Monday, February 27, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (9)

PART NINE (9)

Binuksan ko muli ang diary upang malaman ko ang naging reaksyon ni lolo Tacio sa pagkakakita niya ng babaeng hindi naman niya gusto at dun ko nabasa ang isang kuwento na tunay na makakainspire para sa lahat:

"'Mahal na hari, hindi ko po kinakailangan ng gantimpala upang makagawa ng kabayanihan sa inyong tribu, ang nais ko lamang ay makatulong at mapuksa ang kinatatakutan ninyong mga halimaw,' ang bigla kong naibulalas upang makaalis na agad ako sa harapan ng kanilang princesa.

'Magaling kung ganun, pinahahanga mo kami sa iyo binata, mamyang gabi ikaw ay aking inaanyayahan sa isang napakalaking dulang bilang paunang pagbubunyi natin ng iyong nalalapit na pagtatagumpay!' ang sagot ni Haring Turkido.

Lumapit sa akin sila Tatay Isko kasama ng mga pinunong matatanda upang lumabas ng templo.

Nakita ko si Graniso sa labas ng templo kasama ang mga taga tribu na may mga dalang sandata.  Dun ko nakita na handa rin palang makipaglaban siya para sa kanyang ama.  Ngunit galit ito na nakatitig sa akin.

Pauwi na kami at ang mga tao ay nagsisunod sa amin.  Hawak ni tatay Isko ang aking braso habang sinasabi niya: ' Anak, nakikiusap ako sa iyo, huwag na huwag kang pupunta sa bundok ng kawalan.  Lahat ng pumupunta duon ay nawawala ang kanilang normal na pagkatao sapagkat nagiging halimaw sila.  Ayokong ikaw ay mapariwara.'

Sadyang napakatigas ng ulo ko kaya kahit anong pakiusap ni tatay Isko ay hindi ko pinakikinggan.  Kaya sunod-sunod na trahedya ang dumating sa aking buhay.

Pagdating namin sa bahay ng pamilya Esteban, naglakas loob akong magtanong kay tatay Isko patungkol kay Graniso sapagkat palaging galit siya sa akin.

'Pagpasensyahan mo na yang panganay na anak ko na si Graniso.  Marahil nakikita niyang muli ang nangyari sa aking bunsong anak na si Diego.  Ako pa ang hari noon dito sa aming tribu.  Kasing edad mo siya noon at gusto niya ring puksain ang mga halimaw dun sa bundok ng kawalan.  Ilang beses ko siyang pinagsabihan at pinagbawalan.  Palaging nag-aaway na sila ni Graniso dahil sa katigasan ng ulo ni Diego.  Napakaraming kalokohan ang ginagawa niya.

Tag-gutom noon at halos walang makain kaya nag-isip kami ng pamamaraan para hindi mamatay sa gutom ang buong tribu.  Inuunti unti namin ang bigas mula sa imbakan para sa lahat.  Apat na takal lang ng bigas ang aming naibibigay sa bawat pamilya araw-araw.  Ngunit kahit paano ay nakakakain parin kami.

Isang araw ay nawala ang isang sakong bigas sa imbakan na aming tribu.  Alam ni Graniso na si Diego ang may kagagawan niyun dahil nakita ni Graniso na ipinamamalit ni Diego ng alak ang bigas para sa kanyang mga barkada.  Lihim niyang pinagsabihan ang kanyang mahal na kapatid ngunit hindi ito nakinig sa kanya.

Hindi ko alam ang mga pangyayaring iyon kaya nagbigay ako ng kautusan na hahagupitin ng latigo ang mapapatunayang nagnakaw ng isang sakong bigas.  Trentang beses na hagupit sa may likuran habang nakabitin at hindi pakakainin ng isang linggo.


Sumunod na araw ay nawala ang isang kalabaw.  Nagbigay muli ako ng kautusan na hahagupitin ng setentang beses ang mapapatunayang magnanakaw at dalawang linggong walang pagkain.  At sa ikatlong pagkakataon na pagnanakaw ay hahagupitin ng isang daan na beses ng latigo at tatlong linggong walang pagkain.


Sa ikatlong araw na pagbabantay sa mga pag-aari ng tribu, nahuli ng mga kawal si Diego na nagnanakaw ng mga tinuyong isda sa imbakan.


Nalungkot ako nang malaman ko na ang magnanakaw pala ay ang aking bunsong anak.  Wala akong magagawa kundi ang parusahan siya sa harapan ng lahat ng tao.'  

Nakita kong nangingilid na ang mga luha sa mga mata ni tatay Isko habang siya ay nagkukwento.


'Dumating na ang araw ng kaparusahan at alam nating lahat na ang utos ng hari ay kailanman hindi mababali.  Inipon na ang lahat ng tao.  Nakahanda na ang bitinan.  Hindi ako makatingin at inilabas na ang salarin, ang bunso kong anak na si Diego.


Hindi ko na kaya pang magsalita para sa kahatulan.  Ang aking tagapagsalita na si Primo ang pinagbasa ko ng hatol ni Diego, isang daang hagupit ng latigo at tatlong linggong hindi pakakainin dahil sa tatlong beses na pagnanakaw ng pagkain ng buong tribu.


Sinimulan na ang paghagupit.  Sa bawat hagupit ay tumitilamsik ang dugo at umiiyak siya ng napakalakas.  Anim na beses palang na hagupit ay sugat-sugat na ang likuran ni Diego at pumapalahaw siya ng pagmamakaawa sa akin. Sinusulyapan ko lamang siya ay nasasaktan na ako ng lubusan.  Hindi ko na kaya pang tinggnan at pakinggan ang mga nangyayari.


Biglang isang tao ang tumakbo upang yakapin ang duguang si Diego.  Siya ang hinagupit ng berdugo, ang tagapagparusa, upang umalis ngunit maslalo niyang niyakap ng mahigpit si Diego, nang aking pagmasdan kung sino ang sumalo ng kaparusahan ni Diego, ang nakita ko ay si Graniso.  


Tumingin siya sa akin at nagsabi, 'Tatay, mahal na hari, ako na lang ang parusahan ninyo alang-alang sa aking bunsong kapatid.'  Nakatingin din sa akin ang berdugo at ang lahat ng mga tao.  Tumango ako habang nakayuko akong naglalakad patungo sa aking trono.  Nagsisikip na ang aking paghinga.  Siya ang hinagupit ng makailang beses.  Narinig kong nagsalita ang isang kawal na nakamasid sa ginagawang paghugupit ng walang tigil kay Graniso: ' Walang katumbas na pagmamahal.'"

Nakakapagtaka na may pagkakatulad ng kaunti ang buhay nila Graniso at Diego sa buhay namin ni kuya Kirk. Marahil ito ay coincidence lamang.  Parehas nagsacrifice ang aming mga mapagmahal na kuya para sa katulad naming mga bunso na matitigas ang ulo at suwail. 


Sa aking pagpapatuloy na pagbabasa ng diary ni lolo Tacio.  Isang napakalinaw na bagay ang aking natuklasan.  Hindi pala si lolo Tacio ang tunay na bida sa kanyang diary.


>>> PART TEN (10)

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>

Thursday, February 23, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (8)

PART EIGHT (8)

Sacrifice

Labis akong nagtaka sapagkat ang unang pinuntahan nila ay ang ilalim ng hagdanan na aking pinagtataguan.  Dumiretso agad sila upang alisin mga nakatabon sa aking mga damit at nahuli ako.  Siguro may heat detector sila para sa normal body temperature ng tao na thirty-seven degree celcius.  Binitbit ako sa may kuwelyo at ipinakita sa kanilang lider na nakamaskara.  Umiling ito at tinutukan ako ng baril sa ulo.

“Alam mo ba kung nasaan ang secret file?”  tanong sa akin ng bandido.

“Hindi po.  Bata pa po ako kaya wala po akong alam sa computer.”  dagliang sagot ko. 

"Ikaw ba si xpyder?" tanong niyang muli.

"Hindi po."  sagot ko.

"Sino ka bata?  Kaano ano mo may ari ng bahay na ito." nagtanong ulit siya

"Kapatid po ako." sagot ko ulit.

Babarilin na sana ako ng lider nila nang biglang may narinig kaming sumisigaw mula kusina at tumatakbo palabas ng wasak na pintuan.  Umuusok ito.  Binuhusan ng kumukulong tubig.  Alam na ng mga sindikato kung sino may gawa.  Sampung armado ang pinapunta ng lider sa kusina.

Isang katahimikan ang bumalot sa lugar na yun.  Mga senyas ng kamay ginagamit nila sa pag-uusap ng kanilang mga gagawing pag-atake.

Binasag ang katahimikan ng tunog ng electric generator namin sa may kusina.  Dahan-dahan pa rin ang mga armado sa paglusob.

Biglang umilaw ang searchlight sa may kusina.  Halos mabulag ang mga sindikato dahil sa lakas ng liwanag nito at dulot ng suot nilang night vision.  Nangangapang lumabas ang sampu na parang mga bulag.

Muling sumenyas ang lider nila ng panibagong sampung armado na lulusob.  Inalis nila mga suot nilang night vision.

Biglang namatay ang generator at searchlight.  Muling nagdilim ang paligid.

Narinig naming may mga pumapatak na likido sa kusina na ang amoy ay katulad ng gaas o gasolina.  Umapoy bigla ang sampung mga armado.  Tumakbo palabas na naglalagablab.  Ang ilan sa mga nasusunog ay namamaril na ng walang kontrol at natamaan ang kanilang mga kasamahang sindikato.  Pinagbabaril nila ang mga nasusunog upang manahimik.

Sumigaw ang kanilang pinuno: "Ang kailangan lang namin ay ang secret file!!!  Ibigay mo na sa amin!  Kung hindi ay tatadtarin ka namin ng bala sa iyong pinagtataguan!!!"

Tumunog ang aking cellphone at nakita kong nagtext sa cellphone ko ang aking kapatid: "Isuot mo na ang homemade tear-gas mask na ibinigay ko sa iyo.  Ngayon na. Pagnakita mong hindi na sila makakita at nagkakagulo na, tumakbo ka palabas pero sa may likuran ka dumaan."

Hindi ko namalayan na ang mga sindikato ay nakatingin na sa akin habang binabasa ko ang text sa cellphone. Pagtingala ko ay nakaikot na sila sa akin.

Biglang nakita kong may mga lata o canister na gumugulong papunta sa mga sindikato at may mga lumalabas na makakapal na usok.  Tear gas.

Agad-agad kong isinuot ang homemade tear-gas mask.  Nagbasakan ang ilang mga armadong kalalakihan sa pagkahilo dulot ng tear gas.

Sinamantala ko ang pagkakataon at ako ay tamalilis sa may likuran upang tumakbo ngunit may mga sindikato palang nanduon din sa may likuran ng aming bahay kaya nahuli ulit nila ako.

Binitbit muli nila ako sa kanilang lider.  Galit na galit ito na sumigaw:  "Xpyder, lumabas ka na diyan sa lungga mo, papatayin namin ang iyong kapatid kung hindi mo sa amin ibibigay ang secret file na kailangan namin!!!"

Dun ko nakitang lumabas ang aking kapatid na nakaitim ng damit at pantalon.  Nakataas ang mga kamay na sumuko.

"Pakawalan ninyo ang aking kapatid at ibibigay ko sa inyo ang secret file."  Ang salitang binitiwan ni kuya Kirk.

Binitiwan ako ng lider ng sindikato at sinabihan ako ng kuya ko na tumakbo hanggang sa labasan.

"Huwag titigil sa pagtakbo at huwag kang lilingon Lito." bilin sa akin ng aking kuya.

