Monday, February 20, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (7)

PART SEVEN (7)

Perfect

Napatawa ako ng husto nang mabasa ko ang bahagi ng diary na ito ni lolo Tacio.  Hindi kasi lahat ng bagay na gusto natin ay makukuha agad natin, hindi rin lahat ng nakukuha natin ay gusto natin at lalong hindi lahat ng gusto natin ay talagang kailangan natin.  Alam din nating lahat na hindi lahat ng gusto natin ay tama.  Madalas nga mali. 

Hindi ko lang sure kung tama ang pagkakagusto ni lolo Tacio dun sa babae na una niyang nakita sa may tribu.   
Hindi pa nga nagpapakita hanggang sa bahaging ito ng diary ni lolo Tacio.  Nasaan na kaya siya?  Siguro sa bandang unahan pa ng diary ni lolo Tacio, mga 10 or 20 pages pa.

Sa buhay nating ito, dapat marunong kang manalangin sa DIYOS.  Ang sagot Niya ay pwedeng “Oo,” “Hindi,” o kaya naman ay “Maghintay.” Dapat lahat ng ginagawa natin ay lubos nating pinag-iisipan at huwag pabigla bigla.  Ang kailangan ay tamang desisyon, sa tamang oras o sandali, sa tamang lugar, at sa tamang sitwasyon.  Perfect timing ika nga.

Bumalik tuloy sa aking ala-ala ang napakasaklap na nangyari sa aking panganay na kapatid nang siya ay mamatay.  Siya si kuya Kirk.   Kung ako ang tatanungin ngayon kung sino dapat maging bayani para lang sa akin, hindi si Rizal o si Bonifacio ang bayani sa buhay ko, ang tunay na bayani para sa akin ay ang aking kapatid.

Habang nakaburol ang aking kapatid noon sa bahay at napakaraming tao, lumabas ako, tumingala sa langit, tiningnan ang mga bituin, at nagtanong patungkol sa riyalidad ng buhay at kamatayan.

Pinapatay ang aking kapatid ng isa sa pinakamakapangyarihang sindikato na umiiral sa mundo na kung tawagin nila ang kanilang mga sarili ay “cyber-army.”  Grupo sila ng mga cyberterrorist o black hat hackers.  Mga programmer ng computer na nagnanakaw ng mga pera online sa mga bangko, sa mga online accounts ng mga computer users, million or marahil nga billion dollars ang nakukuha nila taon-taon.

Noong ako’y elementary pa lamang, sa tiyahin ako nakatira ngunit nang ako ay maghigh school naging malaya bigla ako kasi pinatira ako kay kuya Kirk.  Nakatira siya sa isang subdivision.  Palagi siyang abala sa pagkokomputer sa talang buhay niya.

Computer engineer ang panganay kong kapatid kaya nga nahilig din ako sa computer dahil sa kanya.  Sinundan ko mga yapak niya.  Tatlo ang library niya dahil palabasa siya. Napakakapal na ng kanyang salamin.  Ngunit hindi alam ng lahat na siya ang gumawa ng paraan upang hindi mapasok ng mga hackers ang World Bank, IMF at Bangko Sentral ng Pilipinas.  Palagi siyang anonymous online.  Ngayong wala na siya, sasabihin ko sa inyo kung ano alias niya sa Internet: XPYDER.

High school ako noon at nakita kong nagcocomputer si kuya Kirk sa kanyang kuwarto, limang computer ang gamit niya, pulang computer ang nasa gitna at napakaraming mga nakabukas na program ang ginagamit niya ng sabay-sabay.  Abalang abala siya.  Hindi niya namalayan na nasa likuran na niya ako at pinapanood ko ang mga ginagawa niyang program.

Madalas ang nakikita kong mga websites sa computer niya ay patungkol sa CIA, FBI, Mossad, at iba pang secret agency ngunit sa time na iyon iba ang nakita ko.  Mga online banks ang nakita ko.  Narinig kong may kausap siya sa kanyang headset at sinasabihan niyang walang puwedeng makakatalo sa kanya sa programming.

Dun ko natuklasan na kinakalaban niya na pala ang isang grupo ng black cyber-army na naka-establish sa ibang bansa.  Sa aking pagkakaalam, binubuo yun ng mga sampu, lambing-lima o kaya mahigit dalawampung hackers na simultaneously silang umaatake sa kanilang target victim.  Samantalang mag-isa lang ang aking kuya Kirk. 

Sumigaw siya ng “Eureka!”  Alam kong may na-solve na naman siyang napakabigat at napakahirap na problema.  Biglang lumingon siya at nakita ako.  Akala ko pagagalitan niya ako. 

Ngunit pinaupo niya ako sa tabi niya at dun ipinaliwanag niya sa akin sa unang pagkakataon ang mga ginagawa niyang program.  Hindi ko pa rin maintindihan karamihan sa mga pinagsasabi niya kahit pinipilit niya pababawin ang paliwanag at bihira siyang gumamit ng technical jargon. 

