Monday, February 27, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (9)

PART NINE (9)

Binuksan ko muli ang diary upang malaman ko ang naging reaksyon ni lolo Tacio sa pagkakakita niya ng babaeng hindi naman niya gusto at dun ko nabasa ang isang kuwento na tunay na makakainspire para sa lahat:

"'Mahal na hari, hindi ko po kinakailangan ng gantimpala upang makagawa ng kabayanihan sa inyong tribu, ang nais ko lamang ay makatulong at mapuksa ang kinatatakutan ninyong mga halimaw,' ang bigla kong naibulalas upang makaalis na agad ako sa harapan ng kanilang princesa.

'Magaling kung ganun, pinahahanga mo kami sa iyo binata, mamyang gabi ikaw ay aking inaanyayahan sa isang napakalaking dulang bilang paunang pagbubunyi natin ng iyong nalalapit na pagtatagumpay!' ang sagot ni Haring Turkido.

Lumapit sa akin sila Tatay Isko kasama ng mga pinunong matatanda upang lumabas ng templo.

Nakita ko si Graniso sa labas ng templo kasama ang mga taga tribu na may mga dalang sandata.  Dun ko nakita na handa rin palang makipaglaban siya para sa kanyang ama.  Ngunit galit ito na nakatitig sa akin.

Pauwi na kami at ang mga tao ay nagsisunod sa amin.  Hawak ni tatay Isko ang aking braso habang sinasabi niya: ' Anak, nakikiusap ako sa iyo, huwag na huwag kang pupunta sa bundok ng kawalan.  Lahat ng pumupunta duon ay nawawala ang kanilang normal na pagkatao sapagkat nagiging halimaw sila.  Ayokong ikaw ay mapariwara.'

Sadyang napakatigas ng ulo ko kaya kahit anong pakiusap ni tatay Isko ay hindi ko pinakikinggan.  Kaya sunod-sunod na trahedya ang dumating sa aking buhay.

Pagdating namin sa bahay ng pamilya Esteban, naglakas loob akong magtanong kay tatay Isko patungkol kay Graniso sapagkat palaging galit siya sa akin.

'Pagpasensyahan mo na yang panganay na anak ko na si Graniso.  Marahil nakikita niyang muli ang nangyari sa aking bunsong anak na si Diego.  Ako pa ang hari noon dito sa aming tribu.  Kasing edad mo siya noon at gusto niya ring puksain ang mga halimaw dun sa bundok ng kawalan.  Ilang beses ko siyang pinagsabihan at pinagbawalan.  Palaging nag-aaway na sila ni Graniso dahil sa katigasan ng ulo ni Diego.  Napakaraming kalokohan ang ginagawa niya.

Tag-gutom noon at halos walang makain kaya nag-isip kami ng pamamaraan para hindi mamatay sa gutom ang buong tribu.  Inuunti unti namin ang bigas mula sa imbakan para sa lahat.  Apat na takal lang ng bigas ang aming naibibigay sa bawat pamilya araw-araw.  Ngunit kahit paano ay nakakakain parin kami.

Isang araw ay nawala ang isang sakong bigas sa imbakan na aming tribu.  Alam ni Graniso na si Diego ang may kagagawan niyun dahil nakita ni Graniso na ipinamamalit ni Diego ng alak ang bigas para sa kanyang mga barkada.  Lihim niyang pinagsabihan ang kanyang mahal na kapatid ngunit hindi ito nakinig sa kanya.

Hindi ko alam ang mga pangyayaring iyon kaya nagbigay ako ng kautusan na hahagupitin ng latigo ang mapapatunayang nagnakaw ng isang sakong bigas.  Trentang beses na hagupit sa may likuran habang nakabitin at hindi pakakainin ng isang linggo.


Sumunod na araw ay nawala ang isang kalabaw.  Nagbigay muli ako ng kautusan na hahagupitin ng setentang beses ang mapapatunayang magnanakaw at dalawang linggong walang pagkain.  At sa ikatlong pagkakataon na pagnanakaw ay hahagupitin ng isang daan na beses ng latigo at tatlong linggong walang pagkain.


Sa ikatlong araw na pagbabantay sa mga pag-aari ng tribu, nahuli ng mga kawal si Diego na nagnanakaw ng mga tinuyong isda sa imbakan.


Nalungkot ako nang malaman ko na ang magnanakaw pala ay ang aking bunsong anak.  Wala akong magagawa kundi ang parusahan siya sa harapan ng lahat ng tao.'  

Nakita kong nangingilid na ang mga luha sa mga mata ni tatay Isko habang siya ay nagkukwento.


'Dumating na ang araw ng kaparusahan at alam nating lahat na ang utos ng hari ay kailanman hindi mababali.  Inipon na ang lahat ng tao.  Nakahanda na ang bitinan.  Hindi ako makatingin at inilabas na ang salarin, ang bunso kong anak na si Diego.


Hindi ko na kaya pang magsalita para sa kahatulan.  Ang aking tagapagsalita na si Primo ang pinagbasa ko ng hatol ni Diego, isang daang hagupit ng latigo at tatlong linggong hindi pakakainin dahil sa tatlong beses na pagnanakaw ng pagkain ng buong tribu.


Sinimulan na ang paghagupit.  Sa bawat hagupit ay tumitilamsik ang dugo at umiiyak siya ng napakalakas.  Anim na beses palang na hagupit ay sugat-sugat na ang likuran ni Diego at pumapalahaw siya ng pagmamakaawa sa akin. Sinusulyapan ko lamang siya ay nasasaktan na ako ng lubusan.  Hindi ko na kaya pang tinggnan at pakinggan ang mga nangyayari.


Biglang isang tao ang tumakbo upang yakapin ang duguang si Diego.  Siya ang hinagupit ng berdugo, ang tagapagparusa, upang umalis ngunit maslalo niyang niyakap ng mahigpit si Diego, nang aking pagmasdan kung sino ang sumalo ng kaparusahan ni Diego, ang nakita ko ay si Graniso.  


Tumingin siya sa akin at nagsabi, 'Tatay, mahal na hari, ako na lang ang parusahan ninyo alang-alang sa aking bunsong kapatid.'  Nakatingin din sa akin ang berdugo at ang lahat ng mga tao.  Tumango ako habang nakayuko akong naglalakad patungo sa aking trono.  Nagsisikip na ang aking paghinga.  Siya ang hinagupit ng makailang beses.  Narinig kong nagsalita ang isang kawal na nakamasid sa ginagawang paghugupit ng walang tigil kay Graniso: ' Walang katumbas na pagmamahal.'"

Nakakapagtaka na may pagkakatulad ng kaunti ang buhay nila Graniso at Diego sa buhay namin ni kuya Kirk. Marahil ito ay coincidence lamang.  Parehas nagsacrifice ang aming mga mapagmahal na kuya para sa katulad naming mga bunso na matitigas ang ulo at suwail. 


Sa aking pagpapatuloy na pagbabasa ng diary ni lolo Tacio.  Isang napakalinaw na bagay ang aking natuklasan.  Hindi pala si lolo Tacio ang tunay na bida sa kanyang diary.


>>> PART TEN (10)

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>

No comments:

Post a Comment