Tumakbo ako ng napakatulin. Hindi ako lumingon katulad ng sinabi ng aking kapatid. Umiiyak ako habang tumatakbo dahil sa lubos kong pagkaawa sa aking kuya.  Narinig ko na lamang ang isang napakalakas na pagsabog. Ang buong bahay namin ang sumabog kasama ng mga sindikatong nasa loob ng aming bahay.

Dumating na ang mga pulis kaya ang ilang miyembro ng sindikato na nakaabang sa labas ay nagkanya kanyang takas. Nakalugmok ako sa may gilid ng aming subdivision.  Umiiyak ako ng makita ako ng mga pulis.

Nagkaroon ng imbestigasyon sa aming subdivision.  Isinama ako sa may police station.  Sinundo ako ng aking tiyahin upang makauwi sa kanyang bahay at duon muli manirahan hanggang college.


Isang trahedya ng buhay ko na hindi ko makakalimutan.  Hindi nakuha ang bangkay ng aking kapatid.  Marahil nasunog o naubos ng malaking pagsabog.  Mga abo na nanduon sa bahay namin ang sinapantaha naming lahat na mga labi niya upang mailibing ng maayos.

Minsan habang naglalakad ako sa may palengke kasama ang aking tiyahin, nakita ko ang aking kuya na nagmamadaling pasakay sa isang jeep.  Alam kong hindi ako nagmamalikmata.  Siya talaga iyon.  Medyo tumaba lang siya.  Ngunit hindi ko na siya naabutan upang masiguradong kapatid ko talaga siya at hindi lang kamukha.  Wala siyang kakambal.  Kaya iyon ay naging palaisipan sa akin kung buhay pa siya o patay na talaga.

Isa sa malaking pagkakamali ko ay ang pabayaan ang aking kuya na harapin ang mga sindikato.  Hindi ko man lang siya natulungan kahit sa mumunting kaparaanan na alam ko.  Ganun din ang hindi ko pagsunod na i-silent mode ang cellphone ko kaya nakita ako ng mga taong iyon na salot ng lipunan.

Maspinili ng kapatid ko na siya ang mamatay kaysa ako ang patayin ng sindikato.  Nagsacrifice din siya para hindi mapasakamay ng mga masasama ang secret file hanggang ngayon.

Ano kaya yung sinasabi nilang secret file?  Ano ba kaugnayan nyun sa pakikipaglaban ng aking kapatid sa mga sindikato?  May nakakaalam ba ng kanyang ginawang kabayanihan para sa buong mundo kung bakit hindi tuluyang bumagsak ang lahat na ekonomiya at nakabangon tayo sa pansamantalang krisis na ating pinagdaanan?

Minsan natuklasan ko na ang secret file pala ni kuya Kirk ay itinago niya sa napakasimpleng kaparaanan na kung tawagin ay digital steganography.

Napakarami ang naituro sa akin ni kuya Kirk na mga survival technique/strategy bago siya lumisan.  Tila inihanda na niya ako na pasukin ang yungib ng kamatayan at lugar ng kababalaghan kahit hindi niya alam ang diary ni lolo Tacio.

>>> PART NINE (9)

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>

Monday, February 20, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (7)

PART SEVEN (7)

Perfect

Napatawa ako ng husto nang mabasa ko ang bahagi ng diary na ito ni lolo Tacio.  Hindi kasi lahat ng bagay na gusto natin ay makukuha agad natin, hindi rin lahat ng nakukuha natin ay gusto natin at lalong hindi lahat ng gusto natin ay talagang kailangan natin.  Alam din nating lahat na hindi lahat ng gusto natin ay tama.  Madalas nga mali. 

Hindi ko lang sure kung tama ang pagkakagusto ni lolo Tacio dun sa babae na una niyang nakita sa may tribu.   
Hindi pa nga nagpapakita hanggang sa bahaging ito ng diary ni lolo Tacio.  Nasaan na kaya siya?  Siguro sa bandang unahan pa ng diary ni lolo Tacio, mga 10 or 20 pages pa.

Sa buhay nating ito, dapat marunong kang manalangin sa DIYOS.  Ang sagot Niya ay pwedeng “Oo,” “Hindi,” o kaya naman ay “Maghintay.” Dapat lahat ng ginagawa natin ay lubos nating pinag-iisipan at huwag pabigla bigla.  Ang kailangan ay tamang desisyon, sa tamang oras o sandali, sa tamang lugar, at sa tamang sitwasyon.  Perfect timing ika nga.

Bumalik tuloy sa aking ala-ala ang napakasaklap na nangyari sa aking panganay na kapatid nang siya ay mamatay.  Siya si kuya Kirk.   Kung ako ang tatanungin ngayon kung sino dapat maging bayani para lang sa akin, hindi si Rizal o si Bonifacio ang bayani sa buhay ko, ang tunay na bayani para sa akin ay ang aking kapatid.

Habang nakaburol ang aking kapatid noon sa bahay at napakaraming tao, lumabas ako, tumingala sa langit, tiningnan ang mga bituin, at nagtanong patungkol sa riyalidad ng buhay at kamatayan.

Pinapatay ang aking kapatid ng isa sa pinakamakapangyarihang sindikato na umiiral sa mundo na kung tawagin nila ang kanilang mga sarili ay “cyber-army.”  Grupo sila ng mga cyberterrorist o black hat hackers.  Mga programmer ng computer na nagnanakaw ng mga pera online sa mga bangko, sa mga online accounts ng mga computer users, million or marahil nga billion dollars ang nakukuha nila taon-taon.

Noong ako’y elementary pa lamang, sa tiyahin ako nakatira ngunit nang ako ay maghigh school naging malaya bigla ako kasi pinatira ako kay kuya Kirk.  Nakatira siya sa isang subdivision.  Palagi siyang abala sa pagkokomputer sa talang buhay niya.

Computer engineer ang panganay kong kapatid kaya nga nahilig din ako sa computer dahil sa kanya.  Sinundan ko mga yapak niya.  Tatlo ang library niya dahil palabasa siya. Napakakapal na ng kanyang salamin.  Ngunit hindi alam ng lahat na siya ang gumawa ng paraan upang hindi mapasok ng mga hackers ang World Bank, IMF at Bangko Sentral ng Pilipinas.  Palagi siyang anonymous online.  Ngayong wala na siya, sasabihin ko sa inyo kung ano alias niya sa Internet: XPYDER.

High school ako noon at nakita kong nagcocomputer si kuya Kirk sa kanyang kuwarto, limang computer ang gamit niya, pulang computer ang nasa gitna at napakaraming mga nakabukas na program ang ginagamit niya ng sabay-sabay.  Abalang abala siya.  Hindi niya namalayan na nasa likuran na niya ako at pinapanood ko ang mga ginagawa niyang program.

Madalas ang nakikita kong mga websites sa computer niya ay patungkol sa CIA, FBI, Mossad, at iba pang secret agency ngunit sa time na iyon iba ang nakita ko.  Mga online banks ang nakita ko.  Narinig kong may kausap siya sa kanyang headset at sinasabihan niyang walang puwedeng makakatalo sa kanya sa programming.

Dun ko natuklasan na kinakalaban niya na pala ang isang grupo ng black cyber-army na naka-establish sa ibang bansa.  Sa aking pagkakaalam, binubuo yun ng mga sampu, lambing-lima o kaya mahigit dalawampung hackers na simultaneously silang umaatake sa kanilang target victim.  Samantalang mag-isa lang ang aking kuya Kirk. 

Sumigaw siya ng “Eureka!”  Alam kong may na-solve na naman siyang napakabigat at napakahirap na problema.  Biglang lumingon siya at nakita ako.  Akala ko pagagalitan niya ako. 

Ngunit pinaupo niya ako sa tabi niya at dun ipinaliwanag niya sa akin sa unang pagkakataon ang mga ginagawa niyang program.  Hindi ko pa rin maintindihan karamihan sa mga pinagsasabi niya kahit pinipilit niya pababawin ang paliwanag at bihira siyang gumamit ng technical jargon. 

Sa tingin ko, ipinamamana na niya sa akin ang kanyang kaalaman.  Parang nagpapaalam na siya.  Minsan nakikita kong nangingilid mga luha sa kanyang mata.  Akala ko noon kapupuyat lang at kakokomputer.  Hindi pala.

Lumipas ang mga araw at nanatiling abala siya sa pagcomputer.  Ang pahinga niya lang ay pagkain.  Umuorder na lang siya sa mga food chain.  Siguro mga tatlo hanggang apat na oras lang siya kung matulog, minsan sa madaling-araw at minsan sa hapon.

Hanggang isang gabi, nakita ko siyang nagmamadali.  Iniimpake niya mga gamit niya at gumagawa ng back-up sa kanyang external hard disk.  Ang ibang computer niya ay pinoformat niya na.  Nagtaka ako.  Nagpapakulo rin siya ng mga tubig sa may kusina.

Kagagaling ko palang noon sa isang sunog kaya marumi ang aking damit.  Yun yung time na iniligtas ko si Shirley at ang kanyang kapatid sa nasunog nilang bahay.  Nais ko sanang ikuwento ang kabayanihang ginawa ko ngunit sa gabing iyon, hindi puwede.

“Isara mo muna mga pintuan Lito, bilisan mo at iimpake mo na rin mga gamit mo at aalis na tayo ngayon rin!”  Nagmamadaling bilin sa akin ng aking kuya Kirk.

“Ha? Bakit kuya?  Anong dahilan?” pag-uusisa ko.

“Padating na mga hired killers ngayon.  Umupa yung mga kalaban kong sindikato sa ibang bansa ng mga killer dito sa Manila para ipaligpit ako.  80 million pesos ang halaga ng ulo ko.  Namonitor ko palang sa satellite ko.  Bilisan mo, dali.  Na-trace nila ako pero na-trace ko din sila.”

Biglang may narinig kaming may mga binaril sa gate.  Yung mga guwardiya.  Pinatay lahat sila ng mga sindikato.

Kinuha ko telescope ko at sinilip ko sa bintana, nakita kong anim na itim na van ang pumasok sa subdivision namin.

“Kuya, nandiyan sila, anong gagawin natin?” ang pagtatanong ko ng may pangangamba.

“Alam ko, ako ang bahala, maghintay ka lang at may tinatapos pa ako ditong gawain.” Sagot sa akin ni kuya Kirk ng kalmado at walang kaba.

Nagsibabaan agad mga armadong kalalakihan.   Lahat din sila ay nakaitim na jacket at may mga inilabas na night vision na susuotin nila para makakita sila sa dilim.  Pinasabog na muna nila mga poste ng kuryente namin.  Total blackout.  Ayaw gumamit ni Kuya Kirk ng flashlight.  Ngunit nakasindi pa rin mga computer ni kuya Kirk dahil sa UPS.

Lahat ng mga high-powered gun nila ay may mga laser pointer.  Hinahanap na nila ang bahay namin.  Itinaob ni kuya ang mga monitor at tinalukbungan ng trapal ang mga ito para hindi makita ang mga liwanag nito habang nagfoformat.

Alam nila kung nasaan bahay namin kaya lahat sila ay kitang kita ko na papalapit na sa amin.

“Makinig kang mabuti.  Lahat ng sasabihin ko ay yun lang gagawin mo.  Dapat makaligtas tayo sa kamatayan sa anumang paraan.  Kailangan mong sundin lahat ng sasabihin ko at yun lang wala ng iba pa.  Malinaw ba yun?”  pabulong na sabi sa akin ng aking kuya.

“Ngayon i-silent mode mo cellphone mo, pagnaghiwalay na tayo diyan tayo mag-cocommunicate.  Lahat ng instruction ko ay diyan mo makikita sa mga text ko.”