Sa tingin ko, ipinamamana na niya sa akin ang kanyang kaalaman.  Parang nagpapaalam na siya.  Minsan nakikita kong nangingilid mga luha sa kanyang mata.  Akala ko noon kapupuyat lang at kakokomputer.  Hindi pala.

Lumipas ang mga araw at nanatiling abala siya sa pagcomputer.  Ang pahinga niya lang ay pagkain.  Umuorder na lang siya sa mga food chain.  Siguro mga tatlo hanggang apat na oras lang siya kung matulog, minsan sa madaling-araw at minsan sa hapon.

Hanggang isang gabi, nakita ko siyang nagmamadali.  Iniimpake niya mga gamit niya at gumagawa ng back-up sa kanyang external hard disk.  Ang ibang computer niya ay pinoformat niya na.  Nagtaka ako.  Nagpapakulo rin siya ng mga tubig sa may kusina.

Kagagaling ko palang noon sa isang sunog kaya marumi ang aking damit.  Yun yung time na iniligtas ko si Shirley at ang kanyang kapatid sa nasunog nilang bahay.  Nais ko sanang ikuwento ang kabayanihang ginawa ko ngunit sa gabing iyon, hindi puwede.

“Isara mo muna mga pintuan Lito, bilisan mo at iimpake mo na rin mga gamit mo at aalis na tayo ngayon rin!”  Nagmamadaling bilin sa akin ng aking kuya Kirk.

“Ha? Bakit kuya?  Anong dahilan?” pag-uusisa ko.

“Padating na mga hired killers ngayon.  Umupa yung mga kalaban kong sindikato sa ibang bansa ng mga killer dito sa Manila para ipaligpit ako.  80 million pesos ang halaga ng ulo ko.  Namonitor ko palang sa satellite ko.  Bilisan mo, dali.  Na-trace nila ako pero na-trace ko din sila.”

Biglang may narinig kaming may mga binaril sa gate.  Yung mga guwardiya.  Pinatay lahat sila ng mga sindikato.

Kinuha ko telescope ko at sinilip ko sa bintana, nakita kong anim na itim na van ang pumasok sa subdivision namin.

“Kuya, nandiyan sila, anong gagawin natin?” ang pagtatanong ko ng may pangangamba.

“Alam ko, ako ang bahala, maghintay ka lang at may tinatapos pa ako ditong gawain.” Sagot sa akin ni kuya Kirk ng kalmado at walang kaba.

Nagsibabaan agad mga armadong kalalakihan.   Lahat din sila ay nakaitim na jacket at may mga inilabas na night vision na susuotin nila para makakita sila sa dilim.  Pinasabog na muna nila mga poste ng kuryente namin.  Total blackout.  Ayaw gumamit ni Kuya Kirk ng flashlight.  Ngunit nakasindi pa rin mga computer ni kuya Kirk dahil sa UPS.

Lahat ng mga high-powered gun nila ay may mga laser pointer.  Hinahanap na nila ang bahay namin.  Itinaob ni kuya ang mga monitor at tinalukbungan ng trapal ang mga ito para hindi makita ang mga liwanag nito habang nagfoformat.

Alam nila kung nasaan bahay namin kaya lahat sila ay kitang kita ko na papalapit na sa amin.

“Makinig kang mabuti.  Lahat ng sasabihin ko ay yun lang gagawin mo.  Dapat makaligtas tayo sa kamatayan sa anumang paraan.  Kailangan mong sundin lahat ng sasabihin ko at yun lang wala ng iba pa.  Malinaw ba yun?”  pabulong na sabi sa akin ng aking kuya.

“Ngayon i-silent mode mo cellphone mo, pagnaghiwalay na tayo diyan tayo mag-cocommunicate.  Lahat ng instruction ko ay diyan mo makikita sa mga text ko.”

Binigyan niya ako ng homemade tear-gas mask at itinago niya ako sa ilalim ng aming hagdanan. Tinabunan niya ako ng mga damit. Napakatahimik ng sandaling iyon.  Walang kaluskos man lang akong naririnig.  Biglang isang pagsabog ang narinig ko, ang pintuan namin. 

Hindi pa rin nagtetext sa akin ang aking kuya.  Nanginginig na ako sa takot at pinagpapawisan ng todo.  Sa isip ko nung time na iyon ay iniwan na ako ng kuya ko.  Tila ang naririnig ko na lang ay ang mabilis na tibok ng puso ko sa sobrang nerbyos.

Gusto ko na ring lumabas ng bahay para tumakas.  Hindi ko na alam ang aking dapat gawin.  Ngunit naalala ko bilin ng kuya ko na siya lamang susundin ko kaso wala pa siyang instruction na anuman.

Narinig ko na ang mga yabag ng hired killers.  Sa mga siwang ng mga damit na nakatabon sa akin, nakikita ko mga laser pointer ng baril nila.  Ito na siguro ang katapusan ng daigdig para sa akin.



PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>

No comments:

Post a Comment