rosas."
Hinanap ko agad ang tuyong bulaklak na aking nakitang nakaipit sa may gitnang bahagi nito.
Maingat kong inilapag sa aking lamesa. Itinapat ko sa reading lamp ko. Wala akong nakitang kakaiba sa rosas na iyon. Natuyo lang dahil sa pagkakaipit sa diary. Iyon ang aking sapantaha.
Naging isang palaisipan para sa akin ang sinabi niyang "pinakamahalaga." Ano ba meron sa tuyong bulaklak na iyon? Nakakapagtaka talaga.
>>> PART SIX (6)
PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>
No comments:
Post a Comment