Binigyan niya ako ng homemade tear-gas mask at itinago niya ako sa ilalim ng aming hagdanan. Tinabunan niya ako ng mga damit. Napakatahimik ng sandaling iyon.  Walang kaluskos man lang akong naririnig.  Biglang isang pagsabog ang narinig ko, ang pintuan namin. 

Hindi pa rin nagtetext sa akin ang aking kuya.  Nanginginig na ako sa takot at pinagpapawisan ng todo.  Sa isip ko nung time na iyon ay iniwan na ako ng kuya ko.  Tila ang naririnig ko na lang ay ang mabilis na tibok ng puso ko sa sobrang nerbyos.

Gusto ko na ring lumabas ng bahay para tumakas.  Hindi ko na alam ang aking dapat gawin.  Ngunit naalala ko bilin ng kuya ko na siya lamang susundin ko kaso wala pa siyang instruction na anuman.

Narinig ko na ang mga yabag ng hired killers.  Sa mga siwang ng mga damit na nakatabon sa akin, nakikita ko mga laser pointer ng baril nila.  Ito na siguro ang katapusan ng daigdig para sa akin.



PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (6)

PART SIX (6)

Habang pinagmamasdan ko sa lamesa ang bulaklak ay natabig kong bigla ang kuwadro ng picture namin ni Kuya Kirk, ang aking kapatid na sumakabilang buhay na, kasama ng aming mga magulang na hanggang ngayon ay naninirahan sa abroad mula pa nang aming pagkabata.  Nalungkot ako nang makita yun.  Pinulot ko ang picture namin na lumabas mula sa basag na kuwadro at iniipit ko sa diary ni lolo Tacio para madala ko saan man ako magpunta.

Muli kong pinagmasdan ang bulaklak. Ang kulay ng tuyong bulaklak ay parang kalawang.  Lahat naman siguro ng natutuyong bulaklak ay ganun, minsan pa nga ay kulay itim na o kaya naman ay dark brown.
May mga tinik ang bulaklak kaya iyon ay isang rosas.  Imposible naman na iyon ay bulaklak ng kalamansi, dalanghita, cactus, bungabilya, guyabano, at iba pa.  Napakalinaw na bulaklak iyon ng rosas.

Marahil ay kulay pula ang rosas nang iyon ay sariwa pa.  Napakarami kasi akong nakitang pulang rosas na pananim sa tabing daan patungo duon sa aming probinsya.  Naaalala ninyo pa ba sa pinakasimula ng kuwento ko? 

Alam ko sasabihin ninyong mga nagbabasa ng sulat-pelikulang ito na kulay puti ang rosas.  Tama!  Syempre, obvious na nasa pamagat, ang hiwaga ng “puting” rosas.  Hindi kayo nagkakamali.

Muling ipinagpatuloy ko ang aking pagbabasa ng napakahiwagang diary ni lolo Tacio:

Sa ilang araw, buwan or marahil taon na pagkakakulong ko sa hukay ay nagdesisyon ang mga pinuno ng tribung iyon na ako ay bigyan na ng kalayaan.  Ngunit tumutol si Haring Turkido.  Ilang kabilugan ng buwan ang lumipas at hindi nangyari sa akin ang hinihintay nila.  Bagkus nanatili akong nakakulong sa may hukay habang tinitingnan nila sa kabilang kuwarto na may pagitan ng mga bakal, tanso at salamin.  Nakakarinig ako ng iyakan, hiyawan, digmaan, sigawan, atungal ng mga halimaw, at iba pa tuwing kabilugan ng buwan.

Sa aking pagbabasa ng kanyang kasaysayan parang lumalabas na hindi siya pinagkakatiwalaan ng mga tao at pinagbibintangan siyang hindi tao mismo.

Nakumpirma ang aking palagay nang mabasa ko pa ang mga sumunod na mga pahina.

Laking pasasalamat ko na isang araw ay pinalaya na rin ako ng mga pinuno ng tribu kahit pa tutol si Haring Turkido.  Pagkalabas ko ay isang pamilya ang aking nakilala at nag-aruga sa akin. Ako ay kanilang kinaawaan dahil sa kalunos lunos kong kalagayan. Sila ang nagpaliwanag sa akin kung ano ang tunay na nangyari sa tribu nila.  Iyon ay ang pamilyang Esteban.  Naging malapit sa akin ang labing-isang miyembro ng pamilya maliban kay Graniso na patuloy pa ring nagdududa sa aking pagkatao.

Napansin kong halos lahat ng tao ay gumagalang kay tatay Isko.  Tatay din ang tawag nila sa kanya.  Siya ang nagtuturo sa kanila sa tamang pamumuhay at hanap-buhay at tinutulungan niya ang mga taong naghihirap duon katulad ko.

‘Tacio, noon ay napakaraming tao dito sa aming tribu ngunit mahigit kalahati na ang nawawala at napupunta duon sa kabilang bundok ng kawalan.  Tuwing kabilugan ng buwan ay sabay-sabay silang umaatake dito sa aming tribu at nangunguha na panibago nilang biktima.  Nagiging katulad nila lahat ng taong kanilang dinadala sa bundok ng kawalan.’  Ito ang paliwanag sa akin ni Tatay Isko ang ama ng pamilyang Esteban.

‘Mga karaniwang tao sila sa umaga’t hapon ngunit pagdating ng alas-otso sa kabilugan ng buwan, lahat sila ay nagbabago, nagiging mga halimaw dahil inaalihan at sinasapian sila ng mga demonyo.  At muling bumabalik sa kanilang pagkatao sa pagbubukang-liwayway.’ Ang patuloy na pagpapaliwanag ni Tatay Isko.

Habang binabasa ko ang mga kuwento ni lolo Tacio, napakaraming tanong ang pumasok sa isip ko.  Hindi ko malubos maisip kung paano nagkaroon ng buwan sa loob ng yungib ng iyon.  Ang liwanag buhat sa itaas na ginagamit nila tuwing umaga at hapon ay malinaw na nagbubuhat lamang sa mga salamin na nakapaligid sa kanilang kagubatan.  Ngunit ang buwan, papaano nagkaroon ng buwan sila at alam din nila na nagkakaroon ng panahon ng kabilugan ng buwan.  

Bakit nagiging halimaw ang mga tao?  Anong meron dun sa bundok ng kawalan?  May solusyon ba at lunas sa mga nagiging biktima ng mga demonyo? Bakit hindi pa rin nakikita ni lolo Tacio si Roxenia?  Sino ba talaga si Roxenia?

Dalawa

Ipinaliwanag din ni Tatay Isko na ang pinakaunang kalagayan ng mga tribu ay tunay na napakaganda. 

Ang kagubatan ay isang napakalaking hardin.  Maliban sa nakakatakot na bundok ng kawalan. Napakagandang paraiso ang buhay duon noon ng mga taga-tribu. 

Nagbago lahat ito ng umakyat ang unang hari ng tribu na si Dagon sa bundok ng kawalan.  Siya ay nawala duon at hindi na nakabalik pa.  Mula noon ay nagsarili na at nagkanya kanya na ang mga tao sa tribu.

Dumami ng dumami ang mga tao.  Nagkagulo.  Kung anu-anong kasalanan ang mga ginawa.  Nagpapatayan.  Nagnanakawan.  Nagbubuntisan.  Nagtayo ng kanya kanyang paniniwala at relihiyon. 

Isang gabi, kabilugan ng buwan, umatake ang isang halimaw at kinuha ang isang pamilya.  Sunod na kabilugan ng buwan, umatake ang isang grupo ng mga halimaw at kumuha ng limangpung mga tao.   
Hanggang dumami ng dumami ang mga halimaw.

Sa aking pagkakaunawa sa diary ni lolo Tacio, naghihintay lahat ng mga taga-tribu ng isang tao na tatalo at uubos sa mga halimaw ngunit walang karapatdapat para sa ganung pakikidigma.  Lahat sila ay pinaghaharian ng takot.  Ang gatimpalang ibibigay daw sa taong makakagapi sa mga halimaw ay ipapaasawa sa pinakamagandang babae sa tribu.  Nang malaman ito ni lolo Tacio, hindi na siya nagdalawang-isip pa at siya ay nagsabi na kaya niyang lusobin ang bundok ng kawalan at patayin lahat ng halimaw duon.

Pinagtawanan siya ng mga taga-tribu ngunit nag-alala para sa kanya ang pamilyang Esteban sapagkat itinuring na siya nitong kapamilya.

Kinausap agad ako ng pamilyang Esteban: ‘Tacio, huwag mong gawin yan, ipapahamak mo lang ang sarili mo kung aakyat ka sa bundok ng kawalan.  Marami nang gumawa niyan ngunit lahat sila ay nabigo.  Lahat sila ay naging mga halimaw din.’ 

Nagulumihanan ako sa sinabi nila ngunit nanghihinayang naman ako sa pagkakataon na masilayan muli ang babaeng nagpatibok ng puso ko at kung magtagumpay ako ay siguradong mapapangasawa ko siya.

Hindi pa tapos magsalita si tatay Isko ay biglang sumagot si Graniso: ‘Hayaan nga ninyo yan si Tacio at gusto na yatang magpakamatay!  Bahala na siya sa buhay niyang patapon!’

Nainis ako sa pang-iinsulto na sinabi ni Graniso at hindi niya man lang ginalang ang pagsasalita ni Tatay Isko.  Nagpaalam muna ako kay tatay Isko at nagsabi na pag-iisipan ko mga sinabi niya sa akin sa isang kabundukan.  Nakita kong malungkot si tatay Isko habang ako’y nagpapaalam.  Siguro inaakala niyang pupunta na ako sa bundok ng kawalan.

Sa halip na pumunta ako sa kabundukan ay pumunta ako sa templo ni Haring Turkido upang kausapin patungkol sa gatimpalang ibibigay ng tribu sa pagpatay sa mga halimaw.  Sa totoo lang, gusto ko lang masigurado kung yung babaeng nakita kong napakaganda ang tinutukoy nilang babaeng pinakamaganda sa kanilang tribu.  Nagkamali ako.

Sumigaw si Haring Turkido nang makita ako: ‘Papano ka nakatakas sa kulungan mo?! Sino ang nagpalaya sa iyo?!!!  Mga alagad hulihin siya!!!’

Hindi ko na alam kung anong gagawin ko nang sigawan ako ni Haring Turkido upang ipahuli at ipakulong na naman.

Nilusob ako ng mga kawal ni Haring Turkido.  Pinagsisibat agad nila ako at ang iba naman ay pinapana ako.  Tinangka kong ilagan ang mga ito ngunit tinamaan ako sa may likuran bandang balikat.  Bumagsak ako.  Pinilit kong putulin ang pana na nakabaon sa likuran ko.  Napakasakit.

Tumayo muli ako at nakita kong may lambat silang dala upang hulihin ako.  Tumakbo ako papalayo ngunit pinana muli nila ako at tinamaan naman ang aking kaliwang hita.  Hindi ko na kaya pang tumakbo.  Hinihila ko ang aking kaliwang paa sa paglalakad.  Nagtatawanan ang mga kawal na papalapit sa akin.

Tinapunan nila ako ng napakalaki at nakabigat na lambat.  Bumagsak ulit ako.  Nagpupumiglas ako.  Nasa loob na ako ng lambat.  Hinila nila ito.  Dinala nila ako sa ilalim ng altar.  May hagdanan ito pababa.  Nakita kong maraming kalansay at bungo ng mga tao duon.

Natitiyak ko na pumapatay sila ng tao at inaalay sa kanilang diyos-diyosang baka at iyon ang gagawin nila sa akin.

Biglang dumating ang mga pinuno ng tribu at inutusan ang mga kawal na pakawalan ako.  Hindi sumunod ang mga kawal.  Natanaw ko si tatay Isko at kinakausap ang mga pinuno.  Dalawamput apat na mga matatanda ang ginagalang na mga pinuno o senado ng tribu.  Dumating si Haring Turkido.

‘Anong kaguluhan meron dito?!’ ang pagtatanong ni Turkido.

“Mahal na hari, inuutusan po kami ng mga pinuno ng tribu na pakawalan ang pusakal na ito.’ Ang sagot ng isang kawal.

‘Haring Turkido, napag-usapan na ng mga pinuno at nagkaisa kaming lahat na palayain na siya.’ Nakita ko na ang nagsasalita ay si tatay Isko.  Ginagalang pala siya ng mga pinuno duon.

 ‘Isko, Isko, noon ginagalang kita dahil hari ka pero ngayon ako na ang hari kaya igalang ninyo ang desisyon ko.  Hindi dalawa ang hari ng tribu natin.  Isa lang.’ ang sagot ni haring Turkido.

“Kailanman ay hindi pa nagkakamali sa pagdedesisyon si Isko,’ ang sagot naman ng isa sa mga pinuno ng tribu, ‘kahit hindi na siya hari ay tama pa rin naman mga desisyon niya.  Ikaw lang naman ang nagsasabing bagong hari ka ng tribu natin, ikaw ang nang-agaw ng pagiging hari, ngunit hindi kami naghalal sa iyo sa puwestong iyan.’

‘Isang tanong, isang sagot.  Sino ang susundin ninyo mga kawal?  Ako na hari ninyo o itong si Isko na umalis na sa kanyang pagiging hari ngunit naghahariharian pa rin?’  Ito ang mga katanungan na binitiwan ni haring Turkido sa mga kawal.  Lahat ng kawal ay nakatingin sa akin na tila nagpupuyos sa galit.  Kinuyom ng mga matatanda ang kanilang mga kamay at akmang lalabanan ang mga alagad ni haring Turkido na may mga sandata at kahit na masmarami sa kanila.

Ganun na lamang ang pagtataka ko.  Sa kanilang mga salita, napag-alaman kong dati palang hari duon si tatay Isko ngunit hindi niya kinaya ang kakaibang paniniwala duon ng mga lider ng templo na pinangungunahan ni Turkido, pinuno ng mga pagano, kaya nagkusang umalis si tatay Isko sa pagtira sa palasyo at templo bago pa mag-aklas at ipapatay siya. Sinamantala ni Turkido ang pagkakataon nang siya ang pumalit na “hari” ng tribu.  Ang mga alagad o tagasunod niya ang nagsilbing mga kawal ng kanyang kaharian.

Gantimpala

Isang alagad ni haring Turkido ang tumatakbong papalapit at sinabi na maraming tao ang naghihintay sa labas kay tatay Isko.  Nagkakagulo silang lahat sa labas ng templo.  Siguro nalaman nilang may pag-aaway na namang nagaganap sa pagitan ni haring Turkido at tatay Isko.  Nandun din daw ang mga kawal ng mga pinuno ng tribu sa may labas at gustong pumasok sa loob ng templo.

‘Sige, huwag na tayong mag-away dito.’ Nagbago bigla ang desisyon ni haring Turkido, ‘Ano ba pakay mo at pumunta ka dito sa templo?’ ang pagtatanong niya sa akin.

Sumagot ako: ‘Nais ko pong tumulong sa tribu.  Gusto kong patayin lahat ng halimaw sa bundok ng kawalan.’

Nang tingnan ko si tatay Isko ay umiiling ito.  Nagpapakita na tutol siya sa mga sinabi ko.

Napangiti naman si haring Turkido: ‘Magaling kung ganun.  Ipapakita na namin sa iyo ngayon palang ang iyong magiging gantimpala sakaling magtagumpay ka.’

Napuno ng kagalakan ang puso ko nang mabanggit ang gantimpala.  Sabik na sabik kong tinatanaw kung nasaan ang gantimpala ang sinasabi nilang pinakamagandang babae sa tribu.’

‘Mga alagad, ilabas ang princesa!!!’ Pautos na sigaw ni haring Turkido.

Lalong natuwa ako ng marinig ko na ang ilalabas na gantimpala ay ang princesa.  Mabilis na naglaro ang aking isip mula sa paglalambingan hanggang sa kasalan ay naimagine ko lahat iyon sa isang iglap lamang.

Ngunit nang makita ko ang princesa, sa isang kisap-mata lang, parang bula at parang hamog, naglaho agad mga pangarap ko sa buhay.

Tila nawalan ng saysay ang aking buhay sa pagkakataong iyon.  Nawala na din ako ng layuning mabuhay pa na kasama ang mga tao sa tribung iyon.

Sapagkat isang kalbo, walang kilay, at ubod ng taba ang princesa pala ng tribung iyon.  Nalito agad ako kung babae ba talaga o baka lalaki talaga iyon.  Wala ng pagkakaiba.  Wala ng saysay pang pagdebatehan ito. Siya ang gantimpala na sinasabing pinakamagandang babae sa tribung iyon.  Iba pala ang pananaw nila sa magandang babae. 

Habang papalapit ng papalapit siya sa akin ay papaatras ng papaatras naman ako.  Hanggang sa inihinto ako ng mga kawal sa pag-atras ko.  Lalong lumapit sa akin ang princesa at nang halos magdidikit na ang aming mga mukha ay ngumiti siya. 

Nakita kong wala siyang mga ngipin at sumulasok agad sa mga butas ng aking ilong ang malansang amoy.  Halos himatayin ako sa sobrang baho.  Umikot ikot ang aking mga mata.  Nahilo talaga ako sa nasaksihan kong hubad na katotohanan. 

Naibulong ko tuloy sa aking sarili ang mga katagang: ‘Sana panaginip lang ito.  Sana may gumising sa akin sa mahimbing kong pagkakatulog.  Sana may kumagat sa aking mga lamok para maalimpungatan ako sa bangungot na ito.’  Ngunit kahit ipikit pikit ko ang aking mga mata ay walang pagbabago.  Nandun silang lahat na naghihintay ng aking reaksyon at kasagutan habang nasa harapan ko ang princesang gantimpala.”



PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>

Wednesday, February 15, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (5)

PART FIVE (5)

Salamin

Habang pumapatak ang napakalakas na ulan ay napayuko ako at nakita ko ang aking mukha sa reflection ng tubig na nasa ibaba na sa bawat patak ng ulan ay salitang nasisira, nabubuo muli at nawawala.  Pumapatak din dun ang aking mga luha.

Naaninag ko na may papalapit sa akin kahit nakayuko ako.  May dalang payong na itim.  Pinayungan ako.  Nang aking tingnan, nakita ko ang isang dalaga, hindi ko siya kilala.

Tumayo ako sa aking pagkahiya.

"Miss, maraming salamat..." Tinitingnan ko siya ng may pagtataka.

"Hindi mo ba ako natatandaan?" tanong niya sa akin.

"Sorry hindi ko maalala. Isa ka ba sa mga classmates ko?" ang daglian kong sagot.

Napatawa siya.

"Ano ka ba Lito, si Shirley ako, friend mo ako nung high school."

"Friend ko nung high school?"

Marahil kaya hindi ko siya makilala dahil siya ay dalaga na ngunit bakit naman niya ako kilala?

Siguro hindi ko gaanong mapagmasdan ang kanyang mukha dulot ng mga luhang pumapatak sa aking mga mata.

"Sinusundan ko lahat Lito ang mga online accounts mo katulad ng facebook, blog at twitter kaya alam ko mga updates patungkol sa iyo."

Kumuha ako ng panyo at ipinahid ko sa aking mga mata.  Pinagmasdan ko siyang mabuti.  Hindi ko pa rin siya maalala at makilala.

Ngunit nang makita ko ang peklat na nakaukit sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha dulot ng sunog ay biglang bumalik sa aking ala-ala ang nangyari sa akin nung high school.

Sa isang birthday party ng aming ka-batch ay pumunta kami.  Kapatid si Shirley ng birthday celebrant.  Dahil sa mga palaro at katuwaan ay hindi namalayan ng lahat na nasusunog na pala ang kusina malapit sa lutuan.

Ako naman ay nakaupo sa may sala kaya nang makita namin na umuusok ng malakas na hindi karaniwan ay may sumilip ng kusina at sumigaw na may nasusunog.

Nagsitakbuhan ang lahat ngunit yung birthday celebrant pala ay nasa may comfort room at nasuffocate na kaya hindi nakalabas.  Halos buong bahay na ang nasusunog nang maalala ng isang babae na nanduon sa loob ng CR yung birthday celebrant.

Walang maglakas loob na bumalik sa bahay patungong kusina sa may CR.

Si Shirley ang pumasok at tumakbo ng napakabilis. Ngunit ilang minuto na nakakalipas ay hindi rin siya nakalabas.

Kaya napilitan na akong pasukin ang bahay.  Humingi ako ng kumot sa kapit-bahay, binasa ko ito ng husto ng tubig at itinalukbong sa aking buong katawan mula ulo.  Pumasok ako sa nasusunog na bahay.

Nakita ko ang dalawa parehas nakabulagta sa loob ng CR. Binuksan ko ang shower upang mabasa sila parehas at magkamalay.  Natauhan sila at kasamang kong lumabas na nakatalukbong ng basang kumot.

Pagkatapos ng trahedyang iyon ay naging magkaibigan kami ni Shirley.  May peklat siya sa mukha dulot ng bumagsak na nasusunog na kahoy.

Pagkatapos namin ng high school ay hindi ko na rin siya nakita at wala na akong impormasyon na nalaman patungkol sa kanya maliban sa kasalukuyang pagkakataon na dalaga na siya at pinapayungan niya ako.

"Lahat ng kabutihan na ginawa natin ay may kabutihan ding kapalit at gantimpala." Narinig kong muli na nagsasalita si Shirley.

"Noon tinulungan mo akong iligtas sa apoy, ngayon naman tutulungan kitang maligtas sa tubig, sa baha." Pabiro niyang sambit na nakangiti habang nakatingin sa akin.

"Pasensya ka na sa akin Shirley at hindi agad kita nakilala."

"Wala yun.  Bakit nagpapaulan ka Lito at parang napakalungkot mo ngayon? Ano nangyari sa iyo?"

"Okey lang ako.  Halika sama ka na muna sa hauz ko para makapagkape tayo at makapagkuwentuhan."  Niyaya ko si Shirley.

Binigyan ko siya ng pampalit na damit dahil nabasa siya ng ulan.  Umakyat ako sa aking kuwarto at nagpalit muna ng tuyong kasuotan.

Matagal kaming nagkuwentuhan ni Shirley habang umiinom ng kapeng bigas.  Pagkatigil ng ulan ay nagpaalam na rin siya at ibinigay niya sa akin ang cellphone number niya.

"Kung may problema ka, kahit ano pa yan, tawagan mo lang ako, tutulungan kita sa maaabot ng aking makakaya."  Ito ang mga huling salita na binitiwan niya bago siya tuluyang lumisan.

Bukang-liwayway

Nakatulog ako ng maaga at mahimbing ng gabing iyon.  Na-realize ko na may nagawa rin pala akong mabuti kahit paano nung high school pa ako.

Napag-isipan kong huwag ituon ang aking isip at puso sa mga problema at alalahanin ng buhay bagkus ibaling ko ang aking sarili sa pagpapasalamat sa mga kabutihan na aking natatanggap at tinatamasa.

Sa dulo ng dilim ay palaging may liwanag.

Anumang problema ang ating hinaharap, anumang trahedya ang ating naranasan, anumang dagok ng buhay ang ating pinagdadaanan, atin din itong malalampasan kung meron lamang tayong pananalig sa Diyos na makapangyarihan sa lahat.

Nagising ako ng madaling-araw at muling kinuha ko ang diary ni lolo Tacio upang basahin.

Tiningnan ko ang pinakahuling pahina kung ano ang katapusang mga pananalita sa diary.

"Isinulat ko ang aklat na ito upang maging gabay ko muli sa pagbabalik sa yungib.  Kung hindi ako palarin sa pansamantalang buhay kong taglay, hahanap ako ng nararapat na papalit sa akin upang matapos ang nabigo kong misyon na baguhin ang kabilang mundo."

Napakalalim ng mga katagang iniwan ni lolo Tacio.

Ibig sabihin lang nito na ako talaga ang dapat magpatuloy ng kanyang napasimulan.  Nagulat sa pinakahuling linya na nakasulat sa ibabang bahagi ng balot ng kanyang diary.

"Ang napakahalagang bahagi ng aklat na ito ay ang tuyong rosas."

Hinanap ko agad ang tuyong bulaklak na aking nakitang nakaipit sa may gitnang bahagi nito.

Maingat kong inilapag sa aking lamesa.  Itinapat ko sa reading lamp ko.  Wala akong nakitang kakaiba sa rosas na iyon.  Natuyo lang dahil sa pagkakaipit sa diary.  Iyon ang aking sapantaha.

Naging isang palaisipan para sa akin ang sinabi niyang "pinakamahalaga."  Ano ba meron sa tuyong bulaklak na iyon?  Nakakapagtaka talaga.

>>> PART SIX (6)

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>

Monday, February 13, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (4)

PART FOUR (4)

Digmaan

Habang binabasa ko ang pambihirang diary ni lolo Tacio, napag-alaman ko na siya ay kasing edad ko noon nang siya ay makapasok sa yungib ng kamatayan at sa daigdig ng kababalaghan.  Dalawampu’t isa ang edad ni lolo Tacio kaya sa panahon na yun siya ay napakatalino at napakaliksi.

Ipinagpatuloy kong basahin ang diary:

Nang ako ay mahuli ng mga kawal ng tribung yun, ginapos agad nila ang aking mga kamay sa aking likuran, nilagyan din nila ng kadena ang palibot ng aking katawan at kinaladkad.
Sa pagkakataong iyun ay tila hindi nila ako itinuring na tao.  Napakalupit pala ng tribung iyon.   

Habang hinihila nila ako papasok sa kanilang tribu ay naglabasan ang mga tao.  Binabato ako ng ilang mga tao. May mga pumapalo ng kahoy sa aking likuran.  Napakasakit ng mga sugat sa aking katawan.

Laking gulat ko nang marinig ko ang kanilang mga salita.

‘Dalhin yang nilalang na yan sa kulungan!!!’

Tagalog ang kanilang salita.  Pinoy din pala sila ngunit bakit nila ako ginaganito?  Bakit?
Galit at poot ang nasa aking puso dahil sa ginawa nila sa akin.  Gusto kong tumakas ngunit wala akong magawa.  Muli ay nakita ko na naman ang babae na sa tingin ko ay pinakamaganda sa buong mundo.  Sumusunod siya na nakatingin sa akin.  Ngumiti ako sa kanya sa kabila ng hirap na aking dinaranas. Ngumiti din siya. 

Nawalang bigla ang sakit ng aking katawan nang makita ko ang tamis ng kanyang mga ngiti.  Bumalik lahat sa aking gunita ang lahat ng mga magagandang pangyayari sa aking buhay, mga pagpapala na ibinigay ng Diyos, mga bagay na dapat kong ipagpasalamat noon pa ngunit binabalewala ko lamang.

Saglit lang iyon at inalis na ang mga tali at kadena sa aking katawan. Iinihagis na ako pababa sa isang hukay na napapaligiran ng bakal at tanso kaya naputol na ang aming pagtitinginan.

Naks naman sa love stoy ni lolo Tacio, napatawa tuloy ako sa diary niya, para kasing pelikula.  Napanood ko na yata ito, hindi ko lang maalala.  Ito na yata yung sinasabi nilang “love at first sight.”  Totoo ba ito o hindi?  Sinubukan kong laktawan ang apatnapung (40) mga pahina at nagulat ako sa aking nabasa:

Sinimulan na naming magsigawan: ‘alas siyete na!!!’ 

Hinampas muli ang mga bakal na tubo na nakaikot sa mga bahay.  Napakaingay. 

Ang mga lalaki ay nagsisitakbo na sumisigaw:  ‘Magsitago na kayong lahat!!!  Padating na ang mga halimaw at mga demonyo!!!’ 

Inisa isa naming tingnan ang bawat tahanan kung lahat na ay nakapagtago.  Pagkatapos ng aming pag-ikot lahat kami ay kanya-kanyang nagsitago sa ilalim ng lupa ng bawat bahay, sa aming underground room. 

Lahat kami ay may mga sandata sa underground kahit na ang mga bata ay may mga sandata din.  Ang mga kababaihan at mga bata ay nagsisiiyakan sa takot.

Sumigaw si Haring Turkido: ‘Dapat bago sumapit ang alas otso ay wala ng ingay na maririnig mula sa inyo kung ayaw ninyong maubos ng mga halimaw ang lahi ng mga tao!!!’

Unti-unting tumahimik ang kapaligiran.

Nakikiramdam kaming lahat sa maaaring mangyari na hindi man lang pumasok sa aming guni-guni at imahinasyon.

Sabay-sabay naming tiningnan ang mga orasan.  Hinawakan naming mabuti ang aming mga sandata.

Alas otso na.   Oras na ng nakakapanghilakbot na digmaan ng kabutihan laban sa kasamaan.

Ooops!!! Bakit ganun? Naitanong ko sa aking sarili.  Digmaan na ito.  Nakakatakot at nakakapanindig-balahibo na pangyayari.  Babalikan ko muna yung love story ni lolo Tacio.   

Lumipas ang mga araw na nasa ilalim lang ako ng hukay, binibigyan naman nila ako ng pagkain at inumin.  Pinagmamasdan. Ang ilang tao ay pinipilit akong kausapin.  Hindi ko sila kinakausap sapagkat puro pang-iinsulto ang naririnig ko sa kanilang lahat.  Ako daw ay isang halimaw ayon sa kanilang kuro-kuro.  Kailangan daw makita nila ako kung paano magbago sa kabilugan ng buwan.”

Mga sampung pahina pa ang binasa ko ngunit walang love story na nanduon.  Pawang mga pag-obserba at pagkilala kay lolo Tacio ang nabasa ko. 

Unti-unting natutunan ni lolo Tacio kaugalian ng mga tribu ngunit hindi pa rin sa kanya nagpapakita yung babaeng gusto niya.  Patay na siguro o marahil marami lang ginagawa.  Busy.  Pero ano naman kaya puwedeng pagkaabalahan sa lugar na iyon?  Walang computer, iPhone, Internet, TV, resort, transportation, PSP, mall, at iba pa. 

Nakilala na rin ni lolo Tacio ang namiminuno sa tribung iyon, si Haring Turkido.  May simbahan ang tribu na may isang napakalaking rebulto ng Baka sa gitna ng altar.  Duon madalas dinadala si lolo Tacio ng mga kawal.

Nagpahinga na muna ako sa aking pagbabasa.

Pag-ibig

Ipinagpatuloy ko ang aking iniimbentong solar flasher.  Walang baterya.  Ang energy na ginagamit ay mula lamang sa sikat ng araw.  3-in-1: flashlight, lighter at torch.  May pagkakatulad ang aking ginagawa sa homemade flame thrower pero mas handy at pocket size lang.  Napakalakas na liwanag at apoy ang dapat na lumabas sa aking imbensyon.  Naniniwala ako na magagamit ko ito sa aking pagpasok sa yungib bilang sandata.

Ilang araw pa ang lumipas.  Naubos na ang laman ng aking refrigerator.  Lumabas ako upang mamili ulit ng aking makakain para sa mga susunod na araw.

“Lito, Lito!”

May narinig akong tumatawag sa akin.  Nang aking tingnan, nakita ko si Mitch.

“How are you now Lito?  Malapit na Valentines..”  Lumapit siya sa akin at niyakap ako.

“Miss na kita..” ang bulong niya sa akin.

Hindi ako sumagot.  Niyaya ko siyang maglakad.  Huminto at umupo kami sa isang park.
Nagsimula akong magsalita.

“Alam mo Mitch nang iwan mo ako noon, napakasakit para sa akin, kasi akala mo sa lahat ng aking ginagawa ay wala kang bahagi.  Sa totoo lang, ikaw ang palaging nasa puso at isip ko. 

Sa katunayan hanggang ngayon ay nakatago pa ang isa kong imbensyon na Electronic Valentine Card na pinaghirapan ko ng ilang buwan. Halos walang kain at tulog ang ginawa ko matapos lamang iyon.

Sorpresa ko yun pra sa iyo. 

Eksaktong February 14 ay ibibigay ko yun sa iyo, nasa bag ko na dala-dala, nakangiti akong lumapit sa iyo sa ating tagpuan sa tabi ng park ngunit sinalubong mo ako ng sampal at sinabi ang mga salitang: ‘May bago na akong bf.’ 

Gusto ko sanang magsalita nung time na iyon kaso tinalikuran mo na ako at bigla kang umangkas sa motor ng bago mong bf. Hindi  mo na ako kinontak kailanman.”  Halos napapaluha kong sinabi ang mga katagang iyon sa kanya.

Nakatingin lamang siya sa akin.  Pumatak ang mga luha sa kanyang mga mata.

“Text ako ng text sa iyo Mitch pero hindi ka nagrereply.  Tinatawagan kita ngunit akala ko naka-off lang cellphone mo, yun pala nagpalit ka na ng sim sabi sa akin ng bestfriend mo na si Kim.  Pinuntahan kita sa hauz ninyo ngunit palagi kang wala.  Iniwasan mo talaga ako at tuluyang nilayuan.”

Niyakap ako ni Mitch ng mahigpit at umiiyak niyang sinabi ang “sorry.”

Sinabi niya sa akin na niloko lang siya ng kanyang bf, binuntis at iniwan.  May anak na pala siya.

Sa halip na awa ang maramdaman ko sa aking sarili, sa kanya ako naawa sapagkat nakikita ko ang paghihirap sa kanyang mukha na dinanas niya niya sa kanyang bf.

“Ano na pala pinagkakaabalahan mo ngayon Mitch?  Nasaan yung anak mo?” Ang pag-uusisa ko sa kanya.

“Kagagaling ko palang sa Canada, caregiver ako dun, nasa family ko ang anak ko, ok naman siya dun. 
Nandito ako para ibigay ko sa iyo ang aking pasalubong kasi nabalitaan ko na hanggang ngayon ay wala ka pa ring gf.”  Marahan na tugon sa akin ni Mitch.

Ibinigay niya sa akin ay isang relos, isinuot sa aking kaliwang kamay, humalik siya sa aking pisngi at nagpaalam.

“Para talaga iyan sa iyo upang sa tuwing aalamin mo ang oras, maaalala mo ako, tama na iyon sa akin, masaya na ako na maalala mo ako Lito. 

Don’t worry, wala ng love na nasa puso ko para sa iyo, hindi ako makikipagbalikan sa iyo.  Kuntento na ako sa buhay ko ngayon.  Malaya kang makakapaghanap ng bago mong gf, syempre yung mamahalin mo ng tunay at wagas. Maraming salamat sa lahat.  Goodbye..”

Natigilan ako, natulalang pansamantala, nanatiling nakaupo ako habang siya ay papalayo hanggang hindi ko na siya matanaw.  Nawala na siya sa aking paningin.

Napakabilis ng mga pangyayari.  Dumilim ang kalangitan dulot ng makakapal na mga ulap. Biglang pumatak ang napakalakas na ulan.  Pumatak rin ang aking mga luha.

“Mag-iingat ka Mitch palagi, mahal na mahal pa rin kita..” ang nasambit ko sa aking sarili.

>>> PART FIVE (5)

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>

Sunday, February 5, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (3)

PART THREE (3)

Ang Huling Hininga

Nagkagulo ang mga tao dahil sa sigaw ni Bruno.  Lahat sila ay kumuha ng mga ilaw at sulo upang hanapin ang taong kumuha ng itim na baul ni lolo Tacio.  Ako yun, walang iba.  

Habang palabas ang mga tao sa may bahay na may mga dalang itak at ilaw, apat na bagay ang pumasok sa aking isip kung ano ang dapat kong gawin:
a. Manatili ako sa aking kinaroroonan, ang magtago sa may sagingan.
b. Kumuha ng sulo at itak, sumama sa mga tao, magkunyaring naghahanap din.
c. Iwanan ang baul sa may sagingan at tumakbo ng napakatulin para hindi nila ako maabutan.
d. Sumuko sa mga tao at isauli ang baul.

Sa apat na pamimilian ay wala akong napili.  Mabuti na lamang at maraming pulang langgam sa aking pinagtataguan, pinagkakagat ang aking mga paa, kaya isang ideya ang pumasok sa aking isipan: ang piliting tumakbo ng buong lakas hangga’t makakaya ko na dala-dala ang baul ni lolo Tacio.

Tumayo ako ng maingat kahit nangangati na ang aking mga paa.  Binuhat ko ang baul at unti-unti akong tumakbo.  May nakakita sa aking paglisan dahil kabilugan nyun ng buwan.

“Ayun may taong tumatakbo!  Habulin natin siya.  Ipahabol din natin siya sa aso, dali, pakawalan mo na yung aso.”

Narinig ko ang mga sigaw ng mga tao.

Hindi ako lumingon.  Lalo kong binilisan ang aking pagtakbo kahit nahihirapan ako dahil sa dala-dala kong baul.

Naramdaman ko din na maabutan na ako ng aso.  Humihingal ito at tumatahol habang hinahabol ako.  Nang tingnan ko ay pinipilit nitong abutin ang aking binti upang kagatin.  Binilisan ko pa ang pagtakbo. 

Dumating sa punto na hindi ko na kaya pang tumakbo kaya naibagsak ko ang baul at nabagsakan ang aso.  Nasaktan ito at tumakbo papalayo. 

Nawasak ang baul, natanggal ang kadena, at nakita ko na ang laman ng baul ay isang tela na may nababalutang tila libro.  Tumakbo ulit ako kahit hindi ko na kaya.  Inilagay ko ang nababalot na libro sa aking likuran.  Ilang kilometro pa ang aking natakbo.

Ngunit sinagian ako ng labis na takot nang makita ko na makakasalubong ko ang mga taong may dalang ilawan at sulo.  Alam kong hindi ako nagkamali ng aking tinatahak.  Nagtaka ako ng husto bakit nagkaganun.   
Napakabilis ng mga pangyayari.  Nanghina ako sa mga pagkakataong iyon.  At ako’y hinimatay.

Nagkamalay ako sa aking pagkakahiga.

“Lito, lito, ano nangyari sa iyo?  Kanina ka pa namin hinahanap.”  Sila pala ay aking mga kamag-anak. 

Bumangon ako at natanaw ko na papalapit na ang mga taong humahabol sa akin.

Niyaya ko na silang lahat ay umuwi upang hindi na nila ito makita pa.

“Uwi na po tayong lahat, ok lang ako, duon ko na lang po sa bahay ipapaliwanag.”

Sabay-sabay naming nilisan ang lugar na iyon.  Pagdating ng aming bahay at tinadtad ako ng sari-saring mga katanungan.

Sa pagkakataong iyon ay ayaw ko ng magsinungaling at magkasala pa.  Magiging matapat na ako sa kanila at sasabihin ko na ang totoo kahit na pagalitan pa nila ako.

“Galing po ako sa bahay ni lolo Tacio.  Akala ko po kasi ay buhay pa siya, yun pala ay kamamatay niya palang.”

“Ano!?  Pumunta ka sa matandang baliw na iyon?” Pagalit na sigaw ng aking lolo.

“Di ba kabilinbilinan namin sa iyo na huwag kang pupunta dun?” Sambit naman ng aking mga pinsan.

“Sorry po, hindi ko na po uulitin.”

“Hindi mo na talaga mauulit yan dahil bukas na bukas rin ay uuwi ka na sa Maynila!”  Sigaw ng aking lolo.

Biglang gumuho ang aking mga pangarap ng marinig ko ang mga katagang iyon.

Dun ko napagtanto na hindi ko na mapapasok pa ang yungib ng kamatayan. 

Nang gabing iyon ay palihim kong binuksan ang tela at nakita ko na binabalutan nito ay isang notebook.  Nang aking buksan ang mga pahina, ito ay napakaluma na, diary pala ito ni lolo Tacio.  May nakaipit na tuyong bulaklak sa may kalagitnaan ng diary.  Hindi ko ito pinansin.  Itinago ko ang diary sa aking bag.

Ang Nakalipas at ang Hinaharap

Kinaumagahan ay pinauwi na rin ako kasama ng aking tiyahin.  Umiyak ang ilan kong mga pinsan habang nagpapaalam ako.  Napakalungkot ng mga sandaling iyon.  Pagdating ko sa bahay ay itinago ko sa aking cabinet ang diary ni lolo Tacio.

Madaling lumipas ang mga panahon at nakalimutan ko na ang nangyari sa akin sa probinsya ganun din ang diary ni lolo Tacio.

Nakapagtapos ako ng elementarya at high school.  Consistent valedictorian.

Ang kinuha ko namang kurso sa kolehiyo ay computer engineering.  Nakilala ko si Mitch at siya ay aking naging kasintahan.  Napakarami rin ang aking naging kaibigan. 

Madalas nauubos ang aking mga oras sa pag-gamit ng aking mga gadget, iphone, ipad, internet tv, satellite watch, hologram laptop, virtual reality eyeglass, at iba pa.

Mahilig akong mag-imbento ng mga bagay-bagay sa mga panahong iyon.  Ang ilan ay patented samantalang ang iba kong imbensyon ay ipinagagamit ko para sa aming bayan.  Nagpatuloy rin ako sa pananaliksik sa agham, pilosopiya at relihiyon. 

Dahil sa aking kaabalahan sa mga bagay na ito ay naging madalas ang hindi namin pagkakaunawaan ni Mitch hanggang mauwi ito sa hiwalayan bago pa matapos ang aming kolehiyo.

Nang ako ay makatapos ng kolehiyo, naisipan kong mag-apply ng trabaho para sa ibang bansa.  Inihahanda ko na ang aking mga papeles ganun din ang aking mga kagamitan sa bahay. 

Sa aking pag-aayos ng aking mga gamit, nakita ko muli sa ilalim ng cabinet ang diary ni lolo Tacio.  Hindi ko alam na dito magbabago ang aking buhay.  Napansin kong may pigtas ng dalawang pahina sa pinakaunahan nito.  Tila sinadyang pinunit ang mga ito sapagkat may mga ilang labi pang natira.  Hinanap ko kung ito ay nalaglag lang sa cabinet ngunit wala akong nakita.  At nakita kong muli ang tuyong bulaklak na nakaipit sa gitnang bahagi ng diary ni lolo Tacio.

Sinimulan kong buksan at basahin ang ikatlong pahina.

Sa aking paglilibot sa kagubatang iyon ay napansin kong kakaiba ang mga halaman at ganun din ang mga insekto na naroon.  Ilang gabi din akong hindi makatulog dahil sa madalas na paghiyaw at pag-atungal na sa una kong palagay ay pawang mga dambuhalang hayup lamang ngunit nagkakamali pala ako.

Ito ay ikatlong pahina na, ibig sabihin si lolo Tacio ay nakapasok na loob ng yungib at may kagubatan pala dun, kamangha-mangha.

Ngunit maraming katanungan ang pumasok sa aking isipan bago ko ipinagpatuloy ang pagbabasa ng diary.
  1. Papaano siya nakapasok dun at nakalabas ng buhay sa yungib ng kamatayan?
  2. Anu-ano ang kanyang mga dinala na pagkain at sandata?
  3. Ano ang nangyari sa kanya duon sa loob ng anim na taon?
  4. Bakit paglabas niya sa yungib na yaon ay may diary siya na may nakaipit na tuyong bulaklak?
  5. Bakit niya ibinalot ito sa tela at itinago ang mga ito sa isang itim na baul na nakakadena?
  6. Ano ang tunay dahilan at tinawag siyang baliw ng kanyang mga kamag-anak at kapamilya?
Napakaraming katanungan ngunit isang tanong ang umuulit ulit sa aking isipan:  Kaya ko bang gawin ang nagawa ni lolo Tacio?

Alam kong lahat ng aking mga katanungan ay may kasagutan kung babasahin ko lamang ang diary ni lolo Tacio at patuloy akong magsasaliksik.

Nang babasahin ko na muli ang diary ay biglang may kumatok sa aking pintuan ng napakalakas.

Nagmamadali kong itinago muli ang diary at ako ay bumaba mula sa ikalawang palapag upang buksan ang pinto.

Laking gulat ko ng buksan ko ang pinto sapagkat apat na mga lalaking hindi ko naman mga kilala ang aking nakita ng may mga dala dalang mga bagahe at isang baul.

“Ikaw ba si Lito?” ang biglang tanong nila sa akin.

Hindi pa man lang ako nakakasagot ay nagpakilala na ang isa sa kanila.

“Ako nga pala si Bruno.” Nakangiting salita ng isa na inaabot ang kanyang kamay.

Hawak ko ang pinto habang sila ay nasa labas nang ako ay makipag-usap. Napagtanto ko na sila ang mga apo ni lolo Tacio.  Tila pakiramdam ko ay mayroong masamang mangyayari sa mga pagkakataong iyon.  Kaya inihanda ko na ang aking sarili sa anumang maling hakbang na gagawin nila.

“Ako nga si Lito at kayo siguro ang mga apo ni lolo Tacio.   Bakit? May kailangan ba kayo sa akin?” 

Lahat sila ay nakatitig sa akin.

Ang Pagbabalik

Napagwari ko na ako ang pinagbibintangan nila na kumuha ng baul ilang taon na ang nakalipas.  Ngunit bakit kaya ngayon lang sila pumunta dito kung ako ang iniisip nilang kumuha ng baul?

“Nandito kami upang humingi ng sorry dun sa ginawa namin sa iyo nung tayo ay mga bata pa kasi bago mamatay si lolo ay may naiwan siyang sulat.  Napakaraming magagandang sinabi siya patungkol sa iyo.  Nung nakaraang buwan lang namin nakuha at nabasa.  Nakatago sa mga naiwan niyang mga kagamitan. Ikaw ang pinili niyang pamanahan ng dalawa niya baul niya.  Ang problema yung isang baul ay nawawala.  Isa lang ang maibibigay namin sa iyo.”  Paliwanag ni Bruno.

“Maraming salamat” ang biglang tugon ko.

Pinatuloy ko sila sa bahay at pinaupo.  Kinuhaan ko din sila ng iced tea mula sa aking refrigerator.

“Huwag ka ng mag-abala.  Ito lang sadya namin kasi nakukusensya kami na pinagbintangan namin siyang baliw ngunit malinaw sa mga ilan niyang sulat na naiwan na hindi pala siya baliw.  Ikaw ang dahilan kung bakit muling nagsulat siya bago siya mamatay.” Ang paliwanag naman ni Goryo.

“May ibibigay nga pala ako sa iyo na dalawang pahina ng pinunit ko noon sa notebook ni lolo kaya ako napalo at napagalitan niya noong kami’y mga bata pa.  Nagsinungaling kasi ako noon nang biglang paluin ako ni lolo.  Sabi ko sa aking mga magulang wala naman akong ginagawang masama kaya sabi nila baliw na si lolo dahil sa walang dahilan na galit at pagpalo sa akin.”  Ang marahan na pananalita ni Bruno.

“Para talaga ito sa iyo kasi ang notebook na pinanggalingan nito ay nasa isang baul na ipinamamana sa iyo ni lolo.”

“Aalis na rin kami.  Hindi na namin ikaw tatanungin kung nasa iyo o wala ang itim na baul ni lolo.  Hindi namin alam at wala na rin kaming pakialam pa duon.  Kalimutan na natin ang ating mga nakaraan.  Ang mahalaga humingi na kami ng tawad sa aming mga kasalanan.  Maraming salamat Lito.”

Nais ko sana silang pigilan upang sabihin sa kanila na nasa akin ang baul ngunit tila nagmamadali sila sa pag-alis at hindi na nila nainom at nakain pa ang aking inihanda para sa kanila.

Lalong dumami ang aking mga katanungan ng mga sandalling iyon ngunit nabawasan bigla ito nang basahin ko ang dalawang pahina na ibinigay sa akin ni Bruno.

Nakakapanggilalas, nakakagulat, nakakamangha, hindi masayod ng isipan… hindi ko na kaya pang sabihin ang aking nadarama nang mabasa ko ang dalawang punit na mga pahinang iyon.

Sa mga pahinang iyon isinaad ni lolo Tacio ang lihim na lagusan at daanan ng yungib kung saan puwedeng balikan muli ito.  Sinadya ni lolo Tacio na gumawa ng diary para sa pagbabalik sa yungib na iyon. 

Eksaktong mga sukat ang nakasulat dito at may mga ilustrasyon pa.  Sa ilalim ng tinatawag na pulang ilog ang sikretong lagusan ng yungib sa batong krus na daan.

Detalyado din ang nakasulat kung ano ang dapat ihanda at dalhin sa pagpasok sa yungib.

Sa pinakasimula ng unang pahina ay nakasulat ang mga katagang ito…

Babalikan kita Roxenia ang nag-iisang babae na minahal ng puso ko ng wagas na pag-ibig...  Ito ay para sa iyo.  Mananariwa muli ang puting rosas na minsan ay nagsilbing liwanag sa ating kaharian.

Hindi na ako nagdalawang isip pa.  Tatapusin kong basahin ang diary ni lolo Tacio sa buong isang linggong ito at ako ay magdedesisyon kung ito ay isang katotohanan o isang kabaliwan lamang.

Ipinagpatuloy kong basahin ang ikatlong pahina.

Sa aking paglalakbay sa kagubatan ay napansin kong napapalibutan ito ng mga salamin.  May ilang daanan ng liwanag na nanggagaling sa may itaas at ikinakalat ito ng mga nakaikot ng mga salamin sa buong kagubatan.

Anim na kabundukan ang aking nilakbay at sa wakas ay nakakita ako ng grupo ng mga tao.  Tila isang tribu ang kanilang mga pananamit.  Sila ay mga nakabahag lamang. Nagtaka ako sapagkat wala silang mga sandata.  Naisipan kong mababait lahat ng mga tao duon. 

Isang babaeng ubod ng ganda ang aking natanaw.  Siguro siya ang princesa ng tribu dahil sa kanyang kagandahan kahit na karaniwan lang ang kanyang pananamit.

Tinatanaw ko siya mula sa isang kabundukan, nakadapa ako para hindi nila ako makita, ngunit may naramdaman akong tumatadyak sa aking likuran.  Nang lumingon ako ay napapalibutan na pala ako ng ilang mga taga-tribu na siyang may mga dalang pana, sibat at iba pang mga sandata.

>>> PART FOUR (4)

PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>

Wednesday, February 1, 2012

Ang Hiwaga ng Puting Rosas (2)

PART TWO (2)

Ang Bahay-kubo

Kinaumagahan habang kaming magpipinsan ay nasa sakahan at doon ay naghihintay ng ibong titiradurin, napansin ng pinsan ko na ako’y tulala at tila may inisip.

“Lito bakit tulala ka? may problema ka ba?” Tanong ng aking pinsan.

“Ah, wala naman “ aking sagot

Nang mga oras na yun ako ay nag-iisip kung paano ko mapupuntahan si lolo Tacio, kung paano ko matatakasan ang aking mga pinsan. Maya-maya ay may ideyang pumasok sa aking isipan.  Isang malaking pagkakamali na nagawa ko sa aking buhay.

“Albert sumasakit ang tiyan ko.” Aking sumbong

"Bakit? may nakain ka bang hindi maganda? baka maya-maya mawala din agad yan.” kanyang sagot

“Iba kasi yung tubig dito. Hindi yata ako hiyang kaya sumasakit ang aking tiyan, iba kasi ang tubig sa amin eh.” ang daglian kong sagot

“Siguro nga, masakit na masakit na ba ang tiyan mo?"  Muli’y kanyang tanong

“Oo eh.” Aking sagot habang hinihimas ang aking tiyan

“Sige, uwi ka na muna baka mapasama pa ang lagay mo, mabuti nang doon ka na muna sa bahay hanggang bumuti ang iyong pakiramdam. Ako ng bahalang magsabi sa kanila na umuwi ka na.” muli ay tugon ng aking nag-aalalang pinsan.

“Maraming salamat” aking sagot at ako ay dali daling umalis upang magtungo sa kubo ni Lolo Tacio. 

Sa di kalayuan ay natatanaw ko na ang kanyang kubo. Habang tinatahak ko ang daan patungo sa kanyang kubo ay napansin kong mayroong sinusunog (mga tuyong dahon mula sa puno). Dahan dahan akong lumapit, huminto ako sa harap mismo ng pintuan ng kanyang maliit na kubo, bukas ang pinto tumawag ako pero tila walang tao sa loob.paulit ulit akong tumawag pero talagang walang sumasagot. Hindi na ako nakatiis dahan-dahan kong pinasok ang kubo.

Sa aking pagpasok ay maingat akong humahakbang, biglang may narinig akong tunog.ako’y nagulat at pigil hininga kong sinundan at inalam kung saan nanggaling ang naturang tunog, tinungo ko ang kusina at lumuwag ang aking paghinga sapagkat.tunog lamang pala iyon nang takore na may kumukulong tubig. Ngunit ako ay nagtataka nasaan ang tao sa kubong yun? Hindi naman mag sasarili ang takore na mag-init ng tubig?

Sa liit ng kubo ay halos nalibot ko na iyon ngunit wala si lolo Tacio, maliit lamang ang bahay pero ang ipinagtataka ko bakit tila ata napakaraming baul halos mapuno na ang kubo nang baul.

Maya maya ay nakarinig ako nang mga yabag na nagmumula sa hagdan paakyat ng bahay naisip ko na si lolo Tacio na siguro yun. Hindi nga ako nagkamali at sinalubong ko agad siya.

“Magandang hapon po lolo Tacio” bati ko sa matanda.

Nakita ko ang pagkagulat sa mukha ni lolo Tacio. Nakasuot siya ng damit pangbukid na medyo maputik na rin.

“Anong ginagawa mo dito? Paano ka nakapasok? Nagkukunot noong kanyang tanong.

“Bukas po kasi ang inyong pintuan kaya ako’y nakapasok”. Akin namang sagot.

“Oo nga pala mali ang tanong ko, ang dapat ko palang na tanong ay sino ka at bakit pumasok ka sa kubo ko? Anong pakay mo bata?" Nagtatakang kanyang tanong.

“Pasensya na po kayo kung ako’y pumasok na lamang. Kanina pa po kasi ako tumatawag sa labas pero walang sumasagot.” Aking sagot sa kanyang katanungan.

“Anong pakay mo at sinadya mo ako dito, baka mamaya maabutan ka nang aking mga apo. Baka saktan ka lang nila. Ayaw nila akong makikipag-usap kahit kanino. Umalis ka na! Ipinapahamak mo lang ang sarili mo!” ang pagalit na pananalita ni lolo Tacio.

“Lolo Tacio kaya po ako naparito ay may gusto po akong malaman.” Aking sambit.

“May gusto ka kamong malaman? at anu naman  yun bata?” nagtatakang tanong ni lolo Tacio.

“Gusto ko pong malaman kung ano po talaga ang naging karanasan nyo nung pasukin nyo ang yungib na sinasabing walang nakakalabas ng buhay pag pinasok? di ba ho pinasok nyo yun? at kayo po ay nakalabas ng buhay? Gusto ko pong malaman ang mga misteryong bumabalot sa yungib na iyon.” Sunod sunod na aking katanungan.

Tinitigan ako ni lolo Tacio at nararamdaman ko may ibig sabihin ang mga tingin nyang yun. Kung ano man yun ay hindi ko alam at nais kong matuklasan.

“Bakit mo nais malaman? hindi mo ba alam na isa akong baliw? kanyang tanong

“Pasensya na po lolo Tacio ngunit ayon sa aking obserbasyon kayo ay hindi baliw. Alam ko na nagsasabi kayo ng totoo.  Alam ko ang baliw sa hindi.” Taas noong tugon ko sa nauna nyang sinabi.

“Ngunit hindi mo ba alam kaya ako inilayo nang mga apo ko sa kanayunan sapagkat ako’y baliw. Walang naniniwala sa akin.” Sabi ni lolo Tacio.

“Ako ho lolo Tacio ay naniniwala sa inyo. Nararamdaman ko po na ang lahat ng sinasabi nyo ay totoo.” muli ay aking sambit.

Sa mukha ni lolo Tacio ay nakita ko ang kagalakan, tipid man ang kanyang mga ngiti pero nababakas ko ang saya sa kanyang mukha.

“Hindi ko akalain na may maniniwala pa sa akin at isa pang musmos na bata."

Pinaupo ako ni lolo Tacio at inanyayahan uminom ng kapeng galing sa sinunog na bigas.  Napakasarap pala ng ganung uri ng kape.  

“May sasabihin ako sa iyo ngayon at ipapaalam ko sa iyo ang lihim.  Kailanman ay wala pang nakakaalam nito dahil walang naniniwala sa akin na nanggaling talaga ako sa yungib ng kamatayan. Ibibigay ko yun sa iyo at ikaw na muna ang magtago ng sasabihin ko sa iyong lihim.”

Pumasok si lolo Tacio sa kanyang silid at inilabas ang isang baol na may nakapalibot na kadena at nakakandado ito.

“Nandito ang lihim. Dahil sa inabot na ako ng ganitong edad ng katandaan naniniwala ako na ito ay para sa iyo.”

Saglit lang at sumilip siya sa labas at nakita niyang dumarating na ang kanyang mga basagulerong apo.

“Ibabalik ko muli itong baol sa silid ko at padating na ang mga apo ko.  Umuwi ka na muna sa inyo para hindi ka nila masaktan pa.”

Ang Bangungot

Huli na ang lahat nang ako ay bumaba sa bahay ni Lolo Tacio sapagkat sinalubong na agad ako ng apat niyang apo.

“Hoy bata, magnanakaw ka ano!” Sinigawan ako ng nagngangalang Bruno.   

Inakbayan agad ako ng dalawa at hiindi pa man lang ako nakakasalita ay dinapuan na ng malakas na suntok ang aking nguso.

“Tigilan nyo yan!”sigaw ni lolo Tacio pero tila walang naririnig na pagsaway mula sa kanya ang mga apo, tuloy pa din sila sa pagbubugbog sa akin. 

Halos nandidilim na ang aking paningin. Lumapit si lolo Tacio at pinigilan ang mga ito. Nakahanap ako ng tyempo para makatakas at binilisan ko ang pagtakbo.hinabol ako ng nga ito ngunit paglagpas ng sapa ay nag sitigil din sila sa paghabol sa akin.

Kahit hirap sa paglalakad ay pinilit kong tahakin ang daanan patungo sa aming bahay at nang ako ay makarating doon ay laking gulat ng lahat nang makita ang aking hitsura. Halos hindi na nga nila ako nakilala sa dami ng aking sugat at pasa.

Kaagad rin ay kanila akong ginamot, kitang kita ko ang pag-aalala sa kanilang mga mukha.

“Ano bang nangyari sa iyo? bakit nagkaganyan ka? sino may gawa sa iyo nyan” naguguluhang tanong ng aking tiyahin habang ako’y nilalapatan ng gamot.

“Binugbog po kasi ako ng mga kabataan sa bayan.” Akin namang sagot.

“Ano? Bakit ka naman nila binugbog? Anong kasalanan mo?" Tanong ni Jennah na makikitaan ng pagtataka sa mukha.

“Hindi ko alam eh, marahil ay napagkamalan nila na bagong salta ako at hindi ako taga rito kaya nila ako napag-initan.” Akin namang palusot.

“Naku bata ka! Ano ba kasing ginagawa mo sa kabayanan!?” may galit na tanong ng aking lolo.

“May bibilhin lang naman po ako lolo, hindi ko naman po akalain na ganun ang mangyayari po sa akin eh. Hindi ko po akalain na wala din po palang pinagkaiba ang ugali ng mga kabataan sa maynila sa ugali ng kabataan dito.” Aking sunod na palusot.

“Kahit saan namang lugar hindi nawawala ang mga basagulero iho” may buntong hiningang sambit ng aking tiyahin.” Nasa saiyo na ang pag iingat kaya sana sa susunod wag ka na ulit babalik doon ng wala kang kasama na isa sa mga pinsan mo, buti sila at kilala na talaga dito pag kasama mo sila siguradong wala ng mananakit sa iyo” may pag aalalang sabi ng aking tita habang patuloy akong ginagamot.

"Nakilala mo ba sila at isusuplong natin sa mga pulis?"
"Hindi po, huwag na po."

“Sa susunod ayaw ko ng mauulit pa ito ha!? Tanong na aking lolo na medyo may galit pa.

“Opo lolo pasensya na po.” Malungkot kong sagot.

Kunsensyado ako ng mga pagkakataong iyon sapagkat sari-saring pagsisinungaling ang lumabas sa aking bibig.  Pinagsisihan ko agad ito.  Tumingala ako sa langit at pumatak ang aking mga luha.

Matapos ako gamutin ni tita ay naghapunan na rin kami at maaga kaming pinatulog. Ngunit sa kasamaang palad ako ay hindi pa ako dinadalaw ng antok. 

Nag-iisip ako kung paano makakabalik kay lolo Tacio nang hindi kami magkakabanggaan ng kanyang mga apo at kung paanong malalaman ko ang lihim ni lolo Tacio ng matiwasay na walang mangyayaring ano mang gulo.  Ganun din naman kung paanong hindi malalaman ng aking mga kamag-anak ang plano ko. Gustong gusto ko talagang malaman ang misteryong bumabalot sa mahiwagang yungib na iyon ngunit may isang katanungang paulit ulit na pumapasok sa aking isipan at iyon ay ang katanungang PAANO?

Ilang araw ko ding pinag-isipan kung paano ko gagawin ang aking plano. Halos gabi-gabi akong hindi makatulog sa pag-iisip sapagkat nararapat kong magawa ito ng malinis at walang sabit. 

Ang Baul ni Lolo Tacio

Hanggang sa isang araw nagpasya akong puntahan muli si lolo Tacio sa kanyang kubo ngunit ako’y nagtaka bakit tila maraming tao sa kubo ni lolo Tacio. 

Anong mayroon doon? Birthday ba kaya ni lolo Tacio kaya madami syang bisita?

Pero hindi sapagkat sa aking pagkakaalam kaya dinala sa kabundukan si lolo Tacio ay para ilayo sa mga tao sa paniniwalang ang matanda ay isang baliw.  Kung ganun, anong mayroon sa kubo ni lolo Tacio at maraming tao?

Sa di kalayuan ay natanaw ko na may mga naglalaro ng baraha at sa aking pagmamasid ay tila may nakita akong taong pamilyar na pamilyar sa akin ang mukha.tinitigan ko itong mabuti at tama ang aking hinala, isa sya sa mga apo ni lolo Tacio na nambugbog sa akin, sya ay walang iba kundi si Bruno.

Napagtanto ko na kinakailangan kong mag-ingat sapagkat baka maulit nanaman ang aking sinapit ilang araw na ang nakakalipas.

Ganuon na lamang ang pagkalungkot ko ng aking mapagtanto ang tunay na dahilan kung bakit maraming tao sa kubo ni lolo Tacio. Ito ay sa kadahilanang may ataol sa loob na naiilawan ng malamlam na bumbilya at may picture ni lolo Tacio. Si lolo Tacio ay sumakabilang buhay na pala. Halos ako’y manghina sa mapait na katotohanang iyon saglit ay napasandal ako sa puno ng mangga at nag-isip.

Ngayong wala na si lolo Tacio, paano ko pa malalaman ang sikreto ng misteryosong yungib na iyon? Paano ko pa malalaman ang hiwagang nakabalot sa nasabing yungib gayong wala na ang nag-iisang taong makakapagbahagi sa akin ng kasaysayan ng yungib na iyon. Paano na kaya?

Hindi nagtatapos doon ang aking pag-asa na malaman ang misteryo ng yungib na yun nang maalala ko ang lihim na gusto sanang sabihin sa akin ni lolo Tacio na sya mismong nakapaloob sa itim na baul na nababalot ng kadena.

Gusto kong malaman kung anong nasa loob nyun pero ang tanong, paano ko yun makukuha sa kanyang silid ng walang makakapansin at makakaalam?

Inabot ako ng dilim sa pag-iisip kung papaano ko papasukin ang silid ni lolo Tacio. Sa di kalayuan ay napansin kong may mga taong nagbababa ng mga baol ni lolo Tacio.

"Naku po ibinababa na nila ang mga baul ni lolo Tacio. Kailangan ko silang maunahan!"

Natatakot man sa posibleng mangyari ay nakipagsapalaran ako. Tinungo ko mismo ang pintuan para pumasok.  Hindi ako lumilingon sa pwestong kinalalagyan ni Bruno sa takot na makilala nya ako at baka yun na ang maging katapusan ko pag hindi ako mag-iingat.

Sa awa ng Diyos ay matiwasay akong nakapasok sa kubo ni lolo Tacio. Pabalik balik ang mga tao. Umupo muna ako ng sandali sa gilid, nakikiramdam ako sa mga tao. 

Hindi dapat nila ako mahuli na pumapasok sa silid ni lolo Tacio, muli’y ako’y tumayo at dahan dahang tinungo ang silid ni lolo Tacio sinigurado kong walang makakapansin sa aking ginagawa.  Ako’y nagtagumpay matiwasay kong napasok ang kanyang silid. Madilim sa boong kwarto dahil wala doong ilaw. Hinugot ko ang aking flashlight sa bulsa at syang ginamit ko upang hanapin ang itim na baol.

Nakita ko ang baul sa kanto ng silid.  Binuhat ko ito ngunit bago pa ako makarating sa may bintana ay narinig kong inuutusan ni Goryo si Bruno na kumuha pa ng alak sa may silid ni Lolo Tacio, silid na kung saan ay naroon ako.  Kaya muli kong ibinalik ang baol sa dating kilalagyan nito at ako ay dumapa sa sulok nito.

Narinig ko ang mga yabag ni Bruno.  “Napakadilim naman dito Goryo!  Nasaan ba banda yung mga alak?” ang galit na pagtatanong ni Bruno.

“Nandiyan lang yun sa may sulok bandang kaliwa!”  ang mabilis na tugon ni Goryo.  

 “Bilisan mo at ang tagal-tagal mo diyan!  Kanina pa kami dito naghihintay!”

Napansin kong papunta sa akin si Bruno kaya nabatid kong ang lugar na kinalalagyan ng alak ay katabi ko na mismo.  Kinakapa ito ni Bruno kaya sa halip na ako ang mahawakan ay mabilis kong iniabot ito nang hindi niya nababatid.   

Muli siyang kumapa sa sahig at iniabot ko pa ang isa.  Nang makakuha na siya ng dalawa ay umalis at bumalik na sa may baba.

Nakahinga ako ng maluwag sa pagbabang yun ni Bruno.

Bakit napakatagal mo!?”may halong panenermon na sabi Goryo.

“Hinanap ko pa kasi itong mga alak eh.” Nangangamot na sabi ni Bruno.” 

Nakapagtataka nga eh parang may nag-abot ng mga alak sa akin.”

“Naku Bruno grabeng imahinasyon mo yan. Hwag mong sabihing nagmumulto si lolo Tacio” natatawang biro ni Goryo.

Dahan-dahan akong kumilos, kinuha ko ang baol at agad ay tumayo. Medyo may kabigatan ang baul na aking hawak kaya hirap ako sa pagkilos. 

Hindi ako dapat dumaan sa pintuan sapagkat makikita ako ng lahat na may dala dalang baul at baka maging mitsa pa ito ng aking buhay.

Nakita ko ang bintana at doon ako dapat dumaan para walang sinuman ang makakita sa akin.

Habang sa baba ay nagbibiruan ang magbabarkada.kinakantyawan si Bruno dahil sa pagdududa nitong  may ibang tao sa silid. Walang tigil sa pangangantyaw sila Goryo hanggang sa mapikon si Bruno.

Niyaya nya ang mga barkada na puntahan ang naturang silid ng matanda.  Narinig ko ang usapan nila na aakyat sila sa taas.  Sisilipin nila kung may tao sa silid.

Lalong lumakas ang kaba sa aking dibdib na halos marinig ko na ang kabog nito.

Dali dali kong tinungo ang bintana at agad ay tumalon. Halos manhid na ang aking katawan sapagkat hindi ko naramdaman ang sakit na dulot ng pagkalaglag ko. Agad kong nilisan ang naturang lugar.

“Nasaan naman ang sinasabi mong tao dito sa loob!?” tanong ni Goryo nang sila ay nasa kwarto na.

“Oo nga naman Bruno, baka naman imahinasyon mo lang yun o di kaya minumulto ka na ni lolo Tacio” sambit ni Tado.

Napakamot ng ulo si Bruno. Maya-maya ay may napansin sya. 

"May nawawala, parang may nawawala dito. Parang may kulang” nagtatakang sabi ni Bruno sa mga kasamahan.

“Ano naman sa tingin mo ang mawawala dito aber?” tanong ni Goryo

Iniisip ni Bruno ang bagay na tila naroroon pa kanina lamang pero ngayon ay wala na. Hanggang sa ito ay naalala na nya. Ito ay ang baul na nasa loob ng silid ni lolo Tacio.

"Nawawala ang itim na baul ni lolo Tacio!" pasigaw na sambit ni Bruno.

 >>> PART THREE (3)


PART | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | >>>